Isang-yugtong dula mula sa panulat ni
Karugtong ng Dula – Pahina 3
Tagapagtanggol : Maraming salamat sa iyong napakalinaw na tugon, Sarhento. Your Honor, wala na po akong tanong sa pitogong ito.
(Aalis si Pitopito sa witness stand at babalik sa upuan.)
Tagapag-usig : Ang susunod na saksi ay si Dr. Yesorno.
(Lalapit at uupo sa witness stand si Dr. Yesorno. Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)
Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?
Yesorno : Opo.
Tagapag-usig : Doktor Yesorno, kayo ang medico-legal staff na sumuri sa bangkay ng biktima na si Viskotso Corcuera?
Yesorno : Ako nga po.
Tagapag-usig : Masasabi po ba ninyo sa Hukumang ito kung ano ang sanhi ng kanyang pagkamatay batay sa inyong ginawang pagsusuri?
Yesorno : Ang biktima ay namatay sanhi ng pagkabasag ng kanang bahagi ng kanyang bungo na siyang dahilan naman ng pagkawala ng napakaraming dugo sa kanyang katawan. Bigla ang pagkamatay ng biktima at nang ito ay pumanaw ay hindi na rin ito huminga.
Tagapag-usig : Ano po ang masasabi ninyo tungkol sa sugat na tinamo ng biktima?
Yesorno : Ang sugat ay malalim ngunit naka-confine sa iisang bahagi ng ulo. May mga indikasyon na paulit-ulit na pinukpok sa iisang lugar o parte ng ulo ang biktima hanggang sa mabasag ang bungo nito.
Tagapag-usig : Sa inyong palagay, ano ang ginamit ng salarin sa pagpukpok sa ulo ng biktima?
Yesorno : Lumalabas sa aming pagsusuri na isang kahoy ang ginamit na pamukpok sa ulo ng biktima. May mga maliliit na kaskas o hibla ng kahoy kaming narekober sa ulo ng nasawi, na nagpapatunay na kahoy at hindi plastik o bakal ang ginamit sa pagpaslang. At dahil sa ang tama ng palo ay nasa kanang bahagi ng ulo ng biktima, malamang na ang may kagagawan nito ay isang kaliwete.
(Muling kukunin ng Tagapag-usig ang piraso ng kahoy sa mesa ng prosekusyon.)
Tagapag-usig : Maaari bang tingnan ninyo ang kahoy na ito at sabihin sa hukumang ito, sa inyong propesyonal na opinyon, kung posibleng ito na nga ang kahoy na ginamit ng salarin sa pagpukpok sa ulo ng biktima?
Tagapagtanggol : Objection, Your Honor!
Hukom : Anong basehan mo sa iyong pagtutol?
Tagapagtanggol : Si Dr. Yesorno ay isang eskperto sa pag-aawtopsiya o pag-alam kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng isang tao. Pero siya ay hindi isang eksperto sa mga kahoy.
Hukom : Overruled! Sagutin ang tanong!
Yesorno : (Titingnan ang kahoy.) Posibleng ito na nga po.
Tagapag-usig : Salamat po, Doktor. (Sa Tagapagtanggol) Your witness.
Tagapagtanggol : Dr. Yesorno, alam n’yo ba kung anong uri ng puno ang pinanggalingan ng kahoy na sinasabi ninyong posibleng ginamit sa pagpaslang sa biktima?
Yesorno : Hindi po.
Tagapagtanggol : Posibleng iyon ay galing sa puno ng akasya, di po ba?
Yesorno : Posible po.
Tagapagtanggol : O sa puno ng narra?
Yesorno : Posible rin po.
Tagapagtanggol : O sa puno ng mangga?
Yesorno : Posible rin po.
Tagapagtanggol : O sa puno ng santol?
Yesorno : Opo.
Tagapagtanggol : Anong ibig ninyong sabihin sa “Opo”?
Yesorno : Posible rin po.
