BLOGTALASAN NG KATWIRAN
Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas
Higit bang nakatutulong o lalo lamang nakapipinsala
ang print at broadcast media sa Pilipinas?
Tagapamagitan says:
HAMON AT PANAWAGAN
Muli ngayong naghahamon, BlogTalasang nagtatanong:
Ang print at broadcast media ba (dyaryo, radyo, telebisyon)
Ay alin ang mas malaking epekto sa ating nasyon?
Serbisyo ba o perwisyo? solusyon o konsumisyon?
O di kaya, maganda ba o pangit ang bunga nito?
Positibo? Negatibo? Ano sa palagay ninyo?
Bukas na ang tabing nitong World Wide Web na entablado
Sa marunong mangatwiran nang patula, sali kayo!
Royal Blogger says:
MAS POSITIBO ANG EPEKTO
Kababayang minamahal, Pilipinas na kayganda
Ang handog ko ay pagbating umaapaw sa pagsinta
Sa BlogTalasang may tanong ang tugon ko ay iisa:
Serbisyo at di perwisyo ang mas hatid niyang media.
Iyang media maging radyo, telebisyon, peryodiko
Mas higit ang paglilingkod, serbisyo ay todo-todo
Halimbawa, twing mayroong parating na unos, bagyo
Media lagi nangunguna sa paglabas ng anunsyo.
Dahil dito mga tao ay may oras na maghanda
At sakaling may maganap na disgrasya at sakuna
Ang media ay naron pa rin, naghahatid ng balita
Panganib ay sinusuong, pati buhay nakataya.
Sa gobyerno kung mayroong anomalyang nagaganap
Print at broadcast media ang syang matatapang magsiwalat
Kabulukan ng opisyal at kawaning magkasabwat
Itago man sa publiko ay media ang maglalantad.
Kaya nga mas positibo ang epekto niyang media
mapa-print o mapa-broadcast, ang panalo ay ang masa
Ang tiwali sa tungkulin sa dyaryo ay di uubra
Sa radyo at TV buking silang corrupt ang konsyensya.
Renz says:
WALANG SAMA KUNG GAMITIN SA TAMA
Nang buksan ko itong website at ang paksa ay mabasa
Epekto raw nitong media sa tao ay ano nga ba?
Serbisyo ba o perwisyo dulot nito sa balana?
Sa pagsulong nitong bansa ay gaano kahalaga?
Sinikap ko na limiin sa abot ng aking isip
Negatibong hatid nito kung ang pakay ay matuwid
Wala yata ni isa man, walang samang makakamit
At tila ba piling paksa kung wariin ay one sided.
Maliban lang kung ang media sa mali mo gagamitin
Ang malayang talakayan abusuhin at bastusin
Perwisyo ngang masasabi, walang buti na kakamtin
Kung panira laging laman ng balitang hatid natin.
Kaya ako’y sang-ayon din sa tinuran ng makata
Royal Blogger, pananaw mo labis akong humahanga
At sino man ang kokontra sa panig mo ay babangga
Sama ako sa panig mo bilang tapat na kasangga.
Cadena de Amor says:
MEDIA – LIMIING BUONG INGAT
Sa masusing paanyaya ninyong Tagapamagitan
Ay nais kong makilahok sa sining ng BlogTalasan;
Yaong media ay malaking katulungan sa lipunan
At di sagwil o perwisyong balakid sa Inang Bayan.
Kailangan ng balana iyang mediang nakasulat,
Sapagka’t ang pagbabasa’y paghahanap ng liwanag;
Paggalugad din ng linaw yaong mediang nakabrodkas,
Kung matamang pakikingga’t lilimiing buong ingat.
Kapag wala yaong media’y saan tayo babalita
Ng maraming kaganapang nangyayari manding kusa?
Saan natin maririnig ang gobyernong salaula,
Saan natin ibabatay pagkukuro’t paniwala?
At sakaling mayroon ngang matitinding kalamidad
Na sa ati’y naghahatid ng pinsalang mabibigat;
Kung sasabog na ang bulkan, baha, kulog, bagyo’t kidlat,
Kailangan nati’y mediang may babalang ibibigkas.
