IBA TALAGA SA ABROAD

ni Rafael A. Pulmano


ARAY KO! Tingnan n'yo, ang buhay nga naman

Iyang pag-a-abroad ay sadyang iba raw

Ang tatay kong dati'y magsasaka lamang

Biglang naging "farmer" pagdating sa Saipan!


Bukod sa Ingles na ang kanyang salita

At dollar ang sahod sa ibayong lupa

Siya rin ay isang dakilang alila,

Alipin, utusan, tsimoy na kawawa!


Kaya lang, kaymalas po naming talaga

Kapalaran kaya'y kailan gaganda?

Sa amin, si Tatay, laging walang pera,

Pagdating sa Saipan, butas rin ang bulsa!


Naibenta niya ang aming kalabaw

Naisanla na rin ang lupa at bahay

Nakapangutang pa sa mga kaybigan

Para sa recruiter ay may mailagay.


Sabi n'ya kay Nanay, konting tiis muna

Darating din sa 'ming buhay ang ginhawa

Unang s'weldo lang daw, pag nag-remit siya, 

Pambayad sa utang ay sobra-sobra pa.


Isang buwang kayod sa gitna ng init

Hindi alintana ang pagod, ang homesick

Dumating ang pay day, tatay ko'y nasabit...

Dollar ay sa night club lahat napa-remit!


After almost one year, ang tatay ko ngayon,

Finished contract nguni't wala ring naipon

Siya ay uuwing suot na pantalon

Ay yun pa rin dating kupasin n'yang maong!

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link