ISANG DANGKAL NA GUNITA

​

Isang-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

​

Katapusan ng Dula – Pahina 3

​

NAKARAAN: Lumabas sa kanang pinto sina UBALDO, Rudy at Ferdie.

​

​

ANONG : Iyan na nga ba ang sinasabi ko noon pa, Kapitan.

​

RICARDO : (Matalas ang ipupkol na tingin kay Anong sabay bulalas.) Anong..!

​

ARSENIA : (Maiintriga.) Ang alin? Anong sinasabi ang ibig mong sabihin, Anong?

​

ANONG : (Iiwas ng tingin kay Arsenia at mabilis na dadampot ng isang tasang kape.) Itong kape, Aling Senyang. Napatapang yata sa tubig ang kanaw ko. Hindi pinansin ni Mr. Ubaldo Carpio at ng kanyang mga kasama. (Biglang babaguhin ang usapan. Ngingiti, labas ang ngiping bungi.) E, Kapitan. May sasabihin sana ako sa inyo, eh. Pero nakakahiya.

​

ARSENIA : Babale ka? Ikaw talaga, Anong. Araw-araw na lang, ganyan ang dayalog mo sa amin. Para ka naman palaging iba kung magsalita. Magkano ba?

​

ANONG : Singkwenta pesos lang. Pambili ng sankilong bigas, konting ulam at panggastos ni Maria sa bahay.

​

ARSENIA : Etong sandaan, o. Dalhin mo na yan.

​

ANONG : Naku salamat ho, Kapitana. Talagang napakabait ninyo. Makakaasa rin kayo sa boto ng aking pamilya.

​

ARSENIA : Ikaw talaga...

​

RICARDO : Narinig mo, Anong, ang bilin ni Pareng Baldo. Maaga tayo bukas, kaya bago mag-alas-sais ay dapat nandito ka na.

​

ANONG : Yes, Captain. Always at your funeral service, sir. See you tomorrows.

​

ARSENIA : Hay, nag-ingles na naman po. Sige na, baka namumuti na ang mga mata ni Maria sa kahihintay sa iyo.

​

(Lalabas sa kanang pinto si Anong.)

​

Magpahinga ka na muna sa kuwarto, Ric. Alam kong pagod ka na, at bukas ay maaga uli ang lakad mo. Kanina pa ako nakaluto ng hapunan. Iyiinit ko na lang. Tatawagin kita kapag nakahanda na.

​

RICARDO : Senyang, kelangan ko talagang magpahinga, pero importanteng mag-usap muna tayo.

​

ARSENIA : Tungkol ba kay Pareng Baldo?

​

RICARDO : Oo. Tama ang hinala mo. Ginagamit lamang ako ni Pare. Ang aking pagkapanalo sa eleksyon ay isa lamang baytang sa mataas na hagdan ng kaniyang pangarap.

​

ARSENIA : Ano ngayon ang balak mo?

​

RICARDO : Ewan ko. Hindi ito ang pangarap ko para sa ating kinabukasan. Ang nais ko’y isang simple at matahimik na buhay.

​

ARSENIA : Ako man. Talagang ayaw ko ng gulo.

​

RICARDO : Alam mong ang pagsali ko sa pulitika ay udyok ng isang malinis na hangaring magsilbi sa ating barangay sa pag-aakalang kung hindi ako kikilos ay para ko na ring inamin na ako ay kabahagi ng nagaganap na kabulukan sa ating lipunan, sapagka’t ang pananahimik at di pagkibo ay kadalasang katumbas na rin ng pagsang-ayon. Hindi ito ang uri ng lipunang ibig kong magisnan at manahin ng ating lumalaking mga anak at ng mga magiging anak pa nila pagdating ng panahon.

​

ARSENIA : Pero maraming paraan para...