Tagapagtanggol : Pero hindi ninyo alam kung anong uri ng kahoy iyon sapagka’t hindi ninyo alam kung anong uri ng puno ang pinanggalingan niyon, di po ba?
Yesorno : Hindi nga po.
Tagapagtanggol : Hindi kayo eksperto, sa katunayan ay wala kayong alam, tungkol sa iba’t ibang uri ng kahoy, hindi po ba?
Yesorno : Hindi po ako eksperto, wala po akong alam sa ganyang mga bagay.
Tagapagtanggol : Kung ganoon, Dr. Yesorno, paano ninyo nasabi na posibleng iyon na nga ang kahoy na ginamit sa pagpaslang sa nasirang Viskotso Corcuera?
Yesorno : E kasi po, may sira din yung dulo ng kahoy.
Tagapagtanggol : Isa pang tanong, Doktor. Nagkaroon ba kayo ng pagkakataong maiksamin ang mga bahid ng natuyong dugo sa kahoy na sinasabi ninyong ginamit sa pagpaslang sa biktima?
Yesorno : Opo.
Tagapagtanggol : At matapos ninyong suriin ang dugo sa kahoy, ikinumpara ba ninyo ito sa dugo ng biktima?
Yesorno : Opo.
Tagapagtanggol : At ano po ang naging resulta ng inyong pagsusuri?
Yesorno : Ang dugong nasa kahoy at ang dugo ng biktima ay magkapareho po.
Tagapagtanggol : Magkapareho?
Yesorno : Magkaparehong-magkapareho po. Pareho po silang kulay pula noong sariwa pa, pagkatapos ay naging halos kulay kape noong matuyo na.
Tagapagtanggol : Dr. Yesorno, pamilyar ba kayo sa mga pagsasaliksik na naisagawa ni Ginoong Karl Landsteiner?
Yesorno : Opo. Si Ginoong Landsteiner ay isang Austrian immunologist na siyang nakadiskubre ng A-B-O blood group system noong 1902, at nakatulong din sa pagkakatuklas ng Rhesus blood factors noong 1940. Siya rin ang nakadiskubre ng polio virus. Pinagkalooban siya ng Nobel Prize noong 1930.
Tagapagtanggol : Ano itong tinatawag na A-B-O blood group system, Doctor?
Yesorno : May apat na uri o klasipikasyon ang dugo ng tao, at ang pag-uuri o klasipikasyon ay ibinabatay sa tinatawag na antigenic activity. Ang red blood cells ng isang indibidwal ay maaaring magtaglay ng mga molecules na pwedeng gumanap bilang mga antigens sa ibang indibidwal na ang red blood cells ay kulang sa ganitong mga molecules. Ang dalawang pangunahing antigens ay pinangalanang A at B. Ito ang pinagmulan ng apat na pangkat o type ng dugo: Yung merong “A” lamang (Type A), merong “B” lamang (Type B), merong “A” at “B” (Type AB) at yung wala ni alin man sa dalawa (Type O). Ang mga sumunod pang pagsasaliksik sa larangang ito ay nagbunyag ng di kukulangin sa 14 na grupo ang mga pangunahing tipo ng dugo, na ang 11 sa mga ito ay sangkot sa induced antibody production. Mahalaga ang pagkuha ng type ng dugo sa forensic medicine, sa mga kasong pinagtatalunan kung sino ang tunay na ama ng isang bata, at sa mga pag-aaral na pang-antropolohiya.
Tagapagtanggol : Nabanggit ninyo, Dr. Yesorno, ang forensic medicine. Maaari bang ipaliwanag ninyo kung ano ito?
Yesorno : Ang forensic medicine ay isa sa mga scientific techniques na ginagamit sa paglutas ng mga kasong kriminal. Bahagi ito ng malawak na multidisciplinary field of forensic science na yumayakap din sa chemistry, physics, botany at zoology. Ang kaunaunahang forensic laboratory ay itinatag ni Edmond Locard sa Pransiya noong 1910, at ang siyensyang ito ay nadebelop bilang isang sistematikong disiplina noong mga 1930s. Noong 1932 ang US Federal Bureau of Investigation o FBI ay nagtatag ng forensic science laboratory sa Washington, DC, at sa United Kingdom ang unang gayong klaseng laboratoryo ay itinatag sa London noong 1935. Sa forensic science, kinikilala o inaalam ang identipikasyon hindi lamang ng katawan ng tao kundi maging ng kaliit-liitang bahagi o kahit bakas lamang nito. Bukod sa tradisyunal na pamamaraan ng pagkuha ng fingerprint na ngayon ay katulong na ang kompyuter, nariyan din ang forensic dentistry, ballistics – na may kinalaman pagsusuri ng mga projectiles at bala ng baril – at ang paggamit ng comparison at electron microscope gayon din ng mga kemikal para sa pagsusuri ng mga lason at drugs. Ang pagsusuri ng dugo o blood analysis ay isang mahalagang bahagi ng forensic medicine na nakatutulong nang malaki sa paglutas ng krimen.
Tagapagtanggol : Maraming salamat po, Doctor, sa inyong napakatalinong paliwanag. Tatanungin ko kayo ngayon, Doctor – sa inyong pagsusuri sa bangkay ng biktima, nalaman ba ninyo kung ano ang type ng kanyang dugo?
Yesorno : Ang katotohananan po...
Tagapagtanggol : Sagutin ninyo ang aking tanong, Dr. Yesorno. Nakunan ba ninyo ng blood type ang biktima?
Yesorno : Ah, eh.... (Dudukot ng panyo si Yesorno at papahirin ang pawis sa noo.)
Hukom : (Ipupukpok ang gavel.) Dr. Yesorno, answer the question. Yes or no?
Yesorno : I’m sorry, Your Honor. The answer is No.
Tagapagtanggol : Ibig ba ninyong papaniwalain ang Hukumang ito na matapos ninyong maipaliwanag nang buong husay kung gaano kahalaga ang blood type analysis sa paglutas ng isang krimen, nabigo kayong kunan ng blood type ang biktima?
Yesorno : Mangyari po...ang ibig ko pong sabihin...
Tagapagtanggol : (Mataas ang boses, duduruin ng daliri sa mukha ang saksi.) Bakit hindi ninyo nakunan ng blood type ang biktima?!?
Yesorno : Sira po ang aming typewriter, kaya hindi namin nai-type ang kanyang dugo.
Tagapagtanggol : No further questions!
(Aalis si Dr.Yesorno sa witness stand at babalik sa upuan.)
Tagapag-usig : We call our next witness, Patrolwoman Mahinhin.
(Lalapit at uupo sa witness stand si Mahinhin. Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)
Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?
Mahinhin : Sisikapin ko.
Tagapag-usig : Patrolwoman Mahinhin, maaari bang sabihin mo sa Hukumang ito ang iyong buong pangalan at kung ano ang iyong papel kaugnay sa imbestigasyon ng kasong ito?
Mahinhin : Yes, Darling. My name is Patrolwoman Maligaya Mahinhin. But you can call me Ligaya for short. Ligaya ang itawag mo sa akin.
Hukom : (Ipupukpok ang gavel .) Order! Order in the Court! Police Officer Mahinhin, you’ve got to show some respect because you are in a court of law. Watch your language or I’ll put you in jail for contempt! Do you understand?
Mahinhin : Yes, Your Majesty.
Hukom : Call me Your Honor! And apologize for your lack of respect!
Mahinhin : I’m sorry, Your Highness, Your Excellency...
Hukom : Your Honor! Your Honor ang itawag mo sa akin, Ligaya!
Mahinhin : Yes, Your Honorable Mention. I apologize po for the inconvenience po.
Hukom : That’s better. Proceed!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.