Aruykuykuy says:
ANG HIGH BLOOD KO’Y TUMATAAS!
Aruy ko po! Aroy! Aray! Ang high blood ko tumataas
Sa katwirang inihayag ng naunang tatlong palpak!
Tila yata di binasa nang masusi’t buong ingat
Ang tanong na nakasalang, basta na lang nagsibanat!
Dyaryo, radyo’t telebisyon sa Philippines ang usapan
At di media bilang media sa lantay na kahulugan;
Sa Philippines ang epekto niyang media ay mas lamang
Ang imaheng negatibo, sagabal sa kaunlaran!
Araw-araw ang patayan, pagnanakaw, pandarambong
Pangungupit sa gobyerno, pandaraya sa eleksyon
Panghahalay, pangingidnap, pangingikil, pangongotong
Bubulaga sa mukha mo pagbukas ng telebisyon!
Sa radyo ang komentaryo at balitang maririnig,
Sa dyaryo ang bubulagang litrato at mga titik
Ay kung anong kaganapan ang mas bulok at mas pangit
Pagka’t ito’ng mas mabenta sa reading at viewing public!
Pero ano’ng nangyayari sa isip ng taumbayan?
Sa dami ng nababasa, naririnig, natatanaw
Na pulos na negatibong pag-uulat araw-araw
Pilipino ay manhid na sa ganiyang kahihiyan!
Ordinaryo na lang ngayon sa tingin ng Pilipino
Ang masamang ginagawa ng kapuwa nila tao
Di na sila nasa-shock pa ng alin mang iskandalo
Salamat sa responsableng telebisyon, radyo’t dyaryo!
Ganyan ba ang positibong epekto ng ating media?
Taga-media tanungin mo, ang sisisihin ay iba!
Sasabihing ang tungkulin ginaganap lamang nila…
At tayo pang mamamayan ngayon ang syang may diprensya!
Renz says:
ITURING MONG ISANG HAMON
Aruykuykuy, Aruykuykuy, tila yata naliligaw
Sa una ay kumokontra, sa huli ay nakisayaw
Hindi baga nabanggit na ang dulot na makakamtan
Kung balita’y lilimiin at di lamang pakikinggan?
Masama man o pangit man ang balitang naririnig
Kung isip mo’y nakatuon sa pag-unlad at positive
Hindi baga ito’y challenge para lalo kang magpilit
Pag-igihin ang sarili na’ng pag-unlad ay makamit?
Kasamaan ng balitang tinukoy mo Aruykuykuy
Tila baga suko ka na at ni wala ng ambisyon
Mas mabuting mag-isip ka at sandaling huminahon
At nang hindi ikamatay natamo mong alta presyon.
Huwag ka nang mahihiyang baligtarin ang katwiran
Baka naman kontra ka lang nang humaba ang usapan
Magagalak ang lingkod mo kung kami ay sasamahan
Na tumahak sa landas na hindi liko-likong daan.
Cadena de Amor says:
KATOTOHANAN ANG MAGPAPALAYA SA TANAN
Aruykuykuy, kailanpaman, bulisik ka’t kontra-bida,
Daig mo pa ang babaeng may blusa ma’y walang saya;
Ang presyon mong tumataas ay kaugnay ng bituka,
Pag sumumpong ang atake — nalilito sa pagbasa.
Pahayagan, telebisyon, saka radyo’y maliwanag,
Media iyang naghahatid ng balita at kalatas;
Ang utak mong negatibo ay may kampul ng apanas
At panganib sa lipunang nagnanais mamanatag.
Ang patayan, pandarambong at lantarang pandaraya,
Panlilinlang, pang-aapi, at Ingkong na nanggahasa –
Mga krimeng may parusa ang lipunan at tadhana
Na marapat na ihantad niyang mediang darakila.
Mga ito’y kung ganap nang maihantad sa lipunan,
Sa balanang mga tao’y magsisilbi itong aral;
Ang kriminal na madakip at ang sala’y pagdusahan,
Marami ang mag-iingat na di ito pamarisan.
