PAG-ASA NG BAYAN
Dalaga, dala na, o merong asawa
Sa hirap ng buhay, hangad mo'y iisa
Iahon sa dusa ang abang pamilya
Nag-abroad ka upang
kumita ng lapad
maski na magputa.
Naging Japayuki at naging Mama-san
Kumabit sa kahit na sinu-sinong San
Nag-recruit ng kapwang sikmura'y nakalam
Weather-weather lang yang,
noon: sila bugaw,
ngayon naman: ikaw.
Eh ano kung bugaw? Eh ano kung puta?
Tao'y kanya-kanyang diskarte't dilhensya
Ano'ng pipiliin? Maging terorista?
Mangidnap-for-ransom?
Mang-agaw ng cellphone?
Mag-rally sa Edsa?
Saka meron pa bang ibang aasahan
Liban sa sariling sikap at paraan?
Hawak mo ang susi sa kinabukasan
Kaya nga Bayani
ang turing sa iyo
ng ating lipunan.
At habang abala sa kaban ng bayan,
Press release, interbyu, debate, bangayan
Ang Kongres, Senado, at ang Malakanyang
Umaasa kami
sa iyong patuloy
na monthly remittance.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact