KUNG gabing pagod ako sanhi ng maghapong paggawa, sa pamamahinga’y nagugunita ko si Melinda, ang kasintahan kong lumimot na sa akin. Nasasaktan ako kung naaalaala ko siya.
Kay saya ng aming kamusmusan. Mga bata pa kami’y magkapalagayang-loob na kami. Laging kami ang magkalaro palibhasa’y magkapitbahay. Iisa ang harapan ng aming bahay nguni’t sa gawing likuran ng tahanan ng cute kong kababata ay malimit kaming nagbabahay-bahayan.
“Ikaw ang tatay, ako naman ang nanay, payag ka.”
“Siyempre, payag ako, sabi mo e.”
Napapalakpak si Melinda, “Sige, pasok na tayo sa bahay natin.”
Nasok kami sa bahay-bahayang yari sa pinagsagpi-sagping karton. Karton din ang bubong at halos kasiyang-kasiya lamang kaming dalawa.
“Pa’no naman ako magiging tatay, at pa’no ka naman magiging nanay e wala naman tayong anak.”
“Meron na,” nakapikit na ngumuso siya sa akin.
“Nasa’n?”
“D’yan ka lang,” lumabas si Melinda, “kukunin ko ang anak natin.”
Naghintay akong nakahalumbaba, at di nagtagal bumalik siya. May kung anong dala na nasa kamay niyang nakatago sa likuran.
“O, ano ‘yang tinatago mo?”
Inilabas niya ang itinatago sa likod, “O, ito na ang anak natin.”
Inabot ko sa kanya ang isang manika, tuwang tuwa ako, at sa katuwaan ko’y niyapos ko siya at hinagkan sa kaliwang pisngi.
Napahagikhik siya, parang nagustuhan ang ginawa ko. “Hagkan mo rin itong kabila.”
“Bakit?”
“Kasi, nakikita ko, pag hinahagkan ni tatay si inay, magkabilang pisngi ang hinahagkan.”
“Ikaw naman, kulit-kulit. Sige na nga,” hinagkan ko ang kanang pisngi ng kababata ko.
Tuwang-tuwa siya.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.