​

RICARDO : Alam ko. No’ng una’y nasabi kong nakahanda kong isugal ang katahimikan ng ating pribadong pamumuhay at makihalo sa magulong daigdig ng pulitika, kung kinakaylangan, para mabago lang ang takbo ng ating lipunan. Pero hindi ko inaasahan na sa ganito hahantong ang aking mga pangarap. Handa akong magsilbi sa aking kapwa, pero ayaw kong pagamit sa kanino man.

​

ARSENIA : Naiintidihan kita, Ric.

​

RICARDO : (Hahawakan si Arsenia sa magkabilang balikat.) Hindi tayo mayaman, Senyang. Pero hindi naman tayo masasabing mahirap, dahil ang ating magandang pangalan at dignidad ay higit pa sa alin man yaman dito sa mundo. Hindi ang salapi at kapangyarihang bunga ng panunungkulan sa pamahalaan ang habol ko sa aking pagkandidato. At kung dahil lamang sa pulitika ay makokompromiso ang ating katapatan sa Diyos at sa bayan, kahit ngayon mismo ay handa kong iatras ang aking kandidatura at bumalik sa matahimik at simpleng pamumuhay na aking nakasanayan.

​

ARSENIA : Pero paano si Pareng Baldo? Sa palagay mo kaya ay papayag s’ya na basta ka na lamang umurong sa iyong kandidatura at balewalain ang kanyang ginawa?

​

RICARDO : Hindi nga. Tahasan niyang sinabi kanina na hindi s'ya papayag na mauwi sa wala ang kanyang puhunan at pagod. Kailangan niya ang aking kooperasyon at hinihintay niya ang aking pasya.

​

ARSENIA : Dangan kasi’y nagtiwala ka nang husto sa taong yan.

​

RICARDO : Yan ang aking pagkakamali. Nadala ako sa kanyang mahusaay na paliwanag at magandang pakisama. Wala akong kaalam-alam sa tunay na pagkatao ni Pareng Baldo. Ang pagkakilala ko sa kanya’y isang taong may kaya sa buhay at lubos na kagalang-galang.

​

ARSENIA : Akala ko ba’y kasamahan mo s'ya sa Parish Council of the Laity?

​

RICARDO : Oo, at maging sa Adoracion Nocturna. Bukambibig niya ang kahalagahan ng pamumuhay nang ayon sa mga turo ng Bibliya. Ang kanyang donasyon sa mga pagawaing pangsimbahan ay laging malaking halaga at makikita mong sadyang bukal sa kanyang kalooban. Sa mga prayer meeting ay hindi niya nakakalimutang banggitin ang mga dukha at kapuspalad na sa Diyos lamang umaasa, at lagi niyang pinasasalamatan ang Maykapal sa masaganang pagpapala na kanyang tinatamasa sa kanyang mga kabuhayan. (Mapapailing) Yun pala’y pawang ilegal at labag sa utos ng Diyos ang kanyang mga hanapbuhay at s'ya mismo ang bumibiktima sa mga kapuspalad nating mga kabarangay na nararahuyo sa masasamang bisyong pinalalaganap ng kanyang malawak na galamay. At ngayon... ngayon ay gusto niya akong gawing kasosyo at kasangkapan para lalong mapalakas at mapalago ang mga ito. Senyang, naguguluhan ako. Parang hindi ko na alam ngayon kung ano ang nararapat kong gawin.

​

ARSENIA : Tingin ko’y mabuting kaybigan si Kumpare, pero mapanganib na kaaway. Anong malay natin, baka may mga armado rin s’yang tauhan gaya ni Kapitan Martin?

​

RICARDO : Meron nga. Sa kanyang bibig na rin nanggaling ang bagay na yan. Pero sa kanya ay hindi ako takot. Ang inaalala ko ay ikaw at ang ating mga anak. Hindi kayo dapat masangkot dito. Nasaan na nga pala sina Boyet at Nenita? Nakauwi na ba sila galing sa eskwela?

​

ARSENIA : Aba, oo nga pala! Nawala sa loob ko ang dalawa. Anong oras na ba?

​

RICARDO : Pasado alas-sais na. Hindi ba dapat ay kanina pa silang bago mag-alas-singko narito?

​

ARSENIA : Malamang na natokahan na namang cleaner sa klase si Boyet. Pero maggagabi na. At bakit pati si Nenet ay wala pa rin hanggang ngayon?

​

RICARDO : (Dudungaw sa bintana.) Ano bang paalam sa yo bago umalis?

​

ARSENIA : Wala naman. Kaya lang... Nako, Ric, kinakabahan ako. Napakarami pa namang durugista ngayon at usung-usong ang pangre-rape sa mga batambatang gaya ng ating anak. Mabuti pa kaya’y puntahan mo na sa eskwelahan, at kung wala na roon ay ipagtanong mo kina...Ano na nga ba ang pangalan ng kaklase niyang...

​

RICARDO : Oo, alam ko na. Aalis muna ako.

​

(Aktong lalabas si Ricardo, ngunit matitigil dahil sa biglang pagpasok

ng tatlong armadong lalaki, kasunod si Kapitan Martin Basco.)

​

RICARDO : Anong ibig sabihin nito? Sinong kelangan..? Kapitan Martin, kayo pala! Tuloy kayo. Biglaan yata ang inyong pagdalaw?

​

(Hindi tutugon si Kapitan Martin. Ibubuka ang palad, at isa sa mga kasamang lalaki ang mag-aabot ng makapal na enbelop. Ibibigay ito ni Kapitan Martin kay Ricardo.)

​

RICARDO : Ano yan? Ano’ng kahulugan nito, Kapitan?

​

KAP. MARTIN : Dalawang milyong piso. Cash. Iatras mo ang iyong pagkandidato.

​

RICARDO : Binibili n’yo ba ako, Kapitan? Binabayaran n’yo ba ‘ko?

​

KAP. MARTIN : Hindi. Pero sige. Ayaw ko nang masyadong mahabang usapan. Magkano ba talaga ang presyo mo?

​

(Ipapatong ni Kapitan Martin ang enbelop sa mesa, muling ibubuka ang isang palad, at iaabot sa kanya ng isa sa mga kasama ang checkbook at ballpen. Susulatan ni Kapitan Martin ang tseke.)

​

RICARDO : Sorry ho, Kapitan. Pagod ako at kailangan kong magpahinga.

​

(Dadamputin ni Ricardo ang enbelop sa mesa at ibabalik kay Kapitan Martin.)

​

Makakaalis na kayo.

​

KAP. MARTIN : Pagod din ako sa mahabang biyahe, Carding. Ang mabuti’y maupo muna tayo.

​

(Muupo si Kapitan Martin, ang lahat ay mananatiling nakatayo. Ibubukas niya muli ang isang palad, at isa sa mga tauhan niya ang mag-aabot ng tabako, isa naman ang dudukot ng layter para sindihan iyon.)

​

Pasensiya ka na sa akin, Senyang. Gusto ko lang makatulong sa inyong mag-asawa para mabawasan ang inyong sakit ng ulo. Hindi gawang biro ang mapasubo sa pulitika, alam n’yo yan.

​

(Hihithitin ni Kapitan Martin ang tabako, nanamnamin iyon nang maigi, at pagkatapos ay ibubuga ang usok na parang kaysarap-sarap ng pakiramdam. Itataktak ang abo ng tabako sa sahig. Tatayo at igagala ang paningin sa loob ng bahay.)

​

Akala ko’y madali tayong magkakaintindihan kapag pera ang hinayaan kong magsalita. Hindi pala. (Lalapit kay Senyang.) Si Carding pala’y kasama ng maraming kakilala ko noong araw na may matatag na paninindigan at banal na prinsipyo. (Iiling.) Tsk-tsk...Sayang, magaganda ang kanilang mga ipinaglalabang prinsipyo, pero ang mga prinsipyong iyon ay kasama na nilang napalibing sa kanilang hukay.

​

RICARDO : Kung naparito kayo para takutin ako, Kapitan...

​

KAP. MARTIN : Hindi kita tinatakot, Carding. Sinabi ko na sa iyo, naparito ako para magbigay ng tulong.

​

RICARDO : Salamat nang marami, Kapitan. Pero dinaramdam ko, hindi ko kailangan ang inyong tulong. Ipaubaya ninyo sa akin ang pagpapasya tungkol sa aking...

​

KAP. MARTIN : (Itataas nang bahagya ang kaliwang palad para pigilin sa pagsasalita ang kausap.) Bueno, gusto ko lang makasiguro na nagkakaintindihan tayo. Hindi na ako magtatagal. Alam kong gusto mo nang makapagpahinga.

​

(Tatayo si Kapitan Martin, lalapit naman sa may pintuan ang mag-asawa para ihatid ito. Pero hindi aalis sa kinatatayuan ang tatlong alalay ni Kapitan.)

​

Ah... At siyanga pala. Ang dalawang milyong pisong ibinibigay ko ay paunang bayad pa lamang. Pagkatapos ng eleksyon, pumasyal ka minsan sa opisina at pag-usapan natin ang ilang mga negosyo na puwede nating pagkakitaan. Titiyakin ko sa iyong mas malaki ang magiging parte mo, hindi katulad ng iniaalok sa iyo ng kumpare mo’t campaign manager na si Mr. Ubaldo Carpio.

​

RICARDO : Wala akong alam sa inyong sinasabi.

​

KAP. MARTIN : Carding, ayaw kong ako’y pinararatangan na isang sinungaling.

​

RICARDO : Pero ang sinasabi ninyo’y...

​

KAP. MARTIN : Sinasabi ko’y umatras ka na hangga’t maaga, ipaubaya mo sa akin ang pamumuno sa Barangay Ipil-ipil, at kung kailangan mo ng trabaho bukod sa dalawang milyong pisong donasyon ko sa inyong mag-asawa ay pumasyal ka lamang sa aking tanggapan at pag-usapan natin ang magiging parte mo sa aking negosyo. May malabo ba sa sinasabi ko?

​

RICARDO : May trabaho ako at hindi ko kailangan...

​

KAP. MARTIN : Bueno, marahil ang kailangan mo konting dagdag na paliwanag. Yang putris na Baldong iyan ay matagal nang kumakalaban sa akin. Takot siyang humarap sa akin sa pulitika dahil ayaw niyang malantad ang kabulukan ng kanyang mabahong pagkatao. Pero kailangan niya ang kapangyarihan at proteksyon ng pulitiko para sa paglago ng kanyang mga iligal na negosyo. Kaya sa halip na tumakbong kandidato, binabayaran niya ang iba upang tumakbo para sa kanya.

​

RICARDO : Hindi ako tumatanggap ng bayad kay Pareng Baldo o sa kanino man para kumandidato.

​

KAP. MARTIN : O sige, sige na. Hindi ka nga tumatanggap ng bayad sa campaign manager mo, pinopondohan lamang niya ang lahat ng gastos mo. Pero matagal ko nang kilala iyang si Baldo. Hindi iyan basta-basta bumibitiw ng salapi nang walang kapalit. Pareho lang kaming mangangalakal, Carding. Mas malaki nga lang ako kung maglagay at mas galante ako kung magbigay ng kaparte.

​

ARSENIA : (Matigas ang pananalita.) Kapitan Martin, ang pasya ng aking asawa ay hindi ipinagbibili. Utang na loob, umalis na kayo bago ko kayo ipagtulakan at paringgan ng mga salitang hindi n’yo kayang sikmurain!

​

(Susunggaban ng isa sa mga alalay ni Kapitan Martin si Arsenia sa buhok.)

​

ALALAY : Hoy babae, matuto kang rumespeto kay Kapitan. Ayusin mo ang dila mo kung di mo gustong...!

​

RICARDO : Walangh’ya ka! Bitiwan mo’ng asawa ko!

​

(Susuntukin ni Ricardo ang alalay ni Kapitan Martin, babagsak ito sa lakas ng suntok, magkasabay namang lalapit ang dalawa pang alalay, nakatutok ang baril sa mag-asawa.)

​

KAP. MARTIN : Hihintayin ko bukas ang iyong pasabi tungkol sa pag-urong ng iyong kandidatura, Carding. Huwag mo nang patagalin ang pag-iisip. Madali akong mainip. Tayo na, mga bata.

​

(Aaktong papalabas ng bahay si Kapitan Martin, kasunod ang tatlong alalay. Pagdating sa may pinto ay titigil.)

​

Henga pala. Ang dalawang bata ay nasa mabuting kalagayan. Kung gusto n’yong makita pa silang buhay ay magsabi lang kayo sa akin. Adyos.

​

ARSENIA : D’yos ko! Ang ating mga anak! Kaya pala hanggang ngayon ay wala pa ang ating mga anak!

​

RICARDO : Talagang mga hayup kayo! Kapag may nangyari sa mga bata ay pagbabayarin ko kayo nang malaki!

​

(Susugurin ni Ricardo si Kapitan Martin. Haharangan si Ricardo ng tatlong alalay ni Kapitan Martin, nakatutok kay Ricardo ang mga baril. Matitigilan si Ricardo, saglit na magkakatitigan sina Ricardo at Kapitan Martin. Bibitiwan ni Kapitan Martin ang tabako at dudurugin iyon sa pamamagitan ng pagyapak. Sa isang hudyat ng kapitan ay pupukpukin ng baril sa ulo si Ricardo ng isa sa mga alalay. Babagsak si Ricardo, walang malay. Hahagulgol ng iyak si Arsenia. Kukunin ng isa sa mga alalay ang enbelop sa mesa. Lalabas sa kanang pinto ang apat.)

​

ARSENIA : Ric! D’yos ko po, Ric, gumising ka! Utang na loob, Ric... Bumangon ka! Kailangang gumawa ka ng paraan para mabawi ang ating mga anak! Ric! Ric!

​

(Hihilahin ni Arsenia si Ric at ihihiga sa mahabang sofa. May maririnig na katok sa kanang pinto. Iiwan ni Arsenia ang asawa. Papahirin niya ang luha, aayusin ang buhok at damit, at saka bubuksan ang pinto. Papasok sina Tomas at Curing.)

​

Kayo pala, Mang Tomas, Aling Curing. Tuloy ho kayo.

​

CURING : Magandang gabi sa iyo, Senyang. Aba, bakit parang bagong iyak ka yata?

​

TOMAS : Oo nga. Bakit, may nangyari ba?

​

ARSENIA : Naku, wala ho. (Kukusut-kusutin ang mata.) Napuwing lang ho ako. A, s'ya nga pala. (Tatapik-tapikin ang asawang nasa sofa.) Ric, Ric. Bangon na diyan. Nandito na sina Mang Tomas. (Sa dalawang bisita.) Pasens’ya na ho kayo, kasi pagud na pagod iyan. Kararating lang kanina. Hindi na nakapag-ayos ng sarili at dito na sa sofa nakatulog. Ric...?

​

(Uungol si Ric, ididilat ang mga mata, kakapain ang batok, at marahang babangon na tila bagong gising.)

​

TOMAS : Magandang gabi sa iyo, Carding. Pasensiya ka na, naistorbo ka namin sa pagtulog mo. May mahalaga sana kaming sadya ni Curing sa iyo.

​

CURING : Oo nga. Kahiya-hiya man, e...

​

RICARDO : Se...Senyang, hindi ba...kagagaling lang ng mga iyan dito...kanina? Bakit nandito na naman...sila?

​

ARSENIA : Ano bang kagagaling lamang ang pinagsasasabi mo? Kararating lang ng mga iyan dito.

​

(May maririnig na katok sa kanang pinto.)

​

Teka muna, bubuksan ko lang ang pinto. Aling Curing, Mang Tomas, maupo muna ho kayo.

(Bubuksan ang pinto, papasok si Ubaldo.)

​

Aba, Pareng Baldo, napasyal ka. Tuloy... tuloy ka sa aming munting dampa.

​

UBALDO : Salamat, Mare. Aba, Pareng Carding. Kumusta ba? Napag-isipan mo na bang maigi ang proposisyon ko?

​

TOMAS : Ano bang proposisyon? Mapagkakakitaan ba yan?

​

ARSENIA : Alam n’yo Mang Tomas, si Ric ay matagal nang inaawitan nitong si Pareng Baldo na kumandidato sa eleksyon ng barangay captain sa isang taon.

​

TOMAS : O, sa isang taon pa pala yan e. Bakit ba kay layu-layo pa’y eleksyon kaagad ang pinag-uusapan ninyo?

​

UBALDO : Maigi na yung hangga’t maaga ay kumikilos na. Daig raw ng maagap ang masipag, Mang Tomas.

​

ARSENIA : Hay naku, Pare. Tigilan mo na ang kakukumbinsi mo sa kumpare mo. Alam mo namang kuntento na kami sa tahimik naming buhay, at siguradong pag-aawayan lang namin araw-araw ang bagay na yan oras na magpasya s’yang pasukin ang pulitika. Di ba Ric?

​

RICARDO : Oo...pero...ang ating anak...? Paano ang ating mga anak?

​

ARSENIA : And’yan sa labas, naglalaro.

​

(Makakarinig uli ng katok sa kanang pinto. Bubuksan ni Arsenia ang pinto, at papasok sina Anong at Kapitan Martin.)

​

A, kayo pala, Kapitan Martin. Tuloy kayo. Isang malaking karangalan ang pagbisita ninyong ito sa amin. Anong, tuloy ka.

​

ANONG : Nagpasama sa akin si Chairman dito. May mahalaga raw na sadya kay Mang Carding.

​

KAP. MARTIN : Magandang gabi sa inyo. Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Alam kong malayo pa ang eleksyon, pero gusto ko sanang... (Mapapatigil dahil may mapupunang kakaiba sa itsura ni Ricardo.) Teka. Carding? Bakit parang namumutla ka? May sakit ka ba?

​

UBALDO : (Tititigang maigi si Ricardo.) Oo nga naman, Pare. Parang kanina ka pa wala sa sarili mo. Saka bakit lagi mong hawak ang batok mo, may masakit ba?

​

RICARDO : (Biglang iaalis ang pagkahawak sa batok.) A...e...kwan, napataas lang at medyo matigas ang nagamit kong unan, itong...gilid ng sofa. (Mapapahawak uli sa batok at hihimasin iyon.) Nabanat yata ang ugat ko. Pa...pasensiya na kayo sa akin.

​

KAP. MARTIN : Bueno... Ang mabuti pa siguro’y sa ibang araw na lamang makabalik. Tutal, sa isang taon pa naman ang eleksyon. O... ano, Anong – sasabay ka na ba sa akin?

​

ANONG : Aba, oho, Kapitan. Paalam na sa inyo.

​

ARSENIA : Pasensya na ho kayo, Kapitan. Balik na kayo sa ibang araw.

​

(Lalabas sina Kapitan Martin at Anong sa kanang pinto.)

​

UBALDO : Well, tingin ko’y kelangan nga ni Pare ang magpahinga, kaya ako’y sisibat na rin. Bukas na lang, P’re.

​

RICARDO : S-s-sige... Pare.

​

(Lalabas si Ubaldo sa kanang pinto.)

​

TOMAS : Aba, e... aalis na rin kami. Sige na iho, magpahinga ka na’t sa ibang araw na lang uli kami papasyal. Senyang...

​

ARSENIA : Sige ho, Mang Tomas, Aling Curing.

​

(Lalabas sina Tomas at Curing sa kanang pinto. Lalabas si Arsenia sa kaliwang pinto, pagkaraan ay muling papasok na may dalang pinggan at kutsara.)

​

RICARDO : Senyang, ang mga bata?

​

ARSENIA : (Habang ipinapatong ang mga pinggan at kutsara sa mesa.) Kanina mo pa itinatanong ang mga bata. Nasa labas lang sila. Naglalaro. Hindi ba’t ikaw pa nga ang nagpalabas kanina sa kanila dahil gusto mong makapagpahinga? Nasigawan mo pa nga yung dalawa dahil maingay sila. Sa sobrang pagod mo’y diyan ka na sa sofa nakatulog.

(Ilalakas ang tinig.)

​

Boyet...! Nenita...! Halina nga kayo’t gabi na!

​

BOYET at NENITA: (Sa labas ng tanghalan) Opo, Inay!

​

(Lalabas uli sa kaliwang pinto si Arsenia. Tumatakbong papasok sina Boyet at Nenita, magmamano kay Ricardo)

​

BOYET at NENITA : Mano po, ’Tay.

​

(Papasok si Arsenia mula sa kaliwang pinto, may bitbit na kaldero ng kanin at sandok.)

​

ARSENIA : Hala sige, tumuloy na kayo sa banyo at magsipaglinis ng katawan. Bilis-bilisan ninyo. Maya-maya lang ay kakain na tayo.

​

(Lalabas sa kaliwang pinto sina Boyet at Nenita. Iuusod ni Arsenia ang maliit na mesa, aalisin ang flower vase. Luluhod sa harap ng mesa at doon maglalatag ng pagkain.)

​

RICARDO : Senyang, nakapag-isip-isip na ako. Buo na ng aking pasya.

​

ARSENIA : (Habang nagsasandok ng kanin.) Tungkol na naman ba yan sa eleksyon? Sa iminumungkahi sa iyo ni Pareng Baldo?

​

RICARDO : Oo, Senyang. Naisip kong...

​

ARSENIA : Ric, huwag ka na munang mag-isip. Saka ka na magdesisyon. Pagod ka sa trabaho, kaya ang kailangan sa iyo’y magrelaks. (Tatayo at lalabas sa kaliwang pinto.)

​

RICARDO : Pero Senyang... 

​

(Papasok uli si Arsenia, bitbit ang mangkok na may ulam.)

​

ARSENIA : Matagal pa ang eleksyon, Ric, kaya kalimutan mo muna yan. Ang mabuti pa, kumain ka na ng hapunan at pagkatapos ay pumasok ka sa kuwarto at doon mo ituloy ang naputol mong pagtulog kanina diyan sa sofa.

​

(Ilalakas ang tinig.)

​

Boyet...! Nenita...! Halina ng kayo’t kakain na!

​

BOYET at NENITA : (Sa labas ng tanghalan.) Andiyan na po, Inay!

​

(Papasok sina Boyet at Nenita mula sa kaliwang pinto. Luluhod sa harap ng mesa ang mag-anak. Pamumunuan ni Nenita ng pagdarasal bago kumain.)

​

NENITA: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen. Basbasan mo po kami, Panginoon, at itong iyong mga kaloob na ngayon ay aming tatanggapin mula sa yong kabutihan, sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Amen.

​

(Uupo ang lahat at magsisimulang kumain, maliban kay Ricardo, na patuloy pa ring nakaluhod, nakatungo, at taimtim na mananalangin...hanggang sa pagsasara ng tabing.)

​

<<< WAKAS >>>

​

RAFAEL A. PULMANO

March 18, 1997

Biñan, Laguna

​

​

​

Pahina  [1] [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link