Ang isip ng taumbayan ay di dapat na lasunin
Ng balitang pinaganda — bulok pala ang ilalim;
Ang kalatas na totoo, pagbalinga’t damhin natin,
At di mga propagandang pahayag ng sinungaling.
Hindi lahat ng balita ay masama’t negatibo,
May mabuting mensahe ring makikinabang ang tao;
Kasalanan ba ng media — telebisyon, radyo’t dyaryong
Katotohana’y ilabas at maghayag ng totoo?
Ang pagsasabi ng tapat ay di dapat ikahiya,
Katotohanan ang lakas! At paglayang inandukha!
Aruykuykuy, mag-isip ka, kung ang media’y mawawala
Baka ang alta presyon mo’y tumaas pa at lumubha…
Aruykuykuy says:
IBALING ANG POKUS SA MAS MAGANDA
Kasabihang ang isda raw ay sa bibig nahuhuli
Di na dapat pagtakhan pa kung sa mismong sinasabi
Nabubuslo si Cadena de Amor at mga kampi
Sina Renz at Royal Blogger na mahinang umintindi.
Mga krimen, ihantad daw upang hindi pamarisan
May parusa anyang handa ang hustisya ng lipunan;
Sa dami ng nabalitang notoryus sa kabuktutan
Bakit lalong dumami pa ang pusakal sa lansangan?
Hindi lamang dumarami, pabata pa nang pabata
Ginagaya napanood na modus ng matatanda
Sa nabasa’t napakinggan, musmos pa ay nagkadiwa
At sa media ang pagsikat ay tukso ring gantimpala.
Mas pangahas – wala itong pinipiling takdang oras
Aatake kahit saan - walang lugar na mas ligtas
Mas malupit, mas madugo, mas maraming mapahamak
Mas lalong pagpipyestahan ng media sa Pilipinas!
Mas panatag sana tayo kung balitang magaganda
Ang madalas naririnig, nababasa, nakikita
Ngunit hindi sinasabing mag-imbento iyang media
O maghayag ng di tama at magsilbing propaganda!
Kundi sana, dyaryo natin ang espasyo mas lawakan
At ang air time din sa radyo at sa TV mas lamangan
Ang coverage ng wika nyo’y magagandang kaganapan
May hatid na pakinabang sa halip na agam-agam.
(Wala akong sinasabing alisin na iyang media
At ako ay walang balak na isuko ang bandera
Lalong wala sa isip kong pumapel ng kontrabida
O usapan pahabain… Landas ninyo’y sa inyo na!)
Renz says:
KUNDI MEDIA AY SINO ANG MAGSUSUMBONG?
Ow! Talaga kay hirap nga, ang hirap mong intindihin
Katwiran ay saan kaya kinukuha’t nanggagaling?
Wari baga’y sustentado bulong ng masamang hangin
Lumulutang itong diwa, hindi kontrol ang damdamin.
Bakit nga ba ang gusto pa itong media’y suhetuhan
Piling mga pangyayari, ito lamang ang ibulgar
Mabubuti ang piliin ang masama’y kalimutan
Upang hindi malantad sa inosenteng mamamayan?
Kapag ganyan ang nangyari alam mo ba, Aruykuykuy
Manggagantso, mandarambong lalago pa’ng operasyon
Paano nga’y hindi bulgar at sino ang magkokontrol
Kundi media’y nagsisilbing sa gobyerno’y tagasumbong.
At ang mali mong nagawa paano ba itatama,
Kung hindi ka hahagilap ng papel at magtatala
Ibidensyang laging hanap sa husgadong magtataya
Sa kaso at mga krimeng ihahain sa Hustisya?
Kaya naman marapat lang ang balita’y isiwalat
Masama man o mabuti dapat lamang na malantad
Mamamaya’y matalino, kung manimbang ay parehas
Kung alin ang pipiliin at kung saan ay iiwas.
