BUHAY NA UMAGA

(Tulang handog kay Inang Maria sa kanyang kaarawan – Ika-8 ng Setyembre)

ni Bert Cabual

​

Sa kaarawan mo, Ina ng Pagkasi,

Ang madlang Simbaha’y nagdidili-dili;

O! ang ikawalo ng buwang Setyembre

Ay araw mo Inang ipinagpupuri.

​

Ang kaarawan mo’y buhay na umaga,

Kasaysayang kristal sa pamamanata;

Mga magulang mo ay santo at santa

Na si San Joaquin at si Santa Ana.

​

Ipinaglihi kang walang bahid-dungis

Ng pagkakasalang sagwil at ligalig;

At binantayan ka ng tadhana’t langit,

Upang manatiling wagas at malinis.

​

Nilikha kang walang salang orihinal

Na buhat sa lipi nina Eva’t Adan;

Sa banal mong mundo nang ikaw’y iluwal,

Hari ang pag-ibig at reyna ang dasal.

​

Mula ka sa angkan ng mga propeta

Na may karununga’t diwang nagbabaga;

Santong katarungan ang sinasandata

Sa hamon ng buhay at pakikibaka.

​

Sa araw mo, Ina, sa bundok ng hapis,

Nanungaw ang talang dumilat-pumikit;

Ibon man sa parang na nananahimik,

Sumiyap ng notang dalisay na awit.

​

Ang daloy ng tubig sa matandang ilog,

May sigaw ng tuwang lagaslas na agos;

Ang batis at sapang sining ng pag-irog

Ay galak ng luhang saluysoy na bubog.

​

Ang kaarawan mo’y ilaw na pumawi

Sa dilim ng dagat — sigwa at buhawi...

(O! laking himala!...dagat nang nahawi

Ng baston ni Moises na sugo ng Hari!)

​

Maligayang bati, mutyang Inang Mahal

Sa kaarawan mong dakila at banal;

Bawa’t panalanging sa iyo’y parangal

Ay pamimintuho naming walang hanggan!

The Virgin in Prayer, by Sassoferrato, c. 1650

Larawan mula sa Wikipedia.org

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link