THE CASE OF THE VISKOTSO MASAKER

​

Isang-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

Karugtong ng Dula – Pahina 2

​

​

Tagapag-usig : Tatanungin ko kayo, Doktor. Ano ngayon ang lagay ng pasyenteng si Viskotso Corcuera?

​

Dr. Radin : Si Viskotso Corcuera ay patay na. Namatay siya noong Agosto 31 nang gabi sa ospital.

​

Tagapag-usig : Nasaan ang kanyang bangkay sa mga sandaling ito, Dr. Radin?

​

Dr. Radin : Hindi ko alam kung nasaan ngayon ang kanyang bangkay. Pero alam ko na noong si Viskotso ay binawian ng buhay, kinabukasan din nang umaga ay kinuha iyon ng mga taga-tanggapan ng mediko-legal para magsagawa ng awtopsiya. Ako mismo ang pumirma ng release and deportation order para sa kanyang bangkay. 

​

Tagapag-usig : That will be all, Dr. Radin. (Sa Tagapagtanggol) Your witness.

​

Tagapagtanggol : Dr. Radin, paano ninyo natitiyak na ang isang tao ay may diprensya nga sa utak? Sa ibang daigdig, ano ang inyong kwalipikasyon sa larangang ito?

​

Dr. Radin : Sa ibang daigdig?

​

Tagapagtanggol : Exactly, Doctor Radin. Sa ibang daigdig... In other worlds, what are your qualifications in this field?

​

Dr. Radin : Ako ay nagtapos ng Medisina sa Massachusetts Institute of Technology, Major in Animal Husbandry. Nakakumpleto ako ng masters degree sa Standford University, ng aking doctorate naman sa Harvard University, at ng aking electorate sa White House University, U.S.A. Batay sa mga tinapos kong pag-aaral, at sa aking mahigit na tatlumpung taong karanasan sa larangan ng medisina na halos araw-araw ay wala akong kasama kundi pawang mga may sira ang ulo, may sapat akong kakayahan upang husgahan kung ang isang tao ay may sira nga o wala.

​

Tagapagtanggol : Ang inyong first name, Doktor, ay...?

​

Dr. Radin : Marciano. Dr. Marciano Radin ang buong pangalan ko. Pero mas kilala ako sa aking palayaw na Maycee, Dr. Maycee.

​

Tagapagtanggol : Dr. Maycee...Radin... Samakatuwid ang tawag sa inyo, Doktor, ay Maycee Radin, Tama po ba?

​

Dr. Radin : Tama po.

​

Tagapagtanggol : At ayon na rin sa inyong statement kanina, kayo ay kwalipikadong tumingin at gumamot sa mga may sira dahil kayo mismo, Doktor, ay may sira din, tama po ba?

​

Tagapag-usig : Oh, Your Honor...!

​

Tagapagtanggol : Binabawi ko na ang aking tanong. Thank you, Dr. Radin. That will be all.

(Aalis si Dr. Radin sa witness stand at babalik sa upuan.)

​

Tagapag-usig : Tinatawagan si Sarhento Pitopito.

​

(Lalapit at uupo sa witness stand si Sarhento Pitopito. Lalapit din ang Court Clerk dala ang isang itim na aklat.)

​

Court Clerk : Ikaw ba ay sumusumpang magsasabi ng totoo at pawang katotohanan lamang?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : Ikaw ay si Sarhento Siete Pitopito, nakatalaga sa Mandaluyong Police Station sa kasalukuyan, at gayon din noong gabi ng Agosto 31 nang nakaraang taon?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : Maaari bang isalaysay mo ang pangyayari sa Hukumang ito kaugnay ng isang tawag sa telepono na natanggap ng inyong tanggapan bandang alas-onse ng gabi nang nasabing petsa?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : Sige na, isalaysay mo.

​

Pitopito : Opo. Kumiriring po ang telepono sa tanggapan ng pulisiya. Inangat ko po ang telepono. Nagsalita po ako ng hello. Nag-hello din po ang nasa kabilang linya. Nag-helohan po kaming dalawa...

​

Tagapag-usig : Nagpakilala ba sa iyo ang nasa kabilang linya ng telepono?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : Sino raw siya?

​

Pitopito : Siya raw po si Inocente Walangmalay. Siya raw po ay nagtatrabahong dyanitor sa Philippine Colonial Mentality Hospital, at siya raw po ay tumatawag mula sa nabanggit na pagamutan.

​

Tagapag-usig : Sinabi ba sa iyo ng kausap mo sa telepono kung ano ang kanyang kailangan?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : Ano raw?

​

Pitopito : Sinabi po niya na kailangan raw nila ng pulis sa kanilang ospital dahil may pasyenteng nagwawala, naghuhuramentado raw, at wala raw sinumang makaawat dahil may hawak iyon na patalim.

​

Tagapag-usig : Ano ang iyong ginawa?

​

Pitopito : Agad po akong nagtungo sa nasabing ospital kasama ang dalawa pang pulis.

​

Tagapag-usig : At pagkatapos?

​

Pitopito : Pagkatapos po naming magpunta sa ospital ay dumating na kami roon.

​

Tagapag-usig : At pagkatapos?

​

Pitopito : Hinanap po namin ang taong tumawag sa telepono, si Inocente Walangmalay.

​

Tagapag-usig : Natagpuan ba ninyo siya roon?

​

Pitopito : Opo. Sinalubong niya kami sa aming pagdating. Ipinakita niya sa akin ang kanyang I.D. card at ang pinaka-latest na telephone bill ng Meralco upang patunayan na siya nga ang tumawag sa aming tanggapan.

​

Tagapag-usig : Ano ang inyong ginawa pagkatapos?

​

Pitopito : Nagpasama kami sa kanya para hanapin at pigilin ang taong naghuhuramentado.

​

Tagapag-usig : Sinamahan ba niya kayo?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : At nakita ninyo ang sinasabi niyang naghuhuramentado?

​

Pitopito : Opo.

​

Tagapag-usig : At naawat ninyo siya?

​

Pitopito : Hindi po. Dahil siya ay patay na nang datnan namin. Basag ang kanyang bungo at naliligo sa sariling dugo.

​

Tagapag-usig : Naliligo sa sariling dugo?

​

Pitopito : Opo. Naroon pa sa tabi ng bangkay ang sabon at panghilod ng biktima.

​

Tagapag-usig : Nakilala mo ba ang bangkay?

​

Pitopito : Hindi po nagpakilala sa akin dahil ayaw nang magsalita. Pero ayon sa aming imbestigasyon, ang bangkay ay isa sa mga pasyente ng naturang pagamutan na nagngangalang Viskotso Corcuera.

​

Tagapag-usig : Narekober ba ninyo ang sinasabing patalim na ginamit niya sa paghuhuramentado?

​

Pitopito : Ginalugad po namin ang lahat ng sulok ng ospital, pero wala po kaming nakitang patalim. Gayunman, nakakuha kami ng isang putol ng kahoy na duguan, na posibleng ginamit sa pagpaslang sa biktima.

​

(Kukunin ng Tagapag-usig ang isang kahoy na may bahid ng tuyong dugo mula sa mesa ng prosekusyon.)

​

Tagapag-usig : Ipakikita ko sa iyo ang isang pirasong kahoy na hawak ko, at itatanong ko kung dati mo nang nakita ang kahoy na ito.

​

Pitopito : Iyan po ang kahoy na nakuha namin sa ospital.

​

Tagapag-usig : Paano mo natiyak na ito nga?

​

Pitopito : May mga bahid po ng natuyong dugo. At saka minarkahan ko po ng mga inisyal ng aking pangalan ang isang dulo ng kahoy para mayroon akong palatandaan.

​

Tagapag-usig : Ano pa ang iyong ginawa, Sarhento Pitopito, kaugnay ng imbestigasyon sa pagkapaslang kay Viskotso Corcuera?

​

Pitopito : Agad kong ipinadala sa police crime laboratory ang kahoy na nakuha namin sa ospital para ipaeksamin ang dugo at makunan ng fingerprints.

​

Tagapag-usig : Ano ang naging resulta ng eksaminasyon?

​

Tagapagtanggol : Objection. Hindi maaaring tumestigo ang saksi sa resulta ng isang eksaminasyon na ibang tao ang nagsagawa. Ito ay hearsay evidence na hindi maaaring tanggapin sa korte.

​

Hukom : Sustained.

​

Tagapag-usig : Bueno, Sarhento. Hindi ko itatanong sa iyo ang naging resulta ng eksaminasyon. Pero, matapos mong malaman ang resulta, ano ang iyong ginawa?

​

Pitopito : Agad kong dinakip si Inocente Walangmalay bilang pangunahing suspek sa pagkapaslang kay Viskotso Corcuera.

​

Tagapag-usig : Maaari mo bang sabihin at ituro sa Hukumang ito kung ang pangunahing suspek na tinutukoy mo, ang taong tumawag at humingi ng saklolo sa telepono, si Inocente Walangmalay, ay narito sa silid na ito?

​

Pitopito : Opo. Ayon po siya. (Ituturo si Inocente.)

​

Tagapag-usig : Hayaang matala sa rekord ng paglilitis na ang itinuro ng saksi ay ang nasasakdal, si Inocente Walangmalay. (Sa Tagapagtanggol) Cross-examine!

​

Tagapagtanggol : Sarhento Pitopito, ilang taon ka nang naninilbihan bilang pulis?

​

Pitopito : Pito po.

​

Tagapagtanggol : May asawa ka na ba?

​

Pitopito : Opo, pito rin po.

​

Tagapagtanggol : Puwede bang ipaliwanag mo sa Hukumang ito kung bakit Pitopito ang ipinangalan sa iyo ng mga magulang mo?

​

Tagapag-usig : Your Honor, wala akong nakikitang koneksyon sa kaso at sa tanong na ito.

​

Tagapagtanggol : Mayroon pong koneksyon, Your Honor, at yan ay patutunayan ko.

​

Hukom : Overruled! Sagutin ang tanong.

​

Tagapagtanggol : Bakit Pitopito ang ipinangalan sa iyo ng mga magulang mo?

​

Pitopito : Kasi po, ayon sa hilot na nagpaanak sa nanay ko, noong ako raw po ay ipinanganak ang aking kuko ay pipito. Ang pangalan naman ng tatay ko ay Pepito. Kaya ang ibininyag nila sa akin ay Pitopito.

​

Tagapagtanggol : Sabihin mo ngayon sa harap Hukumang ito: May koneksyon ba ang iyong pangalang Pitopito sa kasong ito?

​

Pitopito : May koneksyon po.

​

Tagapagtanggol : Ano?

​

Pitopito : Bago naganap ang insidente sa Mentality Hospital ay may anim na iba-ibang kaso na akong iniimbistigahan. Ngunit ngayon po na nadagdagan pa ng isa, pito-pito na ang kasong hinahawakan ko.

​

​

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link