Sana nama’y unawa na ng katalong Aruykuykuy
Para naman matigil na sa matinding pagkakahol
Kundi nama’y ano kaya mabuti pang panghimaton
Sadya kayang natural na, kontrabida na kaypurol?
Aruykuykuy says:
NEGOSYO ANG MEDIA
Pangyayari’y wag piliin, ang media ay wag sagkaan
Hindi ganyang panukala ang tumbok ng panawagan
Kundi maging responsable ang media sa katungkulan
At wag maging tagakalat ng basurang kaalaman.
Kung tapat sa adhikaing ang bansa ay paunlarin
Kabuhaya’t industriya ang mas bigyan sanang pansin
Ireport din mga krimen ngunit wag nang pahabain
Pagka’t wala naman diyang pakinabang na kakamtin.
Bakit kapag may napatay, kaylangan pang idetalye
Sa balita ang malagim at madugong pangyayari?
Ibi-video pati bangkay, nanakawan ng privacy
Ang pamilyang naulila na mistulang celebrity?
Ang dahilan, Ginoong Renz, ay sapagka’t negosyante
Ang may-ari niyang media kaya ang mas importante
Ay bumenta dyaryo nila pag nilako na sa kalye
At tumaas din ang rating istasyon ng radyo’t TV.
Cadena de Amor says:
ANG TOTOO AY PALITAWIN NG MEDIA
Ang media ay responsable at marunong managutan,
May tungkuling mahalagang sa balikat nakaatang;
Ang balitang taglay nila’y kalatas na kailangan,
Hindi tumpok ng basurang aruykuykuy sa lansangan.
Mapa-krimen, mapunta man sa gobyernong salaula,
Kailangan ay detalyeng pansuporta sa balita;
Matungo man sa ekonom’ya — kabuhayang mabiyaya,
Mahalaga’y buong ulat ng balitang ninanasa.
Media’y walang pinipiling ipahayag sa lipunan,
Mabuti man o masama ay balitang kaagapay;
Aruykuykuy, hindi nila ninanais na habaan,
Yaong krimeng sa utak mo’y walang silbi’t pakinabang.
Ang paghaba at pag-ikli ng balita at kalatas
Ay ayon sa pangyayaring hinihingi ng pahayag;
Ano ka ba? Ang bintang mo’y parang bulok na bayabas,
Pakundangang pakunwaring sa lipuna’y balasubas.
Mabuti man o masama’y kung kailangang i-video
Ay di dapat na hadlangang katulad ng mungkahi mo;
Pagka’t dito makikita na ang balita’y totoo,
At di hungkag na balitang anti-mediang utak-tsonggo.
Minsan ko pang sasabihing ang totoo’y palitawin,
Balita man ng pag-unlad o balitang imbing krimen;
Walang dapat na kilingan — walang dapat na piliin,
Media’y dapat maging tapat sa pagtupad ng tungkulin.
Negosyante! Ang sumbat mo…baliw ka ba’t nahihibang,
Na dahilan sa negosyo itong media’y sasagkaan?
Ikaw, ako…lahat tayo — media’y dapat suportahan…
(Aruykuykuy, di ko gustong hamakin ka at sumbatan!)
Renz says:
APOY AT BULKAN ANG KAPARA
Batid ko rin ang layon mo at gusto mong ihiwatig
Natatalos ang isip mo na may mabuti ring nais;
Sino nga bang mamamayan ang hindi rin nasasabik
Mga tampok na balitang magaganda sa pandinig?
Ngunit bugso ng balita’y nais ko lang na ihambing
Sa paggawa mo ng apoy kapag ikaw’y nagsasaing
Ang usok at itong subo kahit na nga anong pigil
Maghahanap nitong butas, hinding-hindi masisikil.
At ganyan din itong bulkan kapag ito’y nahinog na
Ang init na tinataglay iniipon nitong pwersa
Sa delubyong ihahatid mas mabuting maghanda ka
Kaya banta ng panganib hatid agad nitong media.
Ang isa pa na matibay, bigyan kita ng example
Liwanagan ka ang nais o katotong Aruykuykuy
Doon po sa Maguindanao kung saan ba ay humantong
Ang mass grave na nabalita at ipinagluksa noon.
Mapipigil ba ang media na noon ay sumisigaw
Kung doon ay nakasama kapwa nila ay pinatay?
Kung sakaling at meron kang isang mahal na nadamay
Magpipigil kaya kita kung doon ka’y bubulahaw?
Aruykuykuy says:
NAKAKAPAGOD, ANG KUKULIT!
Salamat kay makatang Renz na layunin ko ay na-gets
At kay Cadena de Amor kahit siya’y sobrang kulit;
Mahirap bang intindihin na ang paksa ay may limit
Sa media ng Pilipinas na ang epek ay mas pangit?
Ang media nyong tinutukoy ay mediang pangkalahatan
Isang mediang sinasamba nang ideal at konseptwal
Ngunit itong paksa rito’y sa Philippines na kontekstwal
Na aminin man at hindi, salaula’t walang moral!
At sapagka’t walang moral at pera ang sinasamba
Kailanma’y walang laya sa pagpili iyang media;
Sa Philippines ang ulo ng balita ay laging dikta
Ng kung aling iskandalo ang mas higit na bebenta!
Kailan pa naging patas ang media sa bansa natin
Na ang bulok ng lipunan ang mas gustong halukayin?
Kailan pa mababago ang imahe ng Philippines?
Na natanyag sa korapsyon, terorismo at kidnaping!
Uulitin ko ang paksa nitong ating pagtatalo:
Media lang sa Pilipinas at epektong higit nito,
Hindi media sa pedestal ng matayog na prinsipyo
Na aruy ko! Ibang-iba sa Pinoy na dyornalismo!
Bago ako magpaalam, nais munang liwanagin
Media at di taga-media ang puntirya ng pasaring
Di lahat ng nasa media’y nasisilaw sa taginting
Ng salapi, marami ring may busilak na layunin.
Kaso, mga taga-media gaano man kadakila
Gaano man kabalanse sa paglikha ng balita
Patnugot ang may desisyon kung marapat ilathala
Ngunit media owner pa rin ang may pinal na salita.
Renz says:
ANG TINDIG AY ALANGANIN
Ang balitang nalathala sa desisyon ng patnugot
Iyan na nga ang usapan ngayon nating nilulurok
Wala naman sa katoto lumalampas nitong bakod
Ang epekto ng balita’y pilit lamang sinusuyod.
Ewan nga ba Aruykuykuy at di mo maintindihan
Kumikita sa media ay hindi ito ang usapan
Maari bang mag-focus ka sa balitang nilalaman?
TV, radio at ng dyaryo doon tayo nakatunghay.
At alam mo Aruykuykuy kay labo mo na kausap
Itong media’y binanatan at sa huli ay nag-retract
Aba naman tumindig ka ang punto mo ay ilahad
Alanganin ang tindig mo baka ikaw ay magladlad.
Muli’t muli’y sinasabi at ngayon ay inuulit
Ang epekto nitong media kung balita man ay pangit
Sa mali ka natututong ang baluktot maituwid
Kaya naman ituring mong aral dito’y makakamit.
At ang laman ng balita ayon sa yo’y walang moral
May ahensyang tumututok naatasan na gumabay
Ang balitang nabasa mo sinala na doon pa lang
Mananagot ang patnugot kung lalampas sa usapan.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Ang mga komentong nakalathala sa blog na ito ay personal na opinyon...
Tungkol sa pagpapatuloy sa pagka-Pangulo ni Gloria Arroyo hanggang sa 2010
Executive privilege vs people's right to know
Tungkol sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal
Tungkol sa tampuhan at muling pagkikibuan ng dalawang nagmamahalan
Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy'
Tungkol sa demokrasya sa Pilipinas at pagpanaw ni Pangulong Corazon Aquino
Tungkol sa planong pagtakbo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente sa halalan sa 2010
Tungkol sa kung sino sa mamamayan o pamahalaan ang may higit na kapabayaan sa panahon ng kalamidad
Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas
Tungkol sa positibo at negatibong bunga ng media sa bansa
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact