SAYANG

ni Rafael A. Pulmano


Mahal, kumusta ka? Ngayon ko natanggap

Ang liham mo sa 'kin...Maraming salamat!

Paulit-ulit kong binasa ang sulat

Di ko mapigilang maluha sa galak.


Tuwang-tuwa ako sa iyong balita

Lalo na yung tungkol sa dalawang bata,

Si Neneng ko pala'y honor sa eskwela

At si Toto naman ay nasa kinder na.


Sayang! Dapat sana, ako'ng magsasabit

Ng ribbon kay Neneng pag siya'y gumradweyt.

Araw-araw sana, ako'ng maghahatid

Kay Toto sa klase, papunta't pabalik.


Kalakip ng liham kong ito sa iyo

Ay isang birthday card sa kaarawan mo.

Sayang! Dapat sana ay magde-date tayo

At magdya-Jollibee pag gutom na, ano?


Ikakasal pala ang kababata ko

Sayang! Kung pwede lang, ibig kong dumalo.

Ang ninong ko pala ay kakandidato

Sayang! Hindi ko man lang maiboto.


Lumipat na pala'ng ating kapitbahay

Sayang! Di na ako nakapagpaalam.

Naospital pala nu'ng Linggo si Inay

Sayang! Ni hindi ko nadalaw man lamang.


Pinataob pala ng Shell ang Ginebra

Iisa ang lamang, muntik pang magtabla

Graduate si Jaworski, suspended si Calma

Sayang! Dapat sana, ako'y nasa Ultra!


Tuyo at galunggong at inalamangan,

Nilaga, pinakbet, sarsyado, sinigang,

Bibihira ko nang dito ay matikman

Sayang! Nami-miss ko ang luto mo, Hirang!


Di sapat ang ganda ng kinabukasan

Kung ngayon ko nama'y waring nasasayang!

Kahit na ang s'weldo sa abroad ay dolyar,

Di kayang ibalik ang nagdaang araw!


Hanggang dito na lang ang liham kong ito

Sagutin mo agad pagka’t sabik ako

Na makabalita ng tungkol sa inyo

Laging nagmamahal... Rafael Pulmano.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link