MAYO AT DISYEMBRE

ni Lamberto B. Cabual

​

Karugtong ng Kuwento – Pahina 3

    “Naiintidihan mo ba ang sinasabi mo?” mabalasik na tanong ng guro.

​

    “Sir, alam ko ang aking ginagawa at sinasabi.”

​

    “Isang malaking kahibangan!”

​

    “Hindi, Sir,” nakatungo si Bheng, “basta ang alam ko’y mahal kita!”

​

    “Tumigil ka sa kabaliwan mo!” pinandilatan ng guro ang magandang mag-aaral niya.

​

    “Sir, h’wag mo akong kagalitan,” hilam na sa luha ang mga mata ni Bheng. Umiibig ako, at nagkataong ikaw ang itinitibok ng puso ko.”

​

​

MALAKI ang agwat ng edad nina Leo at Bheng. Mag-aapatnapung taon na ang guro samantalang ang mag-aaral niya ay labing-anim na taon pa lamang. Kumbaga sa santaon, ang dalaga’y buwan pa lamang ng Mayo, buwan ng pamumukadkad ng bulaklak, at ng paglulunti ng paligid sa pagpatak ng ulan.   

​

    Subali’t kahima’t buko pa lamang kumbaga sa bulaklak si Bheng, dahil sa di pangkaraniwang ganda at talino ay di kataka-takang magkaroon ng hukbo ng mga tagahanga at manliligaw. Katunaya’y nagkaroon na siya ng boy friend, subali’t sa napakaikling panahon lamang. Kinalasan niya agad ang unang kasintahan sa isang malalim na dahilang hindi niya maarok. At nangyari ang pakikipagkalas na yaon nang makilala ang iniidolo niyang guro.

​

    Kung ihahambing ang guro sa bata pang binibini, siya’y nagsisimula nang tumapak sa buwan ng Disyembre, na bagama’t malamig ang dapyo ng hangin dahil sa nalalapit na kapaskuhan at sa pagpapahimakas ng lumang taon, siya’y dumanas na ng pag-uulayaw ng init at lamig, ng dilim at liwanag. Hinog na siya sa karanasan at bantad na sa kaway ng mahiwagang pagsinta.     

​

    Kabilang si Bheng sa Advising Section ni Leo at sa simula pa lamang nang pasukan nila ng taong iyon  ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Pinakamahusay palibhasa ang dalaga sa mga tinuturuan ni Leo kaya palagay ang loob ng gurong ang paglapit-lapit nito ay bahagi lamang ng pamimitagan. Datapwa’t ngayo’y nagulumihanan siya sa narinig sa pinakamatalino at pinakamagandang mag-aaral. Hindi siya makapaniwala!

​

    “Please, Bheng, huwag naman ako,” nagsusumamong tinig ni Leo. “Guro mo ako at eskuwela kita.”

​

    “Ito ang aking nararamdaman, Sir.”

​

    “Supilin mo na ang damdaming, iyan,” giit ng guro, “nakikiusap ako.”

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link