NANG MAUMID ANG MAKATA

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 2

“Ikaw, ha?” sabi ni Vicky, “binola mo na naman ako sa tula mo. Makagaganti rin ako sa iyo.”

​

“Hindi kita binobola,” sabi niya. “Talaga namang maganda ka, a. Para kang Marya-Kapra…este…Maria Clara pala.”

​

Pinagkukurot ng dalaga ang binata na hindi nakaligtas sa paningin ng madla. Lalong lumakas ang sigawan at palakpakan ng mga tao.

​

​

SAPUL sa pagkabata ay matalik nang magkaibigan sina Nick at Vicky. Ninong at ninang sa binyag ng binata ang mga magulang ng binibini. Malimit si Nick sa tahanan ng kanyang mga ninong at ninang. Doon, lagi niyang kasalamuha ang napakagandang dalagang kapatid sa binyag. Magkalapit na magkalapit ang kanilang kalooban. Walang lihiman. Magkasama sa mga gawain at magkatulong nilang nilulutas ang suliranin ng isa’t isa.  Magkapareho ng hilig ang magkaibigan, ang pagsusulat. Nang nasa haiskul pa sila, patnugot si Nick ng kanilang pahayagang pampaaralan, samantalang si Vicky ang katulong na patnugot. Bagama't may kakayahan sa iba't ibang sangay ng panitikan ang binata, pagtula ang kanyang linya. Si Vicky ang malimit na tagapuna ng kanyang mga tula.

​

“Mahusay ang mga tula mo, Nick,” puri ng dalaga. “Lalo pang pinagaganda ng may sukat mong pananaludtod at dalisay mong panunugma.”

​

“Bihira akong sumulat ng free verse, kasi nga’y mambibigkas ako,” sabi ni Nick. “Hindi gaanong magandang bigkasin ang mga tulang may malayang taludturan. Hindi maganda ang dating sa tainga.”

​

“Ang galing-galing mong bumigkas,” ngiti ni Vicky. “Malapit na tuloy akong maniwala sa pagkamakata mo…”

​

“Talaga namang ikaw lang walang bilib sa akin e!”

​

Sadyang mahusay naman si Nick sa larangan ng pagtula. Marami nang timpalak-panitik-bigkasan ang kanyang pinagwagihan. Ilang ulit na siyang naging makata ng taon sa kanilang bayan. Nagwagi na rin siyang hari ng Balagtasan. May panghalina ang estilo at tinig niya sa pagbigkas, bukod pa sa madiwa ang kanyang mga tula.

​

Si Vicky naman ay may mabibihirang kagandahan. Malimit siyang manalo sa mga timpalak-kagandahan. Siya ang laging pangunahing mutya o reyna ng mga padiriwang. Sa okasyong ito, madalas na si Nick ang naaatasang maghandog ng tulang parangal sa dalaga. Gaya nang tanghaling Miss Batangas si Vicky sa kanilang pistang-bayan, siya uli ang sumuob ng kamanyang ng tula sa dalaga na kinalugdan ng balana.

​

Marami tuloy ang naniniwalang magsintahan sina Nick at Vicky. Bagay na bagay raw silang dalawa. Makata at makisig na lalaki si Nick samantalang si Vicky ay isa sa mga

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link