SONETO SA ATING ANIBERSARYO
(Handog sa Maybahay Kong si Ludy Cabual)
Sa takipsilim ko’y ikaw ang bituin
Na tanglaw sa aking pusong naninimdim;
Sa madaling-araw ang tala’y ikaw ring
Kukuti-kutitap kung ako’y magising.
A! ang aking puso’y muling umiibig
Sa iisang mutyang kapilas ng langit;
Ikaw, walang iba, ang muling umakit
Sa aking makulay na pananahimik.
Marami nang taong tayo’y magkasama
Sa iisang mithi at pamamanata;
Ang tamis at pait ng tuwa at dusa
Ay hinarap nating buhay at pag-asa.
(Tanggapin mo, giliw, ang aking soneto
Sa ating maringal na anibersaryo!)
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.