BLOGTALASAN NG KATWIRAN
Trahedya ni Ondoy
Malagim na trahedyang bunga ng bagyong ‘Ondoy’ at iba pang kalamidad sa Pilipinas na maaari namang iwasan kung may kaukulang paghahanda, sino ba ang may higit na kapabayaan – mamamayan o pamahalaan?
tagapamagitan says:
MENSAHE AT PANAWAGAN
Una muna ay nais kong ipaabot sa balana
Marudob kong pakiramay sa kay ‘Ondoy’ na biktima
Kalakip ang panalanging ang naganap na trahedya
Nawa’y hindi na maulit; tubig-baha’y humupa na;
Karamdamang dulot nito’y huwag maging epidemya,
Ang gobyerno’t mamamayan ay matuto na rin sana.
Sa malagim na trahedyang bagyong Ondoy ang dahilan
At iba pang kalamidad na sa bansa’y nagdaraan
Na ang bunga’y pagdurusa, gutom, sakit, kamatayan
Gayong kung may paghahanda, pwede namang maiwasan,
Ay sino ba ang may higit o lalong kapabayaan –
Tayo mismong mamamayan? O ating pamahalaan?
Di layon ng BlogTalasan ang sinuman ay masisi
Subalit kung masusuri ang sanhi ng kalamiti
Sa ganito’y matutukoy ang angkop at mas mabuting
Paghahanda bago pa man ang sakuna ay mangyari;
Gobyerno o mamamayan? Kung isa lang responsable,
Sino’ng naging mas pabaya? Kayo na ang s’yang magsabi.
cadena_de_amor says:
PAGKUKULANG NG PAMAHALAAN
Humagupit na ang bagyo, dumaluyong na ang baha,
Apektado ang malaking bahagi ng ating bansa;
Sa ganitong kalamidad ay di tayo nakahanda,
Kaya nagbunga ng lagim ang dumatal na sakuna;
Nagtatanong tayo ngayon: nagpabaya’y sino kaya —
Mamamayan o gobyerno sa pag-aksyon at paggawa?
Daming buhay ang napugto sa di natin kahandaan,
Libong bahay at gusali ang naanod at nawindang;
Sa unos na nagngangalit at habagat na pamatay,
Payapa mang baya’t bukid ay binayo’t ginulantang;
Nang magbiro ang tadhana, mamamaya’y nasasaktan,
Ang sisihi’y walang iba kundi ang pamahalaan!
Sa kay Ondoy at kay Pepeng, may bagyo nang nangauna
Na sa bansa’y naghatid din ng linggatong at pangamba;
Ang gobyerno mula noon, dapat sana’y humakbang na,
Lumikha na ng panlunas sa unos na darating pa;
Kung sa mga nakaraa’y nagkaaral ng maganda,
Disi’y handa tayong lahat umunos man at sumigwa.
Sana’y hindi tinulutang kagubatan ay mapanot,
Kakahuya’t kabunduka’y naingata’t nataguyod;
Pinatatag yaong prinsa, mga lawa’t mga ilog
Na di kayang isambulat ng pagbaha’t lisyang agos…
(Ang salaping laan sana upang ito’y isaayos,
Sa pondo ng kabang-bayan — malamang na nakurakot!)
Anong sising ibibintang sa hamak na mamamayan
Sa ganitong paghahandang panligtas sa kalahatan?
Maliit na magagawa halos mawawalang saysay,
Pagka’t walang guguguling sa sakuna’y pananggalang…
(Pagkukulang na malaki’y pagsisiha’t pagsimpian
Ng tiwaling pamalakad ng gobyernong haling…hibang!)
kampupot says:
MATUTO SA KARANASAN
Si de amor ay hindi ko masisisi kung magdamdam
Sa pinsala ng sakunang halos di na matagalan;
Bagyo’t bahang dambuhala na sa atin ay sumagpang
Ay dama ng buong nasyong nagpipiglas sa karimlan;
Nakaamba ang delubyong tatapos sa ating angkan,
Kung di tayo matututong kalamidad ay sagkaan.
