ANG TABAK NG SUPREMO

(Tulang handog kay Andres Bonifacio, Ama ng Katipunan)

ni Bert Cabual

​

KAPAGKA ang pagka-api’y sumasagad na sa dibdib,

nakaamba sa pagsabog ang nagpuyong hinanakit;

sa karimlan nitong bayang alipin ng pagtitiis,

ang tabak mo, Bonifacio’y may liwayway manding hatid.

​

Sinabi mong bawa’t isa’y nangangarap na lumaya,

kahi’t ginto ang kulungan, ang ibon ma’y lumuluha;

kailanga’y kalayaan upang diwa’y mapayapa

sa kamay ng mga imbi’t mapanikil na Kastila.

​

Tila kidlat na gumuhit sa nagluksang kalangitan,

yaong tabak mo, Supremong di marunong magulantang;

itinatak ang panata sa lupaing kinagisnang

mapang-api’y pupuksain sukdang ito’y ikamatay.

​

Narinig ng ating lipi ang sigaw sa Balintawak,

magiting na Katipuna’y mapunyaging itinatag;

Balintawak, Biak na Bato’t Baraswain ay may lakas

na gumimbal sa imperyong mapangamkam at marahas.

​

Sa likuran mo, Supremo’y kasunod ang buong bayan,

libo-libo’y nakangiting naghandog ng abang buhay;

at sa langit, kaya pala nangulimlim yaong araw,

ay nabuhos na’t dumanak ang dugo ng Katipunan.

​

Pumanaw ka, Bonifacio, nguni’t ikaw’y gintong-ginto,

sa puso ng iyong bayang minahal nang buong-buo;

kahi’t pa man, tinahak mo ang landasing liku-liko,

ang tabak mo ay sagisag ng paglayang itinayo.

​

Bonifacio! Bonifacio! bukambibig hanggang ngayon,

magbalik ka, magbalik ka! dito sa aming panahon;

inang bayang nilisan mo, ngayo’y muling tumataghoy…

sa bulisik na gobyerno — tabak mo ang magtatanggol!