Iginiit ko ang gusto ko. Iminungkahi kong magpapanggap akong trabahador din, sasama ako sa mga manggagawang nasa grupo ng labor. Pumayag siya at yaon nga ang nangyari, kaya narito ako, kasamang nagtatrabaho at nagpapawis sa init ng araw.
“Pedro, bilis-bilisan mo nga ang paghahakot ng hallow blocks,” sigaw sa akin ng kapatas. “Aabutin tayo ng kuwaresma sa paggawang ito kung ganyan ka kabagal!”
“Opo,” tugon ko naman habang tagaktak ang pawis sa buo kong katawan.
Ang talagang palayaw sa akin ay Peter, nguni’t dito’y Pedro ang itinatawag nila, palibhasa’y nasa labor group lamang ako, busabos ang pagtingin nila sa akin. Wala silang kamalay-malay na ako ng arkitekto at enhenyero ng pagpapagawa ng malaking tahanang ito. Ngali-ngali na akong mainis, magpakilala, at sila ay pagmumurahin ko. Datapwa’t dahil nga sa may misyon ako, kaya dinagdagan ko ang pagpipigil ng sarili.
“Tumulong ka sa paghuhukay pagkatapos niyan.”
“Masusunod po.”
Malimit kaming binubulyawan na nasa pangkat ng labor hindi lamang ng foreman. Ang iba pang matataas sa amin ang tayo, tulad ng steel man, mason, at karpentero, sa paggawang iyon, ay nambubulyaw din.
Lumipas ang mga araw. Nang makapag-layout at iskuwalado na ang mga sulok, sinimulan ang excavation at kaming nasa labor ay pinapaghukay ng pagbubuhusan ng graba, buhangin at semento. Sabi sa akin ng kapatas ay doon daw mag-aasinta ng hallow blocks. Sa loob-loob ko, talagang bangag ang tingin sa akin ng kamoteng ito. Gusto ko nang mayamot at harapin siya, nguni’t nagpigil pa rin ako.
Tutulong sana ako sa pag-aasinta ng hallow blocks subali’t nagalit ang foreman.
“Kay bagu-bago mo e mag-aasinta ka, naloloko ka na ba?”
“Kung hindi po ako magsisimulang gumawa nito, paano po ako matutoto,” sabi ko.
“Hoy, magtigil ka nga, Pedro, gusto mo bang makagalitan ako ng arkitekto at enhenyerong nagplano at namamahala nito?” wika niyang mabalasik.
Ako ‘yon, sigaw ng isip ko na hindi ko maisatinig. “Pasensiya na po kayo, Bossing, gusto ko lamang po namang makatulong.”
“Doon ka nga sa paghahalo ng buhangin, graba at semento,” nakaismid siya, “at huwag kang parang laging natitikbalang.”
“Opo, Sir.” Mahinahon akong nagtungo sa mga naghahalo.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.