affiliate_link

MGA DAHON

NG PANGARAP

BLOGTALASAN NG KATWIRAN

Paalam, Cory… Paalam, ‘Democarcy’


Sa muling pagkagising ng kamalayang makabayan sanhi ng pagpanaw ng dating Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino, ningas-kugon ba lamang ito – o patuloy na mag-aalab sa puso at diwa ng sambayanang Pilipino?

royalblogger says:

NINGAS-KUGON TALAGA!


‘Ningas-kugon’ sa tingin ko’y akmang-akma’t naaangkop

Sa ugali nating Pinoy na mababaw ang pag-irog

Sa diwa ng kabansaan at mabilis makalimot

Sa panatang binibigkas mula pa sa pagkamusmos

Ilang ulit bang babangon ang bayani’t malulugmok

Bago tayo magkapusong bandila ay ibantayog?


Jose Rizal, Bonifacio, Jacinto at Lopez Jaena

Mabini at Aguinaldo, Burgos, Gomez, at Zamora

At iba pang kapwa nila bayani ng bayang sinta

Buhay nila’y inialay sa ngalan ng demokrasya

Mga tao’y nagsiaklas at nang maging malaya na

Sa kuko ng mga dayo ay balik sa kanya-kanya.


Kanya-kanya, nalimutan ang magandang simulain

Ningas-kugon! Sa umpisa palagi lang magagaling

Pag lumaon, sila-sila, kayu-kayo, amin-amin

At ang bansang lumaya na’y sikil pa rin at alipin

Hindi na nga ng banyaga kundi kapwang ganid, sakim

Mga bwitreng nagpasasa nang maluklok sa tungkulin.


Ningas-kugon! Nang si Ninoy ay barilin, buong bansa

Kalooban ay nagpuyos kasabay ng pagluluksa

Ningas-kugon! Nang si Erap pagbintangang nagkasala

Ay nagsipagmartsang muli sa Edsa ang taong madla

Ningas-kugon! Ngayon naman, ang lahat ay lumuluha

Pumanaw si Tita Cory na pag-asa ng paglaya!


Pagkatapos na malibing si Cory ay ano ngayon?

Kasama bang malilibing ang prinsipyong pinagtanggol?

Ang simbuyo ng damdaming malaon nang kinukuyom

Sa kalye ay naisigaw sa paghatid hanggang pantyon

Magpatuloy kaya itong nag-aalab hanggang yaong

Mga corrupt sa gobyerno’y mangalipol? Ningas-kugon!



cadena_de_amor says: 

LAGING MAY UMAGA


Kung meron mang kasabihang Pilipino’y ningas-kugon,

Linsil itong sabi-sabing hindi ako kasang-ayon;

Lahi tayong may prinsipyong masabuyan man ng alon,

Nakahandang sumagasa sa marahas na daluyong;

Kapag tayo’y binusabos — nagpupuyos ang hinahon,

Sugatan mang nakalugmok ay magiting na babangon.


At sa ating pagtatanggol na may sigla’t bagong lakas,

Limbas tayo kung pumuksa sa kaaway na marahas;

Diktador man ang mag-utos ay di tayo naduduwag

Na mag-alsa’t makibakang sa tirano’y sumalungat;

Hindi ito ningas-kugon kundi laging may lagablab

At apoy na manunupok kung magsamang mag-aaklas!


Kumalat ang munting apoy nang si Ninoy ay mamatay,

Lumaganap ang himagsik ng nasaktang mamamayan;

Ningas itong nagpatuloy at di apoy na nasubhan,

Nang si Ferdi at Imelda’y isuka ng Malakanyang;

Di kasi nga, ang pithaya nitong masa’y nagtagumpay,

Tita Cory: presidenteng may ningas ng pagmamahal.


Sa maapoy na pag-ibig nagsumikap si Corazon

Na buuin ang nawasak na dibdib ng ating nasyon;

Nguni’t noon ay may hudas at pilatong sangkabuntong

Nagkanulo’t naging sagwil sa marangal niyang misyon;

Gayunpama’y di naampat ang pagsulong na maapoy

Na itayo ang nabuwal na gobyerno ng kurapsyon.


Sa lumipas na dantao’y nagningas-kugon ba tayo —

Nang si Ninoy ay masawi at si Cory magpangulo?

Kung meron mang mga kurap na opisyal ng gobyerno,

Ay di ito katuwirang lahat tayo’y ningas-bao;

Ang puntod ni Tita Cory ay maalab na prinsipyo:

Daratal din ang umaga sa lipunang-Pilipino!



kampupot says: 

HINDI NINGAS-KUGON


Pagpanaw ni Cory ay masusing bugtong

Na ibinabadha ng komento’t tanong:

Ito ba’y simula o idinurugtong

Sa pinagpagurang marangal na misyon?


Mula nang masawi si Ninoy Aquino

Sa kamay ng imbi’t diktador na tuso;

Naantig ang baya’t madlang Pilipino’y

Nag-iwi ng suklam sa lisyang gobyerno.


Ang ngitngit ng baya’y sumabog sa Edsa

At di napigilan ang pakikibaka;

Kapayapaan man ang tangang sandata

Ay nagrebolusyon sa simpang panata.


Nang sumimpatiya itong buong bayan

Sa angkang Aquinong winalang-pitagan;

Ang balo ni Ninoy ay “Inang” hinirang,

“Tita Cory”—naging Pangulong kay inam!


Ang ningas ng kanyang ilaw ng pag-ibig

Ay tinaglay niya magpahanggang langit;

Gunita ng kanyang pita’t pananalig

Ay mananatiling dakila’t malinis.


Salamat sa iyo, sintang Tita Cory,

Sa halimbawa mo at gawang mabuti;

Paninindigan mo ay mananatili

Sa puso ng iyong bayang kinakasi.


Di ka balatkayo, di ka ningas-kugon,

Sa iyong pahayag na inihimaton;

Inalipusta man ang banal mong layon,

Sa pagkadakila ikaw’y nagpatuloy.


Kami naman ngayong mga mamamayan

Ay namamanatang bakas mo’y susundan;

Hindi ningas-kugon kaming susumbatan,

Tulad sa maraming pulitikong hunghang!



cadena_de_amor says:

SA NINGAS NI CORY


Salamat, Kampupot, sa iyong pagkatig

Sa tinindigan kong makataong panig;

Ningas ng puso mo’y abot hanggang langit,

At di ningas-kugon ang iyong pag-ibig.


Mayuming Kampupot, ikaw’y optimista,

Ang tinatanaw mo’y ningning ng pag-asa;

Ayaw mong panigan yaong pesimista

Na ang kaurali’y ampaw na umaga.


Hindi ningas-kugon itong ating lahi,

Kasipagan nati’t katataga’y tangi;

Ang katuwiran mo’y mataas ang uri,

May katarungan kang hindi mababali.


Nakahihiya mang sabihin sa tao

Ang ipinahayag ng ating katoto;

Nang si Royal Blogger ay madesperado,

Ningas-kugon lang daw tayong Pilipino.


Sa puntod ni Cory, ito ay pagdusta

At pagyurak na rin sa kanyang gunita;

Ang libing ng dating pangulo ng bansa,

Ay di ningas-kugon sa puso ng madla.


Apoy ng pag-ibig ay di namamatay,

Sapagka’t biyayang mula sa Maykapal;

Bagong demokrasyang nasa ating kamay,

Kay Cory at Ninoy — ningas ng parangal!


Royal Blogger, pa’nong naging ningas-kugon

Ang napugtong buhay sa mabuting layon?

Maging si Kampupot ay di kasang-ayon

Sa lugmok mong diwang hindi makabangon!


Cadena de Amor akong tanikala

Ng puso’t pagsuyong hindi mawawala;

Kami ni Kampupot ay nakatingala

Sa ningas ni Cory na mapaghimala.



tagapamagitan says:

PATALASTAS MUNA


Kay Kampupot, kay Cadena de Amor at mambabasa

Ako muna ay sisingit, may hatid na paalala,

Na kabilang sa nabanggit sa anunsyong PAANYAYA

Gawin sanang labing-anim na pantig ang bawa’t linya.



royalblogger says:

NEVER AGAIN (NA NAMAN!)


Matapos na ipahayag ang tugon sa katanungan

Balak sana’y isantabi ang panulat nang tuluyan

Sa pag-asang malinaw na ang hayag na katuwiran

Na tunay na nagaganap ang matibay na sandigan

Akin ngayong napagtantong hindi ningas-kugon lamang

Ang iba sa ating kapwang pundido ang kaalaman.


Si Cadena de Amor ba’y matapat sa sinasabi?

Naghahanap ba ng away? O mahinang umintindi?

Siya ba ay bulag lamang sa totoong nangyayari?

O kagaya ni Kampupot, optimistang walang silbi?

Kung ugaling ningas-kugon ay tigasang itatanggi,

Pakisagot: Bakit hanggang ngayo’y walang nangyayari?


Bakit walang nangyayari sa usaping binulatlat

Sa Senado, sa hukuman at sa midyang nag-uulat

Hinggil sa kaydaming kasong pagnanakaw, pangungurap

Pagpaslang, paglapastangan sa dangal ng bayang liyag?

Hello Garci controversy, ZTE Deal, tangkang CON-ASS,

Fertilizer scam at unsolved murders ng mamamahayag?


Ito’y pawang nandidilat at ilan lang halimbawa

Kung paanong taumbayang natutulog sa mantika

Sa twi-twina’y nagigising, nagngangalit, nagwawala,

Sinisisi’y Malakanyang, Kongreso ay kinukutya

Nguni’t paris ng video ni Doktor Khong salaula

Interes ng Pilipinong ningas-kugo’y lahong bigla.


Ganyang-ganyan, o Kampupot at Kadenang amor proprio,

Ang nangyari nang barilin si Ninoy sa kanyang ulo

Indignasyon ng balana’y narinig sa buong mundo

At sa Edsa ay bumaha ang galit ng Pilipino

“Never Again!” ang panatang binitiwang masimbuyo,

Ang kamao’y nakataas, nagdamit pang kulay yelo.


“Never Again!” Naman! Naman! Si Arroyo naman ngayon

Umaastang diktador din, ang puntirya’y konstitusyon,

Marami ang tumututol, kabilang si Cory roon,

Na kung kelan pumanaw na’y saka muling nagbabangon

Ang Pinoy na sumusumpang (again?) laban itutuloy

Ang Pinoy na aminin ma’t hindi’y sadyang ningas-kugon!



cadena_de_amor says:

BUONG BAYA’Y NAG-IILAW


Naghahanap si Roy Blogger ay kita ang hinahanap,

Bulag siyang nag-aakay sa kapuwa nabubulag;

Ano raw bang nangyayari: bakit siya’y di magmulat

Ng paninging may kulaba na sagabal sa liwanag?

Ang masamang panaginip at ang multong alimpungat

Ay lisanin na sa kama…mga mata ay idilat.


Kung talagang siya’y royal at may angking panghalina,

Bakit hindi maramdaman ang nabawing demokrasya?

Ang hirap ng buong baya’y di ba niya nakikita —

Dugo’t buhay ang puhunan ng lipunang nakibaka?

Nang si Ninoy ay patayin, di ba binhi’t naging bunga:

Napalayas ang diktador at ang ginang na buwaya?


Nalason si Royal Blogger ng isipang negatibo

At ang budhi’y iniinis ng madilim na impyerno;

Ang katagang “Never Again!” kumurta sa kanyang ulo

Na ang mga kababayan at kalahi’y sakripisyo;

Salaulang kaisipan sa kurapsyon ng demonyo

Ay hagupit sa kawawang sambayanang Pilipino.


Sa kongreso’t sa senado’y ang usaping dinalumat

At ang midyang may tungkulin sa matinong pag-uulat;

Mga kasong pagnanakaw, Hello Garci, saka CON-ASS,

Fertilizer na tiwali’t dyurnalistang walang bukas;

Kung di pa man maresolba, Royal Blogger ay di dapat

Na mawalan ng pag-asa’t mamatayan na ng ningas.


Kasalanan ng pangulo at iba pang kaalyados,

Sa mayoryang mamamaya’y hindi dapat ihambalos;

Inihalal natin sila nguni’t sila ay busabos

Ng salapi’t politikang naglipana sa bulaos;

Gayon pa man, itong baya’y hinding-hindi napapagod,

Patuloy ang pagniningas: laba’y di pa natatapos.


Sa puntod ni Tita Cory at malungkot na pagpanaw,

Ang usapang ningas-kugon dito’y aking nililinaw;

Ningas ay di maglalaho sa damdaming makabayang

Nakatanaw sa pag-asa ng lupaing tinubuan;

Kasama ko si Kampupot sa pagharap sa Silangang

Buong baya’y nagniningas at lalaging nag-iilaw!



kampupot says: 

HINDI “GOODBYE DEMOCRACY!”


Ang panulat ni Roy Blogger hindi dapat na isalong,

Di magandang sa usaping mahalaga’y urong-sulong;

Ang silakbo ng damdaming diwa niyang inaalon

Ay mabuting pakawala’t nang masapit ang hinahon;

Kung tapat sa sinasabi, argumento ay ibangon,

Nang di siya maturingang manunulang ningas-kugon.


Ako raw ay walang silbing Kampupot na optimista,

Gayong aking nilalayong siya’y bigyan ng pag-asa;

Wikang pawang panunumbat, paninising walang kwenta

Ay baliw na diyalogo ng bandidong pesimista;

Sino nga bang ningas-kugon kung ang bansa’y nagdurusa,

Namumuno ba o bayang ang baluti’y makibaka?


Pagyao ni Tita Cory, ang marubdob na damdaming

Makabayang-makabaya’y naramdamang lahat natin;

Bawa’t isa’y namanata ng marangal na hangaring

Mga bakas ni Corazon ay masuyong talimahin;

Hindi “Goodbye democracy” ang panghuling tagubilin,

Kundi “Itong demokrasya’y patatagi’t pagyamanin!”


Hindi ito ningas-kugon na katulad ng paratang

Ng tiwaling Royal Blogger na rebelde ang isipan;

Ang atake sa gobyerno ng pinunong tampalasan

Ay di dapat iatake sa naaping taumbayan;

Sila’y mga ningas-kugong opisyales na marawal,

Mamamayan ay may pusong umaapoy gabi’t araw.


Bunying Cadena de Amor pahatid ko’y pasalamat,

Pagka’t abot ng isip mo ang malalim na pahayag;

Nagkataong tayo kapwa’y may biyaya ng liwanag

Na tumanglaw sa maraming ningas-kugong nabubulag;

Kahi’t ako’y Kampupot lang na dungo pa kung mangusap,

Alagad ni Tita Cory at ng pusong nagniningas.



royalblogger says:

BIGLANG INIT, BIGLANG LAMIG!


Sa dalawang nagtutulong maigupo at matibag

Ang panig ni Royal Blogger, labis akong nahahabag

Sila itong mata’y pikit sa tunay na nagaganap

Nabubuhay sa pantasya’t nangangarap kahit dilat

Pesimistang binansaga’y realistang nakamulat

Testimonyang di matanggap, mapait na realidad!


Kay Cory ay wala akong masasabing di maganda

Buhay niya’y inialay sa ngalan ng demokrasya

Habambuhay tatanawing gintong lantay na pamana

Ang ningas ng kanyang pusong lalagi sa alaala

Nguni’t itong paksa nami’y di patungkol sa kaniya

Kundi sa ‘ting Pilipinong naiwan sa pagpanaw nya.


Pilipinong nagsimulang sa Asya ay nangunguna

Nguni’t ngayon kulelat na’t naghihirap pa ang masa

Pilipinong nauna ring sa dayuhan ay nag-alsa

Upang kamti’y kalayaan, Pinoy ngayon ang dayo na

Sa Singapore, Brunei, Hongkong, Saudi, Europe, Amerika

Binebenta ng gobyerno, alipin na’y alila pa.


Sabihin nang negatibo ang ganitong sinasabi

Hindi pa rin magbabago ang kanitang reality

Busabos ang ating bansa at iyan nga ay di kasi

Di kasi nga’y ningas-kugon ang sa ati’y mas marami

Biglang siklab ng damdamin nang mabyuda na si Cory

Biglang lamig, bigla muling liyab nang sya’y mag-R.I.P.



cadena_de_amor says:

SUKDANG DIBDIB AY MAGIBA


Di ko ibig makasakit at gagahin nang tandisan

Ang sinumang makatalo sa magandang BlogTalasan;

Nagkataon lamang ngayong ang tindig kong pinanigan

Ay panig din ni Kampupot sa maningas na larangan;

Si Roy Blogger ay di namin sinasadyang matapakan,

At hindi rin kinukusang puso niya’y masugatan.


Gayon pa ma’y nabigkas ko ang masuyong pasalamat,

Pagka’t alam pala niya ang diwa ng realidad;

Batid niya ang hangad ko, minimithi’t sinisikap

Na ang ating kabansaa’y ipagbunying buong-ingat;

Ang taktak na ‘ningas-kugon’ ay balaraw na pantarak

Sa dibdib ng Inang Bayang buhay natin at pangarap.


Magkatambal na salitang ‘ningas-kugon’ ay masama,

Lalo’t ito’y ilalangkap sa dangal ng ating bansa;

Ang paratang, kung totoo — Oo, tayo’y nakahanda

Na tanggapin, masakit man, sukdang dibdib ay magiba;

Nguni’t ito’y hindi tunay — hampas itong lisyang-lisya

Sa damdaming-makabayang taglay natin sapul-mula.


Ang salitang ‘ningas-kugon’ unawain nang mataman:

Biglang-ningas, pagkatapos — tuluyan nang namamatay…

Sabihin ma’t di sabihin, Pilipino’y hindi ganyan,

Lahi tayo ni Dumangsil, Bonifacio, Recto’t Rizal;

Kung ang ningas ma’y manghina sa dahas ng salanggapang

Ay pamuling nagliliyab…sumasabog tayong bulkan!


Kataga ko’y kumakaway bago ako tumahimik

Sa pag-asang nakatulong sa madla ang abang panig;

Akong Cadena de Amor, tanikala ng pag-ibig,

Sa paksa ng BlogTalasan ay nagpitik ng panitik;

Royal Blogger, pahabol ko’t tagubiling isusulit,

Pinoy ay di ningas-kugon — dumilat man o pumikit.



renz says:

ANG TOTOONG NINGAS-KUGON


Ningas-kugon nga po kaya atin itong matatawag

Kung ang madla’y laging handa sa lansangan ay maghayag

Ng damdaming simbuyo ng pagmamahal at pagliyag

Sa bayan na minamahal kaunlara’y laging hangad?


Matatawag din nga kaya na ito ay ningas-kugon

Kung si Juan ay lumabas sa lansanga’y nakiayon

Makiisa ay sinikap dala ng pagkakataon

Kahit na nga kawalan pa ng kita nya sa maghapon?


Hindi nyo ba napapansin katoto ko’t mga igan

Kapag tao’y nagtipon na at lumabas sa lansangan

Narito na’t dumarating pulitikong kansasabay

Malaunan ay sila na itong bida sa umpukan?


Sa dami ng mga rally kung tawagin People Power

Makikitang mga Pinoy may maalab na damdamin

Nariyan lang upang lagi demokrasya ay sagipin

Sa sinumang salaula na magnais na tanggalin.


Ang totoo nga po lamang at kung bakit namamatay

Ang lagablab nitong apoy lagi sanang pinipundar

Mga taong nasa pwesto meron sanang kakayanan

Sila itong ningas-kugon kanya-kanya sa pagsagwan.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Pagtatanggi

Ang mga komentong nakalathala sa blog na ito ay personal na opinyon...


PGMA hanggang 2010?

Tungkol sa pagpapatuloy sa pagka-Pangulo ni Gloria Arroyo hanggang sa 2010


Executive privilege vs people's right to know 

Tungkol sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal


Pag-ibig at tampuhan

Tungkol sa tampuhan at muling pagkikibuan ng dalawang nagmamahalan


Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy'

Tungkol sa demokrasya sa Pilipinas at pagpanaw ni Pangulong Corazon Aquino


Noynoy for President

Tungkol sa planong pagtakbo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente sa halalan sa 2010


Trahedya ni Ondoy

Tungkol sa kung sino sa mamamayan o pamahalaan ang may higit na kapabayaan sa panahon ng kalamidad


Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas

Tungkol sa positibo at negatibong bunga ng media sa bansa

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link