ANG BIGONG BAYANI

ni Rafael A. Pulmano

​

Simpleng matematiks,

     walang dagdag-bawas, halinang magtuos...

Sige nga - magkano 

     ang dolyar na kita ng bansa sa exports?

Eh, magkano naman

     ang dolyar na bayad ng bansa sa imports?

At ang balance of trade

      kapag kinwenta na, plus kaya, o minus?

​

Kung higit ang export

     o produktong benta sa ibayong bansa

Kaysa inimporta

     o produktong angkat sa dayuhang lupa,

Mas konti ang gastos

     kumpara sa pasok ng dolyar na kita

Resulta'y trade surplus,

     panalo ang lokal na ekonomiya.

​

Pero napamili,

     kung lalong malaki kaysa naibenta

Mas maraming dolyar

     ang ipinambayad kaysa naging kita,

Ito'y trade deficit

     na ang karaniwang masaklap na bunga

Pagtaas ng palit

     ng dolyar sa pisong sadsad ang halaga.

​

At kung ang halaga

     ng pisong pagod na'y tuloy sa pagbagsak

Utang na panglabas

     nitong Pilipinas ay lalong sasagad

Sa interest pa lang

     ng dolyar na utang na dolyar ang bayad

Ay kailangan pang

     Kongreso'y magpasa ng batas sa E-VAT.

     

International trade

     ay talagang ganyan, may panalo't talo

Sa globalisasyon

     ay bansang mahirap ang laging dehado

Kaya pasalamat

     tayo sa maraming nagsasakripisyo

Na bagong bayani,

     (o bigong bayani), ang OFW.

​

Bilyun-bilyong dolyar

     ang sa Pilipinas ay ipinapasok

Na bawa't sentimo

     ay sa ekonomya umiikut-ikot

Walang natatapon,

     walang lumalabas na kahit karampot

Dahil walang import,

     sila'y hundred percent na Philippine Export.

​

OFW lang

     ang tanging pang-export nitong ating bansa

Na ang materyales,

     pawis at puhunan, ay sa atin mula

Tatay, Nanay, Kuya,

     Ate, Tito, Tita, maski Lolo't Lola

Nagtiis malayo,

     pamilya'y iniwan, dahil sa pamilya.

​

Malayo si mister,

     malayo si misis (at kapwa malaya)

Malayo sa anak

     na busog sa layaw, gutom sa kalinga

At dahil malayo

     ang tanaw ng mga pinuno ng bansa

Malayong lumaya

     ang dayong alila sa pangungulila.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link