Ang pagbaha hanggang ngayon ay hindi pa mapahigkat
At ang hanging balaklaot ay patuloy ang pagaspas;
Ang laganat na pag-ula’y tila luhang di maampat,
Parang tinik kung tumama sa maselang nating balat;
Sinong ating daraingan sa matinding pagkasindak —
Tayo rin ba ang maysala sa pagdurusa ng lahat?
Natutulog ba ang Diyos? Malupit ba ang tadhana?
Bakit tayong Pilipinong dukhang-dukha ay kawawa?
Kung humingi man ng habag at umamot ng kalinga,
Nasa burol pa rin tayo ng may batik na hiwaga…
(Ang tinig ng panalangin ng nalumpong pang-unawa
Ay tumimo ba sa dibdib ng nadurog na dambana?)
Merong mga sumisisi sa nagkulang na gobyerno,
Pagka’t tayo’y hindi handa sa sakuna at peligro;
Mga hangal daw pinunong-bayan nati’y pawang tuso,
Sa hawak na katungkula’y nagpabaya’t abusero;
Meron namang nagsasabing ang sisihi’y madlang tao,
Pagka’t sila ang naghalal sa linsil na kandidato.
Sa ganitong pagkagipit, kung tayo ba’y magsisihan,
May buti bang idudulot sa kawawang mamamayan?
Hindi ngayon ang panahong magsumbata’t magbangayan
At sumigaw pa ang dugo ang nagdusa’t namatayan!
(Ang maykaya ay tumulong! Lahat tayo’y magdamayan!
Maging aral ang sinapit na lugaming karanasan…)
tagapamagitan says:
HUWAG LILIHIS SA PAKSA
Kay kampupot ay salamat sa magandang panawagan
Gayunpama’y paalalang ito’y isang BlogTalasan
Ito’y isang pagtatalo na may paksang nakasalang
May tuntuning sinusunod sa lalahok na sino man
Isa lang ang pipiliin at bibigyang katuwiran…
Sino’ng higit nagpabaya: Gobyerno o Mamamayan?
katreena says:
MAMAMAYAN ANG MAS PABAYA
Malaon nang humahanga kay cadena at kampupot
Sa magandang tula nila’t katuwirang maalindog
Wala man sa kalingkingan, nais ko ring makikurot
Sa usapin ng trahedyang bagyong Ondoy ang nagdulot
Kung ako ang tatanungin, puno’t ugat ng bangungot
Ay tayo ring mamamayang pabaya at mapag-imbot.
Oo, tayong mamamayan ang higit na nagpabaya
Taun-taon bumabagyo, lagi tayong hindi handa
Mapait man kung aminin ang sariling pandurusta
Ngunit iyan ang totoo – pagmasdan ang ating lawa
Mga kanal at estero, mga dagat, ilog, sapa
Ginagawang basurahan ng lipunang salaula.
Kahit tayo ay may halal na opisyal ng gobyerno
Na tungkuli’y mangalaga sa bayan at mga tao
Batas natin, walang silbi sa pasaway na publiko
Sa padulas ng may suhol, bale wala ang zoning law
Kahit hindi nararapat, babahayan ang estero
Pati kanal, babarahan ng tindahan at negosyo.
Gobyerno man ay nariyan, tayo pa rin mas marami
Munti nating nagagawa (mapasama, mapabuti)
Sama-samang bunga nito’y mas matindi, mas malaki
Kaya tayo ang mas higit na sa baya’y responsable
Ngunit tayong tagaingat sa paligid, nangyayari
Ay tayo pang tagawaldas, tapos iba’ng sinisisi!
