MAY LIHIM ANG BAHAY-BAHAYAN

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 4

NAITAYO na ang malalaking poste ng bahay at mataas na ang asinta ng hallow blocks.  Inihanda na ang porma para sa pagbubuhos ng biga. Pinatulong ako ng kapatas sa pagtatayo ng mga pala-pala. Mataman kong inobserbahan ang paglalagay ng mga batangan at suliras. Naisagawa iyon nang ayon sa hangad kong tatag ng bahay. Nagporma ng mga plywood na de medya para sa pag-iislab at yaon ay nilatagan ng bakal na tama sa sukat na gusto ko. Tinalian ang mga bakal ng kawad sa tamang distansiya.

​

    Habang pinagmamasdan ko ang ginagawang bahay, sumilid na naman sa isip ko si Melinda. Tapos na kami noon ng mataas na paaralan at kasintahan ko na siya. Nasa huling taon na siya ng kursong Nursing. Ako nama’y matatapos na rin ng Architecture. Nasa isip ko na rin ang plano kong kumuha ng Civil Engineering.

​

    “Sweetheart, kung kasal na tayo at magpapagawa ng bahay, gusto ko’y matibay at matatag,” wika niyang tila nangangarap, “saka yaong malaki… mansiyon.”

​

    “Bayaan mo,” tugon ko, “magsisikap akong mabuti. Pag natapos ko ang dalawang kursong gusto kong tapusin e maghahanapbuhay ako nang puspusan para sa ‘yo.”

​

    “Oo, ‘lam ko namang gagawin mo ‘yon, tiwala ako sa iyo.”

​

    Inilapit ko ang mukha ko kay Melinda, at naghinang ang aming mga labi. Maligayang-maligaya kami.

​

​

“HOY, Pedro, ano ba’t parang namamatanda ka na naman?” bulyaw ng kapatas. “Hindi pu’ede ang babagal-bagal, aba’y nag-iislab na tayo. Bilis-bilisan mo ang paghahakot ng halo at baka abutin tayo ng ulan, tingnan mo’t nagdidiklom ang langit.

​

    “Opo,” sabi ko. Binilisan ko ang aking pagkilos.

​

    Bawa’t isa’y naging masigasig sa aming pag-iislab. Tuloy ang paghahalo ng buhangin, semento at graba, tuloy ang paghahakot ng ng halo, ang iba’y nagpapasa-pasa ng timba ng halo hanggang sa makasapit ito na lugar na binubuhusan.

​

    Nang mahinangan at mabuo na ang mga steel truss, iginayak na ang pagbububong.  Ipinahanda at ipinahakot sa amin ng foreman ang nalalabing PVC para sa electrical wiring, at mga yerong pambubong. Elite type ang bubong na gagamitin, kulay maroon.  

​

    Anupa’t sa mabilis na paglipas ng panahon ay halos yari na ang ipinagagawang  mansiyon.

​

​

ISA nang ganap na nars si Melinda noon, ako nama’y ganap nang arkitekto at Civil Engineer, nang isang araw ng Sabadong nasa White Beach kami ng Puerto Galera ay magpaalam siya sa akin. 

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina [1]  [2]  [3]  [4]  [5]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link