VALENTINE’S CARD

ni Rafael A. Pulmano

​

Ang kaibigan ko minsan ay nagpa-drop

Sa gift shop, bibili raw ng Valentine's Card

Para daw sa kanyang mahal na kabiyak

Na iniwan niya do'n sa Pilipinas.

​

Sabi ko, ang ganyang lalaki'y bihira

Matapat sa kanyang binitiwang sumpa

Marami kasi d'yan, pag nangibang-bansa

Kahit may asawa ay buhay-binata.

​

Sa dinami-rami ng card na naroon,

Ang napili niya'y yung may dedication

Na mensahe'y sadyang pangkilig-to-the-bones...

"To My One And Only, My Love, My Devotion!"

​

At siya'y bumili ng isang dosena

Ang isa ay para sa kanyang asawa

Ang iba ay para sa taga-Lucena,

Cavite, Batangas, Aklan, at iba pa...

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link