Hindi natin kailangan ang malaking gugugulin
Sa sariling munting sikap, mahalaga’ng papel natin
Magtanim ng kahit isang puno sa t’wing magbe-birthday
Sa halip na pagtapunan, mga kanal ay linisin
Sa panahon ng halalan, kandidatong pipiliin
Taong maka-kalikasan, maka-Diyos at di sakim!
cadena_de_amor says:
BUDHING NILULUMOT
Ang nais ko’y kadenahan ng pag-ibig si Katreena
Sa paghangang kung biro man ay ibig kong mabalisa;
Ang totoo’y siya lamang ang nagsabing unang-una
Na katwiran ko at tula’y may alindog at haraya;
O! salamat sa papuring naghuhunos ng umaga
Sa binagyong kamakatang binaha ang berso’t rima.
Nguni’t ako’y nagtataka sa masidhi mong bangungot
Na salungat sa ramdam kong nabilanggong bungantulog;
Ang inunos nating bayang napahimpil sa bulaos
Ay tumanang nang ulani’y mamamayan ang inanod;
O, Katreena, alam mo bang ang puso ko’y dinudurog
Ng gobyernong nagpabaya at may budhing nilulumot!
Ako bilang mamamayan, nang umihip na ang hangin
At madamang sa paligid ay may bagyong aanihin;
Sinimulan kong suhayan yaong bahay-kubo namin,
Upang kahi’t papaano ay bahagyang patibayin;
Ang palibot ng tahana’y hinukayan nang malalim,
Maingat kong kinanalan! Umusal ng panalangin!
Nang dumating na ang unos at ang hangi’y manalasa,
Mga suhay ng kubo ko’y nabaltak na walang awa;
Kubong yari sa kawayan at sa pawid na mahina
Ay winasak ng habagat at mabangis na tadhana;
Sa malakas na pag-ulang mandi’y ayaw nang tumila,
Ang kanal ko ay biniyak ng pagbahang sumagasa!
Naisip ko ang gobyernong nasuhula’t nagpaputol
Sa dibdib ng kagubatan ng maraming punongkahoy;
Basura sa dagat, ilog, at esterong binababoy,
Nagpabaya! — paghihigpit ng gobyerno’y isang hamon;
Batas na di natutupad! Pamayanang patay-gutom!
Saguti’t kapabayaan ng gobyernong urong-sulong…
renzsjavier says:
SALING PUSA
Bakit nga ba ngayon ko lang nakita at natutuhan
Na maghanap ng ganito? Mayro’n palang BlogTalasan!
Disin sana’y malaon na sarili ko’y nililibang
Sa paghabi nitong tula kahit ako ay baguhan.
Makata kong kababayan ako sana’y alalayan
Ang pluma ko sa pagtula sadyang kapos, may limit lang
Bayaang sa mga paksa ang lingkod nyo’y makisawsaw
Ang nais ko ay maglibang habang nangingibang bayan.
cadena_de_amor says:
MAGTULOY KA, KAMAKATA!
Magtuloy ka, O, Renzsjavier, sa daigdig ng tulaan
Na malaon na ring tampok ng magandang BlogTalasan;
Buo yaring paniwala na tanggap kang mahinusay
Ng matinik na makata nating tagapamagitan;
Payo ko lang kung talagang sasabak ka ng pingkian,
Ang bulsa mo’y laging punin ng tulaing maiinam.
Kailanga’y mga tulang sa lukbutan isisilid,
May haraya, talinghaga at may rimang maririkit;
Kung patuloy kang mangarap sa pagtulang walang patid,
May pag-ibig na dakilang lalangkap sa iyong dibdib;
Alagad ka ni Balagtas na makatang pandaigdig
At sa gabay ng Maykapal, may aral kang ihahasik.
Kaibigan, ang hangad ko’y mapuno ng manunula
Itong mundo ng pagsuyo’t pananalig na sagana;
Kahi’t saa’y walang imbi’t walang linsil na makata—
Makata ang tagasunod ng talisik na Bathala!
(Inuulit ko, Renzsjavier, halika na’t sumagasa
Sa bagyo ng panulaang tila “Ondoy” ng hiwaga…)
renz says:
PABAYANG PAMAHALAAN
Ilan na bang kalamidad ang sa bayan ay nagdaan?
