NOYNOY: ASIN AT ILAW

ni Bert Cabual

​

Kayo ang asin ng mundo. Nguni’t kung mawalan na ng lasa ang asin, paano pa ito mapaalat na muli?  Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lungsod na itinayo sa tuktok ng bundok.- Mateo 5:13-14

​

PAMUNONG dakila ng lunting sigasig

Sa bagong liwayway ng gabing pusikit;

Ang kuyom na apoy ng pananahimik

Ay naglalagablab ngayong mag-uusig;

Ang munting buwayang panggap kung manangis,

Lulusong sa dagat ng burak na putik.

​

Santong katarunga’y ngayon iaabot

Ni Noynoy Aquino sa kamay ng Diyos;

Ang dungong kahapon ng umagang limos

Ay bakas sa birang ng paghihimutok;

Sa pagwawasiwas ng himalang tungkod,

Luluha ng lubid ang dapat managot!

​

Ipinabandilang si Noynoy ay asin

Sa pagkapangulong timyas kung lasapin;

Ang dilang marunong tumimos ng aliw,

Sa lugod ng bayan ay mangagpipiging;

Subali’t ang ganid at bungangang haling,

Sa pagas na lupa’y sisikangang matsing.

​

Nang kumandidato’y may ilaw si Noynoy

Na sulong humawi sa dilim na lambong;

Ang sikil na puso’t budhing nakakulong

Ay nangagsilaya sa kiming panaghoy;

Ang bukong liwawag mandin ang nagtaboy

na ang Presidente ay si Noynoy ngayon.

​

Ang kayakap nati’y asin at liwanag

Na buhay, pag-ibig, pag-asa’t pangarap;

Nakatanaw tayo sa gintong hinagap

Na may Inang Bayang babangon sa hirap;

Sa templo ng kanyang mabathalang sikap,

Windang na ang kutang karsel ng bagabag!!!

​

​

TUNGHAYAN DIN:

Kaugnay na Tulang Handog kay Noynoy Aquino

Sa Bagong Pangulo ni Rafael A. Pulmano

May Paninindigang Hindi Maaapula ni Bheng Arellano

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link