SA BAGONG PANGULO

ni Sabicnaco Macauwi

​

Sa bagong pangulo ng lupang hinirang,

Bansang ginigiliw, Perlas ng Silangan

Sa Hunyo tatlumpu ng kasalukuyan

Sa panunumpa mo sa Quirino Grandstand

Kami sa malayo wag kalilimutan

Sa magandang balak, kami ay idamay.

​

Kaming napatapon sa ibang lupain

Upang ang pamilya'y laging may makain

Kaming nagtitiis malayo sa piling

Ng mahal sa buhay alang-alang na rin

Sa kinabukasan nila't bayan natin

Pag naluklok ka na ay alalahanin.

​

Kasang-ayon kami sa dakilang misyon

Magtagumpay sana ang lahat mong layon

Na susugpuin mo ugat ng kurapsyon

At ang kahirapan bibigyang-solusyon

Kaming nasa abroad ay kung magkagayon

Makauuwi na sa sariling nasyon.

​

Kung ang kahirapan ay malulunasan

Wala nang dahilan upang bansa'y iwan

Kung walang kurapsyon sa pamahalaan

Dolyar na naipon, ipamumuhunan

Talento ng Pinoy ay sariling bayan

At di na banyaga ang makikinabang.

​

(Pilipino tayong likas na masipag

Ang kulang lang natin ay oportunidad

At ang pantay-pantay na pagpapatupad

Ng batas na walang mayama't mahirap.)

P-Noy, ipadama sa dukha ang habag,

Usigin ang mga nagpasasang korap!

​

​

​

TUNGHAYAN DIN:

Kaugnay na Tulang Handog kay Noynoy Aquino

Asin at Ilaw ni Bert Cabual

May Paninindigang Hindi Maaapula ni Bheng Arellano

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link