Mamamaya’y nagdurusa’t libo-libo’y namamatay,
Bagyo, tuyot saka lindol at pagputok nitong bulkan
Dagdag pa ang insurgency walang humpay na bangayan.
Sino nga ba ang pabaya ang gobyerno o ang bayan
Sa epekto ng delubyong dapat sana’y naagapan?
Sa dami ng mga batas sa Kongreso’y binalangkas
At salaping ginugugol at kanilang winawaldas
Kung totoong ang layunin ang balana ay iangat
Sa dusa at sa pighating malaon nang dinaranas
Sana naman kahit pa’no sa sigwada’y nakailag
Kung may planong tumutukoy sa ganitong kakamidad.
Papaanong hindi gayon, ang palaging nangyayari
Mga tao sa Kongreso hilig lamang magpapogi
Magpapasa nitong batas gagastusan ng salapi
Pagpapalit ng pangalan iskinita’t nitong kalye
Kung mayro’n mang mapagtibay at batas na ini-lobby
Nabubulok sa kangkungan at wala din namang silbi
At kung mayro’n namang batas na kanilang mapagtibay
Na totoong sa bayan nga ay kapakipakinabang
Pulitikong nasa pwesto halal ng taong bayan
Interes na pansarili laging nasa alang-alang
Mamamayan na nagluklok sa trono ng kaharian
Basura na sa paningin wala na syang pakialam.
Kung batas ba’y ipatupad sino nga ba ang tututol?
Lalo na’t kung hangad nito sa hirap ay maiahon
Ang problema sa kanila karamiha’y ningas kugon
Mas matimbang ang hangaring magtagal pa sa posisyon
Marapat lang na sisihin sa ganitong situwasyon
Nagpabaya ay tunay nga silang nasa administrasyon.
kampupot says:
BOTANTENG MAMAMAYAN ANG SISIHIN
Sino nga ba ang nagluklok sa presidenteng Arroyo?
Di ba’t mga mamamayan at balanang mamboboto?
Sino rin ba ang naglagay ng senador sa Senado
Na sariling kapakanan ang hangari’t asikaso?
Sa bangag na mambabatas na naghudas sa Kongreso,
Ang naghalal ay hindi ba pamayanang Pilipino?
Walang Marcos na diktador at hidhid sa kayamanan
At Imeldang nababaliw sa salaping sumisilaw;
Walang Ramos na bubuga ng usok sa katusuhan
At wala rin ang Estradang lasinggero’t magsusugal;
Walang hibang na Arroyong tatakbo pang kongreswoman,
Kung nag-ingat sa pagboto yaong madlang maghahalal!
Sana’y walang Ampatuan na alkaldeng inuumok
Na ang bangis sa pagpatay ng kapuwa’y parang hayop;
Walang rin ang Ampatuang gobernador manding salot
Ng katalo sa halala’t dyornalistang binusabos;
Wala sanang Magindanao na masaker sa bulaos,
Kung ginamit ang pagbotong marangal at walang takot.
Dumating man ang sakuna’t matitinding kalamidad
Na tulad ng bagyong Ondoy na sa bayan ay pang-utas;
Manalasa man ang bahang pantay-bahay pa ang taas,
Matatanda’t mga bata’y haharap na walang sindak;
Problema sa bulkang-Mayon ay madaling malulutas,
Kung ang budhi ay ginamit sa pagboto nating lahat.
Di iilan ang nagbenta ng sarili nilang dangal
Nang ang “boto’y” ipagbili sa kandidatong garapal;
Nagsiboto sa “artista” (nadaya ng katanyagan),
Kahi’t pa ang mga ito sa tungkuli’y walang alam!
(Dito’y aking sinisisi at tandisang susumbatan,
Ang higit na nagpabayang naglipanang mamamayan.)
renz says:
PAMAHALAAN ANG SISIHIN
Nais ko po muna na pasalamatan
Cadena_de_amor sa aki’y nag-welcome
Ang makasama po’y aking karangalan
At maibahagi ang mga katwiran
At kay makatang tagapamagitan
Sana’y lumawig ang BlogTalasan
Mabangong dalaga pangala’y kampupot
Kinababaliwan ng mga bubuyog
Dahil sa ganda nya at angking alindog
Binatang makisig ay napahinuhod
Dahil sa pangako’t masuyong pag-irog
Nakamit ang OO, ang puso’y lumambot.
Kampupot kanino mo ngayon isisisi?
Sisisihin mo ba ang iyong sarili?
Sa nakita mong tunay na pag-uugali
Mahal mong hunyango wala palang silbi
Pangakong binitiwan sinasantabi
Walang mahalaga kundi ang sarili.
Ganyan nga eksakto paksang itinampok
Sentro ng diskusyon ating sinusuyod.
Masisisi mo ba ang madlang kayrupok
Sabik sa pangakong sa kanila’y dudulog
Lito ang isipan sa paghihikahos
Kaya nga kumapit sa pulitikong naghandog.
Bakit hindi na lang kaya pagbutihin?
Kung natalaga ka sa isang tungkulin
Kamit na tiwala sana ay limiin
Nitong sambayanag nagluklok sa atin
Kaya nga dapat lang na ating sisihin,
Pamahalaang pabaya sa mga tungkulin.
kampupot says:
PAG-IINGAT AY DI SAPAT
Oo, ako ay kampupot na sa angking yumi’t ganda
Ay maraming sumasamo’t nag-aalay ng pagsinta;
May bubuyog na may bulong na pangakong walang hangga,
Saka mga paruparong kung manuyo ay kay sigla;
Sa sanghaya’t talulot kong minana sa aking ina,
Mga angkan ni Adonis sa ngiti ko’y nagpipista!
Lahat sila’y nagmimithing ang “Oo” ko ay makamtan,
Kaya sila sa hardin ko — araw-gabi kung magbantay;
Sa puso raw nila’y saksi ang bituin, tala’t buwan,
At wagas raw ang pag-irog sukdang yao’y ikamatay;
Kung madala ng pangako’t patitimpi ay bumigay,
Bawa’t isa’y nagsasabing handa akong pakasalan.
Nguni’t ako sa sarili ay nagkuro nang panatag
Na sa mga nanunuyo dapat lamang na mag-ingat;
May pangako ng bohemyo’t may sumpa ng diwang-hudas,
Sa panahong dapat tupdin ay panatang winawasak;
Mga budhing mapanlinlang — mabulaklak kung mangusap,
Binibingwit ang tiwala ng diwatang nangangarap.
Sa imbi at pakunwari’y hindi ako palilinlang,
Di ko gustong mariwara yaring buhay ko at dangal;
(Dapat maging matalisik na suriin ang sinuman,
Upang hindi mabiktima’t sa pagluha’y paglalangan;
Taong hungkag ang akala’t di marunong makiramdam,
Nagpabaya! At ang sisi’y dapat silang pagbuntunan.)
Mamamayan ay ganyan ding nalinlang ng kandidato
Na kanilang inihalal na umugit ng gobyerno;
Pag-iingat na di sapat ang resulta’y panloloko
Ng tiwali’t magnanakaw na pinunong ibinoto;
Sa hagkis ng bagyong Ondoy sa nagdusang mga tao,
Sinisisi ko’y botanteng nagpabayang Pilipino.
renz says:
SA LIDER ANG SUSI, SA KANYA ANG SISI
Ang angkin mong kagandahan at ang taglay na alindog
Bulaklak ka na natangi sa timyas na bangong dulot
Ang nakamtan na mithi mong sa pedestal mabantayog
Ay utang mo sa nagdilig, nag-alaga sa yong lubos
Ang abono ng pag-ibig, bitaminang humahaplos
Sila itong hardinerong sa ugali mo’y naghubog.
Ang labong din ng kawayan hindi mo nga baga alam?
Na sa kanyang pagmimithi simboryo nya’y umibabaw
Ang balakid sa landas nya na tangi nyang daraanan
Ay naunang mga puno kapwa sila magugulang
Kung sa kanyang lalandasin ay may puno na humarang
Ang baluktot niyang landas ang naghubog ay magulang.
Ganoon din sa pamilyang may pangarap na pag-unlad
Itong tatay at ang nanay nagpaplanong lubos, ganap
Magkatulong sila kapwang mapaganda itong bukas
Mapabuting kalagayan minamahal nitong anak
Bakit mo nga sisisihin ang anak mong napahamak
Kung nagkulang sa ehemplong sila sana ay nabantad?
Pasaherong nakatulog sa pagbiyahe sa kalsada
Buong puso ang tiwala sa driver na nagdadala
Kung minalas at nasuong sa malapit na sakuna
Kaligtasan ay sa driver ang diskarte at manyobra
Kaya naman, o kampupot, huwag ka ng humirit pa
Laging lider ang siyang susi pag-unlad ng ikonomya.
Tanggap mo ba kung sakali ang yong lider na nahalal,
Mangmang ito sa pag-ugit sa mayobra’y walang alam
Kung lagi nang pumapapel sa diskarte ay ang bayan
Di ba ito ay masagwa sa mukha nya’y parang sampal
Pakiusap, o kampupot, ang isip mo ay lawakan
Pagkukulang ay sa lider, pagsang-ayon lang sa bayan.
kampupot says
TATAG NG PRINSIPYO KAILANGAN SA PAGBOTO
Kasang-ayon akong yaong namulaklak na halaman
Ay may isang hardinerong pagsisikap ang puhunan;
Sa matamang pagdidilig may kampupot na lumutang
Na karikta’y may hiwaga sa loob ng halamanan;
Nguni’t damhin ng nagpala ang sininop na tulungan
Ay kampupot na may diwang dapat isaalang-alang.
Meron tayong kawikaang sa labong ay kilala na
Kung alin ang maaaring sa paglaki’y magmamata;
Labong na di aasahang pagmatahan at pandak pa,
Lumaki man ay kawayang bulubuti’t walang ganda;
Nagbuhat man sa magulang na malusog at may sigla,
May sariling siyang mundo’t kalikasang kanyang-kanya.
Sa bigay mong halimbawa, O, Renzjavier, sa mag-anak,
Kasang-ayon mo rin akong ang magulang ay liwanag;
Sila’y dapat ngang huwarang lumikha ng isang bukas
Sa abot ng makakayang panuntunan at pangarap;
Kung ang anak ay maligaw at tuluyang mapahamak,
Nagsisimping ama’t ina ang may lukob na bagabag.
Kailanma’y di lululan ang matinong pasahero
Sa sasakyang ang may dala ay bagitong magmaneho;
Yaong tsuper ng sasakya’y kailangang sinisino
Bago bigyan ng tiwala na sapat at pihong-piho…
(Di ba dapat ay ganyan din ang botanteng Pilipino,
Bago sila magtiwala sa naglipang kandidato?)
Lumilikha ng gobyerno’y tayong mga mamamayan,
Kaya kapag di nag-ingat tayo rin ang masasaktan;
Matalino at malinis na pagboto ang gampanan
Nang di tayo magkaroon ng pinunong imbi’t hunghang…
(Mahirap bang intindihing dapat lamang na ihalal
Ay ang mga kandidatong may prinsipyo, diwa’t dangal?)
renz says:
NAPILI NA ANG GAGANAP
Katalo ko’y tila yata naligaw na rin ng landas
Lumilihis na sa tema nitong paksang tinatahak
Ang problema’y sino daw ba ang nagkulang sa pagganap
Sa daluyong nitong Ondoy na maraming napahamak
Ito’y isang pangyayaring umukit ng mga bakas
Karakter ay naroon na, pili na nga ang gumanap.
Sa ehemplong tinuran ko kaylinaw ng sinasabi
Hardinero, tatay, nanay at ang driver nitong byahe
Sila’y pawang napili na natadhanang responsableng
Ipagtanggol ang alaga kung ano man ang mangyari
Ito’y hindi kagaya ng pelikula sa pag-arteng
Pipili pa ng artista kung may ambang pangyayari.
Sana nama’y malinaw na sa dilag na si Kampupot
Kung hindi pa, baka naman nalalanta ang talulot
Kailangan mo’y abonong pang-unawang tanging gamot
At bukas na kaisipan malawak at di maramot
Kaya naman kung nasukol umamin na at yumukod
Ikaw na lang ay bumawi kung paksa pa na susunod.
kampupot says:
SAMPAY-BAKOD ANG GUMAGANAP
Hardinero, tatay, nanay at ang tsuper na ehemplo
Ay tantuing hindi halal ng balanang mamboboto;
Ang presidente, kongresman at senador sa senado,
Lingkod-bayang ang naghalal ay botanteng Pilipino;
Tunggilang na halimbawa ng marangal na katalo
Ay malayo sa usapang kay Ondoy na ipuipo!
“Pumili” sa “Gumaganap” ay siya kong tinutumbok
Na dapat ay nakapili ng gaganap na di bulok;
Ang pinuno ng gobyernong gumaganap ay marupok
Sa tungkuling dapat sana’y ginaganap nang marubdob;
Mga “botanteng” pumili sa tungkulin ay nagluklok —
Sinisisi kong tahasan mula paa hanggang tuktok.
Di ko ibig paratangan ang katalong manunula
Na ang kanyang katuwiran ay bunga ng utak-biya;
Mahayap man kung mangusap ang may bitak niyang dila,
Di ko hangad na patulan ang ga-dali niyang diwa;
Huling linyang pahatid kong may anghang na talinghaga:
“Ang makatang pipitsugi’y sampay-bakod na makata!”
renz says:
HULING PUNTO
Talinhaga na ginamit ng magaling na makata
Ay bunga ng pagkapoot aba bakit naman kaya
Hindi mo ba nababatid BlogTalasa’y pambalana
Hatid nito ay ang aral matunghayan nitong bata
Ang katwirang hinahabi ay pili lang na salita
Hindi bunga nitong poot at sanga sangang dila.
Kataloy ko’y huminahon at ang diwa ay ituon
Sa paksa na nakahain nanghihingi ng opinyon
Mangatwiran ng mahusay kung madapa ay bumangon
Hwag namang magmumuryot kung ikaw ay nasusukol
Kapag ganyan ang ugali saan kaya na hahantong
Isa ka rin sa problema nanghihingi ng solusyon.
O sya sige, sige na nga, sa pagpili ay namali,
Nitong lider na nagpilit nagkukunwang kumandili
Ang punto nga’y naroon na sa trono’y nagmamay-ari
Nang si Ondoy ay manalasa hindi mo ba nawawari?
At ang tanong, uulitin ko kanino ba isisi
Nagpabaya ba ay ang bayan o ang lider sa diskarte?
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Ang mga komentong nakalathala sa blog na ito ay personal na opinyon...
Tungkol sa pagpapatuloy sa pagka-Pangulo ni Gloria Arroyo hanggang sa 2010
Executive privilege vs people's right to know
Tungkol sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal
Tungkol sa tampuhan at muling pagkikibuan ng dalawang nagmamahalan
Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy'
Tungkol sa demokrasya sa Pilipinas at pagpanaw ni Pangulong Corazon Aquino
Tungkol sa planong pagtakbo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente sa halalan sa 2010
Tungkol sa kung sino sa mamamayan o pamahalaan ang may higit na kapabayaan sa panahon ng kalamidad
Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas
Tungkol sa positibo at negatibong bunga ng media sa bansa
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact