ANG BAGONG BAYANI

ni Rafael A. Pulmano

​

Nilisan ang bansa kapalit ng dolyar

Singaporeang paslit ang inalagaan

Ang sariling anak, nalamnan ang tiyan

Gutom sa kalinga ng magulang naman.

​

Gurong naghahangad ng riyal na kita

Nag-domestic helper sa Saudi Arabia

Four years nagtiyagang pakadalubhasa

Sa ibang lahi pa nagpapaalila.

​

Dating chief engineer sa sariling nasyon

Sa abroad nag-apply: karpentero-mason

Noo'y naka-jacket sa lamig ng aircon

Sa init ng araw ay sunog na ngayon.

​

Sawa na sa laging galunggong ang ulam

Nagsikap marating ang bansa ng sakang

Sariling katawan ang ikinalakal

Umuwing mayaman, malamig na bangkay.

​

Nagtiis maglayo yaong bagong kasal

Upang pag-ipunan ang kinabukasan

Masakit na birong pag-uwi ng bahay

Nangulilang kabyak, may iba nang mahal.

​

Sila ang overseas contract workers natin

Masipag, marangal, at mapangarapin

Kahit may panganib, ayaw magpapigil

Legal o ilegal, bansa'y lilisanin.

​

Gobyernong kaylangan ang foreign currency

Passport, POEA at etceterang fee

Saludung-saludo, labis ang papuri

Sa OFWs - ang Bagong Bayani.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link