BLOGTALASAN NG KATWIRAN

Executive privilege vs people's right to know

​

Sa kaso ni Neri na tumangging sagutin ang ilang katanungan sa pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal, 

alin ba ang nararapat bigyan ng higit na pagpapahalaga: Pribilehiyong Ehekutibo ng Pangulo? o Karapatan ng Mamamayan na Malaman ang Katotohanan?

​

​

butsikik says:

HONESTY IS THE BEST POLICY!

​

Tuwina’y naririnig, “Honesty is the best policy!”

Maaga kong natutunan sa klase sa GMRC;

Pangaral ng magulang, pagsisinungaling ay iwaksi,

Mabuhay sa katotohanan at dignidad sa sarili!

​

Karapatan ng balana ang malaman ang totoo,

Kaya’t ‘di dapat magtago sa saya ng pangulo;

Kahit ano’ng pagtatakip ay sisingaw din ang baho,

Mabuti pang magnanakaw, sa tao ay ipagkanulo.

​

Posisyon ng pangulo ay takda ng mamamayan,

Pampublikong pwesto’t pag-aari ng taong-bayan;

Marangal na tungkulin kung halala’y walang dayaan,

Kaya’t dapat na pundasyon ay ibayong katapatan.

​

Kung walang kabulastugan, bakit matatakot?

Dapat ay magiliw pa sa mamamayan ay magreport,

Pribilehiyong ehekutibo ay tao ang nagdulot,

Kaya’t mahalagang ibigay sa kanila ang sagot!

​

​

aruykuykuy says:

HINDI LAHAT NG TOTOO KAILANGANG ISAPUBLIKO

​

Aruy! Aruy! Si butsikik, bumanat na, daplis naman

Walang dapat pagtalunan sa tinurang kasabihan

Honesty nga’y best policy ngunit ano’ng kinalaman

Sa malinaw pa sa araw na paksa ng BlogTalasan?

​

Pribileh’yong Eksekyutib kung masusing susuriin

Mahalagang ingrindyente sa pagtupad ng tungkulin

Hindi lamang ng Pangulo kundi kahit sinong lider

Ma-publiko o pribado, di pwede ang walang lihim.

​

Ang sikreto’y kailangan upang mapangalagaan

Ang relasyong pangkalakal at panlabas na ugnayan

Lihim na pangseguridad, sensitibong kaalaman,

Hindi pwedeng isiwalat nang basta lang sa lipunan.

​

Kung Pangulo’t gabinete, nagpupulong sa Palasyo

May bahagi ng usapang hindi para sa publiko

Ngunit hindi kahulugang ang bayan ay niloloko

Hindi komo di nakibo, dishonest ang isang tao.

​

Karapatan man ng bayan ang totoo ay mabatid

Hindi lahat ng totoo ay pupwedeng isa-public

Ang pagkain ng Pangulo, pagpaligo at pag-idlip

Totoo man, di na dapat busisiin pa ng Senate.

​

​

butsikik says:

MAY GUSOT LANG ANG INUUNGKAT

​

Ek! Ek! Ek! Ek! si aruykukuy ay nagpapatawa,

Singit ng singit, paksa ay hindi muna binasa;

Wala po akong sinabing lahat ay ibulgar nila,

Kundi bigyang liwanag ang sa ZTE‘ng anomalya.

​

Hindi ko po kinokontra ang kaniyang disposisyon,

Natural lang na may lihim ang isang organisasyon;

Nguni’t kung humihiling na ay ang mayorya ng nasyon,

Hindi baga’t pagtatapat ang tunay na solusyon?

​

Higit bang pahahalagahan interes ng dayuhan,

Hindi pwedeng magalit baka tayo ay pabayaan;

Demokrasyang sinasabi paano patutunayan,

Kung inaapi’t sinisikil ay sariling kababayan?

​

Di ko rin po sinasabi na si Neri ay dishonest,

Dahil ‘di naman nagsalita ang dapat ay star witness,

Nguni’t kung panunungkulan ay maayos at malinis,

Magsalita sa taumbayan ng pagdududa ay maalis.

​

Aruykuykuy paalala, hindi lahat iniuungot,

Di rin tinatanong ilang beses si Gloria umutot;

Inuungkat lang po ay mga transaksyong may gusot,

Utang sa taumbayan ang makatotohanang sagot!

​

​

aruykuykuy says:

NAHATULAN NA ANG KASO

​

Aruy! Naku! Si butsikik na ang tuktok ay may ek-ek,

Halata mong may kandado ang utak at one-way traffic

Sa usapin ng ZTE, Supreme Court na ang nagsulit

Kinatigan ay si Neri at ang Exec’tive Privilege.

​

Problema lang sa Senado, na nagsampa ng petisyon

Nasaktan ang amor propio, naghain ng bagong mosyon

Para bulatlating muli’t bigyang rekonsiderasyon

Mali daw ang Mahistrado! Senado ba’y mas marunong?

​

Sa palakasan, butsikik, kung palaging sinisisi

Kada sipaw, kada senyas ng “Foul!” ng tokang reperi

Walang larong matatapos, walang kampeong masasabi

Kasi, kapwa naglalaban, gusto’y sila tamang pirmi.

​

Saka naku! Wala na bang katapusang moro-moro

Ang paggisa sa ZTE maski tapos na ang kaso?

Gutom na ang taong bayan, may problemang mas seryoso

Importante ngayo’y bigas kaysa the public’s right to know!

​

May krisis di lang ang bansa kundi buong daigdigan

Kinakapos na sa ani, may banta ng kagutuman

Isiwalat man ni Neri ang lahat nyang nalalaman

Ang pagpila sa NFA, mas uunahin ng bayan!

​

​

butsikik says:

NALILIGAW NG LANSANGAN

​

Ek! Ek! Ek! Si aruykuykuy ay halatang nasukol,

Wala ng magandang maipuntos kaya nag-uungol;

Hindi po lahat ng legal ay siyang tamang hatol,

Ang higit na mahalaga’y katarungan ang matukoy.

​

Pinagtataluna’y alin ang mas may kahalagahan,

Executive Privilege o karapatan ng mamamayan,

Ngunit si aruykuykuy naliligaw ng lansangan,

Bigas at public’s right to know ang pilit tinitimbang.

​

Paano mababatid lantay na katotohanan,

Kung desisyong magsalita’y dadaanin sa botohan,

Kung si Erap pinabagsak sa sobreng ‘di pinabuksan,

Ngayo’y bakit pinipilit na si Neri ay busalan?

​

Kaya nga nagtatagis ng galing sa palakasan,

Ay ipinapakita lahat ng talentong taglay;

Hurado ay humahatol sa pagtatapos na ng laban,

Hindi sa umpisang ginagapos agad ang kaaway.

​

Aruykuykuy wag kang tumakas sa nakahaing paksa,

Alam kong maraming nagugutom, mga maralita,

Kaya nga’t kailangan ng si Neri ay magsalita,

Maresolbahan at matigil pagnanakaw sa madla.

​

​

aruykuykuy says:

KARAPATANG DI NAKABUBUSOG

​

Aruy! Naman… naman… naman…! Hindi ako nasusukol

Katunayan, lamang ako sa puntos kung ang hahatol

Ay di paris ni butsikik na ang I.Q. ay very small

Kinekenkoy ang katwiran pag wala nang maitugon.

​

Maliwanag ang sabi ko, may hatol na ang hukuman

Dahil dito’y mas mabuting ibaling ng pamahal’an

Ang atensyon sa mas lalong kailangan ng lipunan

At hayaang makausad ang bayan sa kaunlaran.

​

Kahit ga’no kahalaga na malaman ng publiko

Ang lahat ng anomalyang nasasangkot ang palasyo

Kung sa huli’y magugutom, maghihirap rin ang tao

Impormasyong nasiwalat, makakain baga ito?

​

Magtrabaho na lang tayo’t hayaan ang Presidente

Sa pagganap sa tungkulin, bigyang-luwag sa diskarte

Igalang ang prib’lehiyo sa Presidential Secrecy

Na kabilang sa pundasyon ng tunay na democracy.

​

Ating bansang nalulublob sa putik ng pulitika

Wag na sanang lunurin pa sa kawalan ng pag-asa

Karapatan ng publiko’y ginagamit lang ng media

Na ang kita’y kitang-kita sa paglikha ng intriga!

​

​

butsikik says:

HUWAG ITAGO ANG BAHO

​

Ek! Ek! Ek! Very small daw ang I.Q. ni butsikik,

Ayon kay aruykukuy na sa tulaan ay matinik;

Ngunit natuklasan ko sa aking pagsasaliksik,

Nais ni aruykuykuy, si Gloria ay mapatalsik.

​

Sinabi ko ito para sa madla ay maipagbilin,

Ito pong si aruykuykuy kung mag-isip ay balimbing;

Sa nakahaing paksa kung inyo pong susuriin,

Sala siya sa pwesto’t iba ang pinaghahambing.

​

Ayaw ko sanang lumihis sa paksa ng BlogTalasan,

Ngunit si aruykuykuy ay ‘di patas kung lumaban,

Sa paksa po ay maliwanag na ang pagtatalunan,

Executive Privilege o karapatan sa katotohanan.

​

Kanyang ipinipilit na ibinaba na ang desisyon,

Oo nga’t meron na, pero bayan ay nagtatanong;

Bakit hindi nila hayaang si Neri ay tumugon?

Katotohana’y wag supilin ng mga butihing hukom.

​

Karapatan daw sa totoo ay hindi makakain,

Pagtatago ba ng baho at maiitim na lihim

Ay pwede ring pamalit sa panghaing kanin?

Kumakalam na ang tiyan, isip ay tighaw pa rin.

​

Magtrabaho na lang daw tayo’t hayaan ang pangulo,

Huwag ng pakialaman pagnanakaw panloloko,

Presidential Secrecy‘ng nagtatago ng mga baho,

Democracy sa Pangulo, ang bayan ang uto-uto!

​

​

aruykuykuy says:

HIGIT SA PEOPLE’S RIGHT TO KNOW

​

Aruy-king-king! Si butsiking! Kinakapos na ng baon

Binabago ang usapan, lumang paksa’y nililingon

Ibang isyu, ibang sagot; bagong tanong, bagong tugon

Wag iligaw ang publiko! Tutukan ang takdang hamon!

​

Hamon dito’y maliwanag: Sa pagtestigo ni Neri

Sa Senado hinggil diyan sa kontrata ng ZTE,

Alin ba ang mas matimbang? Arroyo’s claim to secrecy?

O people’s right to be informed sa tunay na pangyayari?

​

Oy! butsikik, makinig ka: di kasali sa usapan

Kung dapat o hindi dapat paal’sin sa Malakanyang

Si GMA, lalong hindi saklaw ngayon ng usapan

Ang wika mo’y pagbalimbing ng isip kong niyurakan!

​

Kung mabigat sa puso mong tanggapin ang naging pasya

Ng Supreme Court na co-equal o kapantay na ahensya

Ng Pangulo at Senado - at Highest Court ang turing pa,

Mayron pa bang mas hihigit na qualified sa paghusga?

​

Uulitin ko, butsikik, kung di mo pa nasasakyan

Ang panig ko: Sa ZTE, mas higit na kailangan

Ng Pangulong makakakilos nang di nag-aaagam-agam

Na detalyeng sensitibo’y uungkatin pa ng bayan.

​

Sa ZTE - makinig ka! - higit sa people’s right to know

At paghanap sa hustisya, kung ikaw nga ay seryoso

Na lahat ng nasasangkot magdusa sa kalaboso

Wag sa Senate, sa hukuman magsampa ka ng reklamo.

​

Sa hukuman, matitimbang kung alin ang testimonya

Na hearsay o sabi-sabi, o may baseng ebidensya

Magkagayon, taumbayan, akusado’t nag-akusa

Sa search for truth and for justice, pantay-pantay na may tsansa!

​

​

butsikik says:

SA SENADO UMPISAHAN, TAPUSIN SA HUKUMAN

​

Sa wakas natuto rin si aruykukuy na sumunod,

At aaminin kong may puntos ang kaniyang mga sagot;

Nguni’t huwag naman siyang basta magpatianod,

Magbulag-bulagan sa dumi ng gobyernong buktot.

​

Hindi ko po kini-question ang hatol ng mga hukom,

Pangamba ko lamang ay tila wala pa sa panahon,

Paanong sa korte isasampa reklamo’t mga hamon,

Gayung ‘di pa nag-uumpisa, bibig ay pinapatikom.

​

Pangulo ang pinakamataas na pinuno sa bansa,

Malaking responsibilidad ng pangangasiwa,

Kung walang iregularidad, walang anomalya,

Bakit matatakot na sa publiko ay magsalita?

​

Paalala aruykukuy, hindi lahat ng hurado,

Ay sumasang-ayon sa pagkukubli ng mga baho;

Kung pantay ang karapatan, pagsalitain ang testigo,

Umpisa senado, sa hukuman tatapusin ang asunto!

​

​

aruykuykuy says:

IBA NA LANG ANG ATUPAGIN

​

Kay butsikik ay Salamat! sa puntos na kinilala

Tinitiyak ko rin naman na dilat ang aking mata

Tanggap ko rin na gobyerno ay lublob sa anomalya,

Na di lahat ng Hurado iisa ang naging pasya.

​

Sa panig na kinampihan at binigyang-pagtatanggol

Doon kami nagkalayo ang landas na tinutunton

Kay butsikik mas matimbang, public’s right to information

Samantalang Executive Privilege ang aking tugon.

​

Mahalagang isaisip na ang panig naming pili

Sa sitwasyon lang ni Neri at Senado natatali

Saksi kayo sa resulta, bansa’y lalong nahahati

Hindi na nga maresolba, problema pa’y tumitindi.

​

Mangyari nga, nakatuon ang pansin ng lahat-lahat

Sa nagmukhang teleseryeng pagbusisi’t pag-uungkat

Sa baho ng Malakanyang na press at media ang bundat

Imahe ng Pilipinas patuloy na winawasak!

​

Kaya aking uulitin, Senate hearing ay itigil

Mga bahong hinalukay, sa hukuman na lang dalhin

At sa halip na ang sikret ni GMA ang kudkurin,

Mga batas sa pag-unlad ng bansa ang atupagin!

​

​

renz says:

DAPAT MAKIALAM

​

Sadya akong nalilibang… Mainit na pagtatalo

Sa tagisan ng katwiran wala yata na susuko

Aruykuykuy at Butsikik pwede po bang makisalo?

Di mapigil ang sarili na magbigay ng komento.

​

Ugali daw nitong audience ng matamang nakikinig

Sa madaldal ng speaker na bida sa isang topic

Ang loob ay nakuha raw kung siya ay natahimik

Dili naman kung sya’y kontra bigla na lang na aalis.

​

Mainam nga kung si Juan, may ugaling nagtatanong

At maglinaw lalo pa nga’t isyu ay napapanahon

Hindi ba nga sa seminar at maging sa isang classroom

Ay masiglang talakayan kung lahat may partisipasyon?

​

Kaya nga at dapat lamang taong bayan ay malaman

Sa ngalan ng transparency mayro’n namang karapatan

Ang usaping ZTE deal kung ito ay legal naman

Walang dapat ikatakot Palasyo ng Malacanang.

​

Sa makatang nagtatalo lubos akong humahanga

Sa tagisan ng katwiran wala akong binabangga

Nais ko lang isiwalat ang dikta ng aking diwa

Di ko kayang manahimik sa ganitong mga paksa.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Pagtatanggi

Ang mga komentong nakalathala sa blog na ito ay personal na opinyon...

        

PGMA hanggang 2010?

Tungkol sa pagpapatuloy sa pagka-Pangulo ni Gloria Arroyo hanggang sa 2010

        

Executive privilege vs people's right to know 

Tungkol sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal

        

Pag-ibig at tampuhan

Tungkol sa tampuhan at muling pagkikibuan ng dalawang nagmamahalan

​

Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy'

Tungkol sa demokrasya sa Pilipinas at pagpanaw ni Pangulong Corazon Aquino

​

Noynoy for President

Tungkol sa planong pagtakbo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente sa halalan sa 2010

​

Trahedya ni Ondoy

Tungkol sa kung sino sa mamamayan o pamahalaan ang may higit na kapabayaan sa panahon ng kalamidad

​

Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas

Tungkol sa positibo at negatibong bunga ng media sa bansa

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link