BITIN
Dear, Happy Anniversary!
O kaybilis ng panahon!
O kaysarap gunitain
ng lumipas na panahon…
Mga paslit pa lang tayong
naglalaro sa maghapon,
Hanggang kapwa nakatapos,
nagkalayo after high school,
Sa puso ko, noon pa man,
may pag-ibig nang umusbong
Lumago at namukadkad,
naging baliw na obsesyon
Kaya laking tuwa minsang
muli tayong nagsalubong,
Sa agad kong pagtatapat
ay “oo” ang iyong tugon.
Walang araw, walang gabing hindi tayo magkapiling
Laman ka ng panaginip sa sandaling mapahimbing
Nang tayo ay ikinasal, sa dambana pagbikisin,
Kasiyahan sa dibdib ko, tila walang pagmamaliw
Kung ako ang masusunod, buong buhay gugugulin
Sa piling mo, wala na ‘kong anupamang nanaisin
Nguni’t tayo, sa pag-ibig, gaano man kataimtim,
Sa mundo'y di mabubuhay kung kapos sa makakain.
Nais nating makaipon, makapundar, guminhawa
Ang buhay at kabuhayan ng pamilyang ibubunga
Kaya unang taon pa lang ng nabiting pagsasama
Ay nangibang-bansa ako at sa Saudi ay nagpunta.
(Nagpakasal tayo noon para laging magsasama,
Pagkatapos, naglayo rin nang dahil sa ekonomya.
Hindi tayo sa ‘enchanted kingdom’ kasi nakatira,
Kaya, Darling, konting tiis, wag mawalan ng pag-asa.)
Tuwing ako’y magre-renew
ng kontrata taun-taon,
Usapan ay isang buwan
ako pwedeng magbakasyon
Kaya tayo, aking Mahal,
kada Hunyo, ay honeymoon
Isang buwang nasa silid
at maghapong nagkukulong
Hindi naman nasayang ang
pagtitimping aking ipon
After twelve years, sinuwerteng
nakabuo ng girl at boy
At ngayon nga, dahil twelve times
na tayong magre-reunion,
Happy First Year Ann'versary!
I'm coming home... I'll see you soon!
Maraming salamat kay bayaw Ludi, na nagbigay ng idea at inspirasyon para mabuo ang tulang ito, at sa kanyang magandang maybahay na si Dodi, na nagpaunlak na mapalagay ang kanilang larawan sa pahinang ito. – Rafael A. Pulmano
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact