PANGUNGULILA

​

Talagang wala na yatang kasimpait

Ang maging ulila dito sa daigdig

Ang lahat ng hirap aming tinitiis

Nagtutulung-tulong kahit anong sakit.

​

May ilang taon na ang nakakaraan

Buhat nang si Ama sa ami’y pumanaw

Sa iisang bubong  ng kubu-kubuhan

Doon nakaranas ng kasiphayuan.

​

Ang tanging naiwan sa amin ni Ama

Ay kapirasong lupang kanyang sinasaka

At ang gumagawa ay wala ng iba

Kundi ang aming mabait na Ina.

​

Mayruon pang isang loteng naiwanan

Na tinataniman ng mga halaman

Mga punongkahoy saka mga gulay

Tanging iyon lamang ang ikinabubuhay.

​

Talagang ang Diyos ay makapangyarihan

Sapagka’t kami ay Kaniyang binigyan

Ng isang Inang lubhang mapagmahal

At sa kasipaga’y talagang uliran.

​

Sa pagtitiyaga, kami’y nag-aaral

Kahit na sabihing huli-huli lamang

Sapagka’t talagang ‘di makakayanan

Kung kami ay laging magsasabay-sabay.

​

Matanda sa lahat ay parmasyotika

Saka ang sumunod ay nagdu-duktora

Guro ang pakay ko at nag-aaral pa

At batang lalake na ampon ni Ina.

​

Mahal naming Ama, kung ikaw ay buhay

May kasama sana si Ina sa bahay

Lalo na kung kami’y nasa paaralan

Tanging siya lamang ang naiiwanan.

​

Mahal naming Ama, kung ikaw ay buhay

Katulong ka sana sa pagpapa-aral

‘Di sana kung gayo’y kami’y sabay-sabay

Sayang din ang mga taong nakaraan.

​

Mahal naming Ama, kung ikaw ay buhay

Maligaya sana yaring pamumuhay

Bagaman at kami’y nagsisipag-aral

Ay di naman lubos ang kaligayahan.

​

Ikaw aming Ama ang siyang dahilan

Kung bakit kami ay ‘di masiyahan

Sa kabila ng aming naging kalagayan

Kung maaari lamang kami ay balikan.  

​

​

Laura G. Balatbat  

Agosto, 1964

 

​

Mga katha ni Laura Balatbat-Corpuz na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan