SUBYANG SA PUSO

ni Belen “Bheng” Arellano

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 2

Tumutunog nang tuluy-tuloy ang fire alarm. Napahawak si Elena sa kaliwang braso ni Fidel. “May sunog, Kuya.”  

​

“H’wag kang matakot, hindi kita pababayaan,” sabi ni Fidel. 

​

Sinundan nila ang pulutong ng mga taong tumatakbong papaakyat sa huminto na sa pag-andar na iskaleytor. Hindi bumibitiw si Elena sa pagkakahawak sa binata. Takot na takot siya.

​

Nang araw na iyon, galing ang binata sa gusali ng negosyong ipinababahala sa kanya ng ama sa London, isang import-export enterprise, samantalang ang dalaga’y buhat sa tanggapan ng Tagpuang-Pilpino. Si Elena’y sangkot at aktibo sa mga organisasyong kinabibilangan ng mga kababayan. 

​

“Kuya, nagliliyab ang paligid. Baka mapahamak tayo!”

​

“Bilis ang takbo….”

​

“Magdasal tayo, Kuya.”

​

“Wala nang panahon!  Magmadali ka…”

​

“Tumawag tayo sa Diyos!”

​

“Oo.”

​

Nang makarating ang dalawa sa may pintuan ng underground, naglalagablab na ito. Marami ang hindi makalabas. May nakaabang na mga sasakyang ambulansiya sa harapan. May mga sasakyan din ng pamatay-sunog at mga bumberong nagsisikap na mapuksa ang apoy. Nguni’t mataas  at malawak na ang natutupok.

​

“Halika, lalabas tayo…tatakbo tayo nang mabilis!”

​

“Hindi ko kaya…takot ako. Baka mabagsakan tayo ng nagliliyab na mga kahoy at haligi.”  Biglang nawalan ng malay si Elena. Nasalo ni Fidel ang dalaga bago natumba. Pinasan niya ito. Wala siyang sinayang na sandali. Sa tulong ng mga bumbero, mabilis niyang natakbo at nabagtas ang nagliliyab na pintuan.  Nakalabas sa nasusunog na gusali si Fidel na pasan-pasan si Elena. 

​

Dumalo sa dalawa ang ambulance men at inalalayang patungo sa nakahimpil na ambulansiya. Ilululan na sana  si Elena na kasama si Fidel, nang magising ang dalaga. Mumukat-mukat ito at sinabing maayos daw lamang siya. Lumapit ang ambulance nurse, pinulsuhan at tiningnan ang blood pressure ni Elena. Mabuti raw naman ang kalagayan ng dalaga at hindi na  kailangan pang dalhin sa ospital.

​

“Ihahatid na kita sa inyo.”

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link