PILIPINO, DAKILA KA
ni Deenah Macatiis
Mahigit na sampung taong napalayo sa pamilya,
Sabik akong makabalik sa bayan kong sinisinta.
Samantalang lumalapag ang eroplanong nagdala
Sa paliparan ng Ninoy, sumagi sa alaala
Ang masaklap na sinapit nang ako ay mabiktima
Ng iligal na recruiter na pangako ay kayganda.
Anya, bukod sa ang sweldo ay malaki at dolyar pa
"Libre housing, transportation, may day off, may allowance ka."
Kaya ako'y naingganyong magbitiw sa opisina
Nagsangla ng kagamitan, at pumirma sa kontrata
Maski D.H. ang trabaho, sigurado raw ang kita
Iyon pala, paglipad ko ay turista sa umpisa.
Pagsapit sa pupuntahan, madali raw makakita
Ng trabahong hinahanap; di ko alam na ang visa,
Show money at pasaporteng bigay sa 'kin, peke pala!
Kaya ako ay nahuli, at nakulong, at nagdusa...
Buti na lang, nakalaya, may tumulong na pamilya
Papeles ko ay inayos, nabigyan ng amnestiya.
Pinalad ring magkaroon ng trabaho sa pabrika
Sa gabi ang aking pasok, datapwa at palibhasa,
May utang na loob ako at kaylangang makisama
Pagkagaling sa trabaho, matapos na magpahinga,
Tagaluto ang papel ko, labandera, plantsadora
Sa tahanan ng nagkupkop at sa akin ay nagpala.
Ang sabi ko sa sarili ay magtiis-tiis muna
Kung ngayon ay naghihirap, bukas naman may ginhawa.
Sa nasa kong makatipid, iniipon pati barya
At pag merong nagtatapon kaagad kong kinukuha -
Lumang damit, lumang radyo, lumang Barbie, lumang bola
Kahit luma, ginto ito pag-uwi ko sa probinsya!
Sampung taon ang lumipas at ngumiti ang pag-asa
Sakripisyong pinuhunan, namulaklak at nagbunga
Sino nga ba'ng mag-iisip na buhay ko'y naging aba?
Ang alam ng iba, ako'y galing abroad at mapera
(Ang totoo, sa banyagang bansa, kahit masagana,
Pera'y hindi napupulot, kailangang magsikap ka!)
Pagmumuni-muni'y biglang naputol nang mabuksan na
Ang pinto ng eroplano...Ah, puso ko'y siyang-siya!
Ito pala'ng airport ngayon! Malaki na'ng iginanda!
Tabang-taba ang puso ko sa tanawin kong nakita
Ibig kong ipagsigawan kung pupwede lamang sana:
Pilipinas ang bansa ko! Pilipino, dakila ka!
Damdam ko ay nakalutang sa ulap ang mga paa
Hanggang ako'y papalapit sa bahaging Customs area
Magiliw ang pagsalubong, nakangiti hanggang teynga
"Merry Christmas, Kababayan! Ano ba ang iyong dala?
WALA ka bang NALIMUTAN? Tiyak mo bang KUMPLETO na?
Papaano naman KAMI? Bahala ka na lamang, ha?"
Parang bulang sumambulat ang ligayang nadarama
Taas-noong pagbubunyi, nahalinhan ng dismaya
Sampung taon - Fidel, Erap, at ngayon ay Madam Gloria..
Ilang taon pa ba bago mauuso ang konsyensya?
Ten years ago, kapwa Pinoy ang sa akin, nambiktima
Ten years later, eto uli... Pilipino, dakila ka!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact