THE CASE OF THE VISKOTSO MASAKER

​

Isang-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

Karugtong ng Dula – Pahina 4

​

​

Tagapag-usig : Patrolwoman Mahinhin, ano ang iyong ispesyalisasyon sa mga gawaing pampulisya?

​

Mahinhin : Fingerprints po, Sir, po. Ako po ay isa pong fingerprint expert po.

​

Tagapag-usig : (Ipakikita ang kahoy.) Pamilyar ka ba sa kahoy na ito?

​

Mahinhin : Opo. Ipinadala po sa akin po sa police crime laboratory po ang kahoy na yan po para eksaminin po kung may fingerprints po.

​

Tagapag-usig : May nakuha ka bang fingerprints?

​

Mahinhin : Meron po.

​

Tagapag-usig : Masasabi mo ba sa Hukumang ito kung kanino ang mga fingerprints na inyong nakuha?

​

Mahinhin : (Ituturo si Inocente.) Sa kanya po, si Inocente Walangmalay po, ang nasasakdal po sa korte pong ito po.

​

Tagapag-usig : Your Honor, hinihiling namin na tanggapin ng Hukuman ang kahoy na ito bilang People’s Exhibit D.

​

Hukom : May tutol ba ang panig ng Tagapagtanggol?

​

Tagapagtanggol : Wala po, Your Honor.

​

Hukom : Kung gayon, tinatanggap ang kahoy at mamarkahan bilang People’s Exhibit D.

​

Tagapag-usig : (Sa Tagapagtanggol) You may cross-examine!

​

Tagapagtanggol : Patrolman Ligaya, may asawa ka na ba?

​

Mahinhin : Wala pa po. Dalagang-dalaga pa po ako po.

​

Tagapagtanggol : Itong nasasakdal na si Inocente Walangmalay – dati mo na ba siyang kakilala?

​

Mahinhin : Hindi lang po dating kakilala po, Sir. Matagal ko na po siya pong kakilala po. Magkababata po kami po at magkaklase pa po mula po sa elementarya po hanggang sa hayskul po.

​

Tagapagtanggol : Alam mo ba kung binata pa o may asawa na si Inocente?

​

Mahinhin : Ay, binatang-binata pa po!

​

Tagapagtanggol : Alam mo ba kung bakit hanggang ngayon, sa edad niyang mahigit nang trenta, ay binata pa rin siya?

​

Mahinhin : Alam na alam ko po, Sir. Minsan po siyang umibig po, pero ang babae pong kanya pong napusuan po ay inilayo po ng mga magulang po nito po, isinama po sa Amerika po, dahil ayaw daw po nila pong makapag-asawa po ang kanila pong anak po ng isa pong hamak na dyanitor po lamang po. Labis po niyang dinamdam po ang pangyayari po, at mula po noon po ay hindi na po nanligaw o umibig po sa ibang babae po iyan pong si Inocente po. Tila po umaasa pa rin po siya po na balang araw po ay babalik pa rin po ang kanyang napupusuan po at sila pa rin po ang magkakatuluyan po sa bandang huli po.

​

Tagapagtanggol : May gusto ka ba sa kanya?

​

Mahinhin : Ako po?

​

Tagapagtanggol : Oo, ikaw. Sabihin mo ang totoo. Alalahanin mo, Patrolwoman Mahinhin, na sumumpa ka sa Hukumang ito. May gusto ka ba sa kanya?

​

Mahinhin : E....

​

Tagapagtanggol : Meron o wala?

​

Hukom : (Pupukpukin ng gavel ang mesa.) The witness will answer the question!

​

Mahinhin : Me-meron po. Pero alam ko pong stick-to-one po lang po siya kaya po umiiwas na lang po ako po sa kanya po. Alam ko pong hindi po niya po ako papansinin po, gaya po ng hindi po niya pagpansin po sa iba pong babae po na may crush po sa kanya po.

​

Tagapagtanggol : Narinig mo ba ang testimonya ni Dr. Yesorno kanina tungkol sa kahoy na ginamit sa pagpaslang?

​

Mahinhin : Opo.

​

Tagapagtanggol : Sinabi ni Dr. Yesorno na ang salarin ay isang kaliwete dahil sa ang tama ng pukpok ay sa gawing kanan ng ulo. Sa palagay mo kaya ay si Inocente Walangmalay ang may gawa nito?

​

Mahinhin : Ay, imposible pong gawin po ni Inocente po ang bagay po na iyon po dahil po si Inocente po ay hindi po isang kaliwete po. Talaga pong stick-to-one po siya po at kahit po malayo na po siya po sa piling po ng kanya pong minamahal po ay hindi pa rin po niya magawa ang magtaksil po o mangaliwete po. Hindi po siya po kaliwete po, maniwala po kayo po sa akin po.

​

Tagapagtanggol : Naniniwala na ako. O, sige. Salamat sa iyong magalang na pangungupo, maaari ka nang umalis dyan at doon umupo.

​

Mahinhin : Opo. Salamat po.

​

(Aalis si Mahinhin sa witness stand at babalik sa upuan.)

​

Tagapag-usig : Ang aming huling saksi, Your Honor, ay si Binbining Dyaskeka Amparo. Si Binibining Amparo, kung ipagpapaumanhin ng Kagalanggalang na Hukom, ay may sakit at mahina ang katawan kaya kailangang akayin papunta rito. Siya po ang aming star witness dito sa Viskotso Masaker.

​

Tagapagtanggol : Your Honor, tutol kami sa salitang masaker. Walang masaker na naganap dahil iisa lamang ang namatay sa dinidinig na kaso.

​

Tagapag-usig : Puwede po ba akong magpaliwanag, Your Honor?

​

Hukom : Magpaliwanag ka.

​

Tagapag-usig : Thank you, Your Honor. (Sa assistant prosecutor) Ilaw nga, pakitapat ang ilaw dito sa puwesto ko.

​

(Bubuksan ng assistant prosecutor ang dalang spotlight at itatapat iyon sa kinatatayuan ng Tagapag-usig.)

​

Hukom : Maliwanag na ba?

​

Tagapag-usig : (Aayusin ang buhok at uunatin ang suot na damit.) Yes, Your Honor. Maliwanag na po. 

​

Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) That’s enough. Proceed with the case!

​

(Papatayin ng assistant prosecutor ang spotlight.)

​

Tagapag-usig : Dalhin dito si Miss Dyaskeka Amparo!

​

(Lalapit at uupo sa witness stand si Dyaskeka, nakasuot ng salaming itim sa mata. Sasamahan siya ng isang nakaunipormeng opisyal ng korte patungo sa witness stand. Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)

​

Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Dyaskeka : Po?

​

Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Dyaskeka : Ano po? Pakiulit nga po...medyo mahina ang pandinig ko.

​

Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Dyaskeka : Pakilakasan nga po. Hindi ko masyadong marinig.

​

Court Clerk : (Malakas.) Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Dyaskeka : (Malakas din, galit.) Huwag ninyo akong sisigawan! Hindi kayo ang nagpapalamon sa akin!

​

Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Hoy, dyaske kang babae ka! Huwag kang magtataas ng boses sa Hukumang ito kung ayaw mong ma-Contempt of Court! Naiintindihan mo?

​

Dyaskeka : Ano pong sabi n’yo?

​

Hukom : (Sesenyasan ang dalawang abogado) Counsel will please approach the bench.

​

(Lalapit sa Hukom ang Tagapag-usig at Tagapagtanggol.)

​

Hukom : Mr. Prosecutor, ano bang klaseng star witness ng Viskotso Masaker itong nakuha mo? Napakahina ng tainga! Bingi!

​

Tagapag-usig : Nabingi lang po yan, Judge, dahil nasobrahan sa bawal na gamot.

​

Hukom : Drug addict pala ang dyaskeng iyan, dapat ay ikulong yan sa halip na tumestigo dito.

​

Tagapag-usig : Your Honor, napakahalaga po ng kanyang testimonya sa prosekusyon, kaya nakahanda po kaming pagkalooban siya ng complete immunity laban sa mga naging paglabag niya sa batas, kapalit ng kanyang kooperasyon at pagtestigo laban sa nasasakdal.

​

Hukom : Aabutin tayo ng taong Philippines 2000 kapag pinabayaan ko ang pagdinig sa testimonya ng star witness na ito. Sa panunumpa pa lamang ay maisusumpa mo na, dahil napakahina ng tainga. Anong klaseng star witness ba itong nakuha mo?

​

Tagapag-usig : Your Honor, ang amin pong star witness ay kinukuha ng Star Cinema para isapelikula ang kanyang buhay. Ang pamagat po ng pelikula ay “Bituing Walang Dingding.”

​

Hukom : Hindi interisado ang Hukuman sa kanyang pelikula. May diprensya na ang kanyang tainga ay siya pa ang may ganang manigaw sa kanyang kapwa. Pwede siyang ma-contempt.

​

Tagapag-usig : Mangyari po’y sinigawan din siya. Your Honor, kung inyo pong mamarapatin ay nais kong kumuha ng isang interpreter para mapabilis ang pagdinig sa kanyang testimonya.

​

Hukom : Bueno, pagbibigyan kita. Motion granted. Papuntahin dito ang court interpreter.

​

(Babalik ang Tagapag-usig at Tagapagtanggol sa dating puwesto. Lalapit ang court interpreter.)

​

Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Interpreter : (Mahina, halos pabulong) Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Dyaskeka : Opo.

​

Tagapag-usig : Ikaw si Dyaskeka Amparo, empleyada ng Philippine Colonial Mentality Hospital. Ano ang inyong katungkulan sa nasabing pagamutan?

​

Interpreter : (Mahina, halos pabulong) Ikaw si Dyaskeka Amparo, empleyada ng Philippine Colonial Mentality Hospital. Ano ang inyong katungkulan sa nasabing pagamutan?

​

Dyaskeka : Floor Manager po.

​

Tagapag-usig : Ano ang trabaho mo bilang isang Floor Manager?

​

Interpreter : (Mahina, halos pabulong, na uulitin ang eksaktong sinabi ng Tagapag-usig. NB: Sa tuwing magsasalita ang Tagapag-usig, at bago sumagot si Dyaskeka, ay sisingit ang Interpreter at uulitin nang mahina at halos pabulong ang eksaktong sinabi ng Tagapag-usig.)

​

Dyaskeka : Tagalinis ng sahig po.

​

Tagapag-usig : Nasaan ka noong gabi ng ika-31 ng Agosto ng taong nagdaan?

​

Dyaskeka : Nasa ospital, nagpapahid po ng floorwax sa sahig. Duty po ako ng gabing iyon.

​

Tagapag-usig : May kasama ka ba nang gabing iyon na ikaw ay nagpo-floorwax ng sahig?

​

Dyaskeka : Meron po.

​

Tagapag-usig : Sino?

​

​

​

​

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina [1]  [2]  [3]  [4]  [5]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link