MAY LIHIM ANG BAHAY-BAHAYAN

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 5

    “Pet, mag-a-abroad ako,” nakalingap sa akin ang mapupungay niyang mata. “Gusto kong magkaroon naman ng ibang karanasan sa pagiging nars.”

​

    “Saan ka naman pupunta?” tanong ko.

​

    “Sa London. Payag ka ba?”

​

    “Kung gusto mo, at inaakala mong makabubuti sa iyo,” turing ko, “siyempre, payag ako.”

​

    “Di ba para din sa atin ito at sa kinabukasan ng ating magiging mga anak?”

​

    “Oo, alam ko ‘yon,” sang-ayon ko, “pero magkakalayo tayo!”

​

    “Lumayo man ako… iiwan ko sa ‘yo ang aking puso at pag-ibig.”

​

    “Talaga?”

​

    “Oo, naman,” humilig siya sa aking dibdib. “Pagbabalik ko, payag na akong pakasal tayo.”

​

    “Promise?”

​

    “Nangangako ako.”

​

    Ang pangakong iyon ng kasintahan ko’y naglahong parang bula. Nitong mga nakaraang buwan ay nawalan na kami ng komunikasyon.

​

    Sa limang taong ipinamalagi niya sa United Kingdom, lagi kaming nag-uusap at nagbabalitaan. Kung di man kami makapag-usap sa telepono, nagpapalitan kami ng text o kaya’y nagpapahatiran kami ng email sa pamamagitan internet.

​

    May ilang buwan na ngayong wala kaming ugnayan. Hindi ko na siya ma-contact. Tila nagpalit siya ng numero ng cell phone at ng email address. Walang sumasagot sa landline na dati kong tinawagan upang kausapin siya. Nilihaman ko siya sa huling pahatirang-sulat na ibinigay niya sa akin, nguni’t walang sagot akong natanggap.

​

    Masamang-masama ang loob ko. Ganito pala ang hirap ng kalooban ng isang tunay na nagmamahal kung limutin ng kanyang minamahal.

​

    Ang kutob ng loob kong lumimot at nagtalusira siya sa aming suyuan ay nagkaroon ng bahagyang linaw nang si Tito Bert na nangingibang-lupa din sa London ay magbalik-bayan.  Ibinalita niyang nakita raw niya si Melinda at nakausap. Naging Private Nurse daw ang nobya ko ng isang bilyonaryong British. Pansin niyang si Melinda ay malapit na malapit sa ubod ng yamang pinaglilingkuran. O! Melinda, bakit mo nagawa sa akin ito! sigaw ng puso kong nagdurusa. 

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link