DOLPHY

ni Rafael A. Pulmano

​

​

Dolphy, artista kang mula pagkabata

Nagdulot sa amin ng aliw at tuwa

Mapasa-ekspresyon ng komikong mukha,

O kilos, o  porma, o pananalita.

​

Onli sa Pilipins may iisang Dolphy

Na tinaguriang Hari ng Komedi

Maraming dekadang pinatawa kami

Mula entablado, radyo, sine, TV.

​

Laking pasalamat sa panahon namin

Ay siyang pinalad na naroon ka rin

At sa henerasyong susunod sa amin

Makulay mong buhay kwentong bibigkasin.

​

Pidol, Ompong, Dolphy, ano man ang tawag

Dakila kang tao, may pusong busilak

Walang Pilipinong di napahalakhak

Sa maraming taon ng iyong pagsikat.

​

Hindi makakatkat sa 'ming alaala

Ang hatid na saya ng Buhay Artista,

Home Along da Riles, at ng John en Marsha,

Na ikaw ang siyang pangunahing bida.

​

Yaman kang totoo nitong Inang Bayan

Higit pa sa isang Artistang Nasyonal

Ang 'National Treasure' ay akmang parangal

(Paalam na, Dolphy...Pidol...Idol...Goodbye...)

​

​

Rafael Pulmano

Hulyo 13, 2012

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link