“Doon tayo sa Plaza Mabini, Sir. Sasabihin ko sa iyo ang lahat.”
“Okey.”
MAGKASAMANG nagtungo sa liwasan ang matalisik na guro at ang brain and beauty na estudyante.
Sa una’y masayang-masaya ang pag-uusap nila. Pinag-usapan nila ang iba’t ibang kahulugan ng pag-ibig. Ang pakahulugan ni Balagtas sa temang ito sa walang kamatayang Florante at Laura,
“O, pagsintang labis ang kapangyarihan,
sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw…”
Ang pananaludtod ni Huseng Batute,
“Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag,
ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak!”
at ang sinabi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Conrinto,
“Matiyaga ang pag-ibig at may kagandahang-loob,
hindi ito naninibugho, nagmamapuri o nagmamataas…”
Anupa’t masiglang-masigla ang kanilang makabuluhang pag-uusap. Ang bawa’t isa sa kanila’y naghanay ng magagandang opinion tungkol sa paksang matamang pinag-uusapan.
Nguni’t sa dakong huli’y may sinabi ang dalagang labis na ikinagulat ng guro.
“What?” tarantang napatingin si Leo kay Bheng, “ano’ng pinagsasabi mo? Nasisiraan ka na ba ng ulo?” marahan subali’t may tatag na bulalas ni Leo habang minamalas ang tila hugis-pusong mukha ng dalaga. Inaaninaw niya sa kislap ng mga mata ni Bheng ang katotohanan ng ipinagtapat nito.
Matipid at may bahagyang pait ang ngiting sumilay sa maninipis na labi ng binibining estudyante bago nagsilita. "Kung pagkasira ng ulo ang pakahulugan mo roon, ay Oo…nasisiraan ako ng bait nang dahil sa iyo," may katiyakang sagot ni Bheng habang minamalas ang maamong mukha ng kausap na guro.
Tumanaw sa malayo, nakakunot ang noo at seryosong-seryoso ang mukha, ipinakita ni Leo sa dalaga ang tibay ng kalooban sa kanyang mga pahayag.
“Sorry, Sir,” nangilid ang luha ng dalagang estudyante. “’Yon talaga ang aking nararamdaman.”
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.