SUKLI SA KABAYANIHAN
Ulirang asawa at huwarang ama
Trabaho sa araw, sa gabi pahinga
Linggo, nasa bahay matapos magsimba
Kuntento sa buhay
na simple, masaya,
at walang problema.
Batang pinalaking yupyop ng magulang
Sagana sa bait kapos man sa yaman
Pag-aaral, laro, eskwela, tirahan
Ang ginagalawang
tahimik na mundo
ng kawalang-malay.
Nag-abroad si misis, malaki ang sweldo
Ang mahal sa buhay, bigla ang asenso
Ang dating huwaran, di na nagtrabaho
At pera'y winaldas
sa pagpapasarap,
araw-gabi, bisyo.
Sa sariling bahay, nang di na makita
Naglahong kalinga ng ama at ina
Anak, nakasumpong ng maling pag-asa
Sa kinasadlakang
madilim na sulok
ng barkada't droga.
Tahanang winasak ng bigong pangarap
Ang tanging napala ng taong nagsikap
Sukli sa Bayani ng gobyernong palpak
Na sa paglilingkod,
pamumulitika
ang inaatupag.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact