TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Isang-yugtong dula mula sa panulat ni
Karugtong ng Dula – Pahina 5
Dyaskeka : Si Inocente Walangmalay po, dyanitor ng ospital.
Tagapag-usig : Ano ang ginagawa ni Inocente nang mga oras na iyon?
Dyaskeka : Naglalampaso po ng sahig.
Tagapag-usig : May nangyari bang aksidente nang gabing kayo ni Inocente ay nagpo-floorwax at naglalampaso ng sahig?
Dyaskeka : Meron po.
Tagapag-usig : Ikuwento mo nga sa Hukumang ito ang buong pangyayari.
Dyaskeka : Saan ninyo gustong simulan ko ang kwento?
Tagapag-usig : Simulan mo sa umpisa.
Dyaskeka : Ganito po ang nangyari: Sa pasimulang likhain ang langit at lupa, ang lupa ay wala pang anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at umiihip ang malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Pagkatapos ay sinabi ng...
Tagapagtanggol : Your Honor, we move to strike the entire testimony of this witness. It is incompetent, irrelevant, and immaterial, and has no bearing whatsoever in this case. It also calls for hearsay evidence that is inadmissible in a court of law. She wasn’t even there in the beginning when the world was being created!
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Objection sustained!
Tagapag-usig : Ano ang nangyari sa ospital, Miss Amparo?
Dyaskeka : Habang nagtatrabaho po kami, nakarinig po kami ng malakas na sigawan galing sa silid ng mga pasyente. Maya-maya po ay lumabas ang isang pasyente, sinundan pa nang isa, at isa pa, hanggang sa dumami na ang mga pasyenteng lumabas. Nagtatatakbo po sila, parang naghahabulan. Maya-maya, nakita namin kung sino ang kanilang hinahabol, si Viskotso Corcuera po. Si Viskotso ay isa sa mga pasyente na may dipirensya sa utak. May hawak-hawak siyang isang maskara, ang tawag niya sa maskara ay masaker. Viskotso Masaker, dahil kanya raw ang masaker, este, ang maskarang iyon. Ang maskarang iyon ang dahilan ng pagkakagulo at takbuhan. Gusto ng bawa't isa na maagaw ang maskara. Pinagtulungan po namin ni Inocente at ng iba pang doktor at narses na naka-duty nang gabing iyon na patigilin sila sa takbuhan at pag-iingay dahil gabi na. Tumigil po naman silang lahat, maliban kay Viskotso. Tumakbo siya nang tumakbo, isinuot ang maskara, hanggang sa makarating siya sa pasilyo na aming nilalagyan ng floorwax at nilalampaso. Hinarang po siya ni Inocente at pinagsabihang bumalik na sa kanyang silid. Pero sa halip na tumigil ay sinigawan pa niya si Inocente. Nagkasagutan silang dalawa hanggang sa sila ay nagkainitan ng ulo. Sinampal ni Viskotso si Inocente pagkatapos ay tumakbo ito sa malayo. Hinabol siya ni Inocente at nang maabutan ay pinukpok ni Inocente si Viskotso sa ulo gamit ang hawakan ng panlampaso. Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ni Inocente hanggang sa mabali ang kahoy na tatangnan ng panlampaso. Tumigil lamang si Inocente nang makita niyang nakahandusay na sa sahig ang biktima at wala nang hininga. Pagkatapos, hindi nagtagal ay dumating ang mga pulis. Nalaman ko na lang sa mga kasamahan ko sa ospital na si Inocente pa mismo ang tumawag sa telepono para...
Tagapag-usig : Hayaan mo na ang tungkol sa nalaman mo sa mga kasamahan mo dahil iyon ay hearsay. Ano ang ginawa mo pagkatapos?
Dyaskeka : Lumabas na po ako ng ospital.
Tagapag-usig : Umuwi ka na ba sa inyong bahay?
Dyaskeka : Hindi pa po. Nagbilang muna ako ng mga bituin sa langit habang nasa labas ng ospital. Kasi nga po, star witness ako – I enjoy witnessing the stars.
Tagapag-usig : (Sa Tagapagtanggol) Cross-examine!
Tagapagtanggol : Miss Dyaskeka Amparo, ilang beses ka nang nakulong sa kasong pagtutulak at paggamit ng bawal na gamot?
Tagapag-usig : We object, Your Honor! Walang kinalaman ang madilim na nakaraan ng babaeng ito sa kaso! Hindi siya ang nililitis dito!
Tagapagtanggol : May karapatan ang panig ng Tagapagtanggol na usisain ang kredibilidad ng saksi.
Hukom : Objection overruled! Sagutin ang ta...Isalin ang tanong!
Interpreter : (Mahina ang boses, halos pabulong) Miss Dyaskeka Amparo, ilang beses ka nang nakulong sa kasong pagtutulak at paggamit ng bawal na gamot?
Dyaskeka : Limang beses na po.
Tagapagtanggol : Ilang taon ka noong unang ikaw ay madakip at nakulong?
(Kagaya ng sa Tagapag-usig, sa tuwing magsasalita ang Tagapagtanggol, at bago sumagot si Dyaskeka, ay sisingit ang Interpreter at uulitin nang mahina at halos pabulong ang eksaktong sinabi ng Tagapagtanggol.)
Dyaskeka : Katorse anyos po.
Tagapagtanggol : Paano ka nakalaya?
Dyaskeka : Nakiusap po ako sa mga awtoridad na patawarin na ako. Nangako po akong hindi na uulit.
Tagapagtanggol : Pero umulit ka pa rin, di ba?
Dyaskeka : Opo.
Tagapagtanggol : At nahuli kang muli, pero nakiusap ka na naman, kaya ikaw ay muling nakalaya, hindi ba?
Dyaskeka : Opo.
Tagapagtanggol : Samakatuwid, sa tuwing mahuhuli ka, ikaw ay nakikiusap at nangangakong hindi na uulit, pero pagkakatapos na mapalaya ay umuulit ka pa rin. Ikaw ay hindi lamang isang sinungaling, kundi isang bihasa, sanay, at propesyonal na sinungaling! Hindi ba? Sumagot ka – Oo o hindi?
Tagapag-usig : Objection, Your Honor! Counsel is terrorizing the witness! Si Bb. Amparo ay maysakit at mahina ang katawan, maaari siyang mabinat sa ginagawang pananakot ng Tagapagtanggol!
Tagapagtanggol : Your Honor! Ang babaeng ito ay walang sakit! Malusog at malakas ang lahat ng bahagi ng kanyang katawan maliban sa kanyang tainga. Ang testigong ito ay isang mapagbalatkayo, mapagkunwari, doble-karang kaaki-akit, sinungaling!
Tagapag-usig : Your Honor! Your Honor! Ang sinasabi ng Tagapagtanggol ay isang tahasan at walang pakundangang paninira ng puri at reputasyon ng saksi. Isang paninira na hindi niya kayang mapatunayan sa harap ng Hukumang ito!
Tagapagtanggol : Hinahamon mo ba ako?!?
Tagapag-usig : Ano ba sa palagay mo?!?
Tagapagtanggol : Hanggang ngayo’y nagpapagaling pa sa pagamutang ortopediko ang huling nakasuntukan ko!
Tagapag-usig : Sa akala mo ba’y aatras ako?!?
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Gentlemen...Please! Trabaho lamang ito, walang personalan. Magkamay kayo at kalimutan na ang lahat.
(Magkakamayan ang dalawang abugado.)
Tagapagtanggol : Panyero, pasensya ka na. Nabigla lamang ako.
Tagapag-usig : Wala yon, Panyero. Kalimutan na lang natin ang lahat.
(Kakalimutan muna ng dalawang abugado ang ginaganap na paglilitis.)
Tagapagtanggol : Kumusta na nga pala yung hinahawakan mong kaso ng disisais anyos na estudyanteng diumano’y nanghalay sa Meyor ng inyong bayan?
Tagapag-usig : Matibay ang ebidensya ng aming Meyor, at kahit ano raw ang mangyari ay hindi niya iuurong ang demanda. E, ikaw, kumusta na yung ipinagtatanggol mong kaso ni Kongresman?
Tagapagtanggol : Ayun, katatapos ko pa lamang mag-file sa sala ni Judge ng motion for reconstruction.
Tagapag-usig : Ibig mong sabihin, motion for reconsideration?
Tagapagtanggol : Hindi. Motion for reconstruction. Natatandaan mong dalawang ulit na pinayagan ni Judge si Kongresman na pansamantalang makalabas sa piitan para magpaayos ng ngipin sa kanyang pribadong dentista? Pwes, nabunot nang lahat nung dentista ang ngipin ni Kongresman, hindi pa rin naaalis ang sakit dahil gilagid pala ni Kongresman ang may diprensya at hindi ngipin. Kaya ayun, naghain ako ng motion for reconstruction para maibalik nung dentista yung mga nabunot na ngipin ni Kongresman.
Tagapag-usig : Ang sakit pala naman ng karanasan ni Kongresman sa kanyang private dentist.
Tagapagtanggol : Talagang masakit, Panyero, pero epektibo. Ang lahat ay tinititiis ng kliyete ko dahil parte iyon ng aming delaying tactic. Alam mo, habang may natitirang ngipin si Kongresman ay nakakakuha kami ng butas para ma-postpone ang hearing ng kaso.
Tagapag-usig : E teka, kumusta naman yung...
Hukom : (Ipupukpok nang sunud-sunod ang gavel.) Order in the Court! Ano ba? Magkukuwentuhan na lamang ba kayong dalawa riyan? Paano itong kaso?
Tagapagtanggol : Pasensiya na kayo, Your Honor. Nakalimutan ko kasi...
Tagapag-usig : Ang sabi n’yo kasi’y...
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Enough! (Sa Tagapagtanggol) Tapos ka na ba sa iyong cross-examination?
Tagapagtanggol : Hindi pa po, Your Honor. (Kay Dyaskeka) Miss Amparo, kanina sa iyong testimonya sa direct examination ay sinabi mo na habang kayo ay nagtatrabaho, nakarinig kayo ng malakas na sigawan galing sa silid ng mga pasyente, hindi ba?
Dyaskeka : Opo. Dinig na dinig ko po.
Tagapagtanggol : Paano ka nakarinig? Hindi ba bingi ka?
Dyaskeka : Ano? Pakiulit nga po ang tanong ninyo?
Tagapag-usig : Your Honor, I object...
Hukom : Overruled!
Tagapagtanggol : Miss Amparo, maaari bang tumayo ka at lumakad dito sa harapan ng silid-hukuman?
Tagapag-usig : Your Honor! Hindi maaaring lumakad na mag-isa si Bb. Amparo, sapagkat siya ay maysakit at mahinang-mahina ang katawan. Kailangan siyang alalayan sa kanyang...
Tagapagtanggol : Your Honor, ang babaeng ito ay walang sakit. Miss Dyaskeka Amparo, maaari bang tanggalin mo ang iyong suot na salamin sa mata?
Tagapag-usig : Your Honor, Your Honor! I object, Your Honor! Ang kanyang salamin ay walang kinalaman sa kasong dinidinig ng korte. Karapatan nino man ang magsuot ng salamin at walang sinomang makapag-uutos kaninoman na alisin ito sapagkat ito ay isa sa mga karapatang pantao na ginagrantiyahan ng ating Saligang Batas!
Hukom : Overruled! Hubarin ang suot...alisin ang suot na salamin.
(Aalisin ni Dyaskeka ang salamin. Lalantad ang mga mata na may tapal na plaster. Magugulat ang mga nasa korte.)
Hukom : (Pupukpukin nang sunud-sunod ang mesa.) Order! Order in the Court!
Tagapagtanggol : Your Honor, ang star witness na ito ng Tagapag-usig ay hindi lamang isang bingi, siya rin ay isang bulag! Samakatuwid ay pawang walang katotohanan ang lahat ng kanyang binitiwang pahayag sa Hukumang ito dahil wala siyang narinig o nakitang ano mang sa mga tunay na pangyayari.
Tagapag-usig : Pero Your Honor... Hindi po ba dapat lamang na maging bulag at bingi ang hustisya para ito ay walang sinomang kinikilingan?
Hukom : Shut up and take your sit down, Counselor.
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.