MAY LIHIM ANG BAHAY-BAHAYAN

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 6

   Gayunpaman, hindi ko pinabayaan ang aking sarili, ipinagpatuloy ko ang pagsisikap at puspusang paghahanapbuhay. Marami akong naging kliyente bilang Arkitekto at Enhenyero, at ito nga, sa ngayo’y pinagbubuti ko ang pagtatayo ng isang malaking mansiyon dito sa Lungsod ng Batangas.

​

​

NAYARI na ang malaking tahanang ginawa namin, liban sa ilan pang bagay.  

​

    “Dalhin mo nga rito, Pedro, ang kahon ng mga bisagra at kandado,” utos sa akin ng isa sa mga karpentero.

​

    Ang ipinadadala ay mabilis kong kinuha, “narito na po.”

​

    “Mabuti!”

​

    Nang mapintahan ang loob at labas ng buong mansiyon ay sumunod ang pagla-landscape. Kay ganda ng ginawang halamanan sa paligid ng tahanan. At sa wakas, tapos na ang pinagpaguran naming lahat.

​

​

KAHARAP kaming lahat noon ng kinatawan ng may-ari ng ipinagawang bahay. Sabi niya’y gusto niya kaming makausap na lahat.

​

    “Mamayang gabi, mga kasama, ay darating ang may-ari ng tahanang ginawa ninyo,” sabi ng kinatawan, “at isang salu-salo ang inihanda niya para sa inyo.  Makikilala na ninyo siya.

​

    “Sino po siya?” tanong ng kapatas.

​

    “Mamaya, pagdating niya ay malalaman ninyo,” ngiti ng kinatawan.

​

    Ikapito na ng gabi nang pumarada sa tapat ng mansiyon ang isang bagung-bagong Mercedes Benz. Laking pagkabigla ko nang bumaba sa sasakyan si Melinda, kasabay ng isang may-edad nang British.  

​

    Sa isip ko, marahil ay ang lalaking Puting kasama niya ang bagong nagmamay-ari ng kanyang puso. Sumulyap siya sa akin at ngumiti, nguni’t hindi siya lumapit. Ginanti ko siya ng isang tipid nguni’t may pait na ngiti.

​

    “Mga kaibigan, narito ang may-ari ng tahanang ito,” pagpapakilala ng kanyang kinatawan, “si Bb. Melinda Bituin.”

​

    Nagpalakpakan ang lahat, liban sa akin. Hindi ako makapalakpak dahil sa hapding nararamdaman ko sa puso ko.

​

TATAPUSIN >>>

​

Pahina [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]  [7]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link