BATANG SAUDI
'Sang kahig, 'sang tuka
Madalas ay wala
Pamilya'y kawawa
Tutunga-tunganga.
Sawa na sa hirap
Ibig ay lumasap
Ng ginhawa't sarap
Na pinapangarap.
Nangutang ng pera
Sa Saudi nagpunta
Nagtiis, nagdusa
Para lang kumita.
Halos paalila
Sa Arabong bansa
Sa katitiyaga
Nakamta'y nilaga.
Umuwi ng bayan
Mayaman, mayabang
Nagpista sa bahay
Ang mga kaybigan.
Halos araw-gabi
Naghahapi-hapi
Itong batang-Saudi
At barkadang-bote.
Dumating ang araw
Ay sa kagu-good time
Ang naipong riyal
Natira'y lalagyan.
'Sang kahig, 'sang tuka
Madalas ay wala
Pamilya'y kawawa
Tutunga-tunganga.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact