BLOGTALASAN NG KATWIRAN
PGMA hanggang 2010?
Dapat ba o hindi dapat magpatuloy sa tungkulin
bilang Pangulo ng Pilipinas si Ginang Gloria Macapagal-Arroyo hanggang sa taong 2010?
royalblogger says:
DAPAT MAGPATULOY SA TUNGKULIN
Mapalad ang Pilipinas, may sariling konstitusyon
May prosesong sinusunod, kung tawagin ay eleksyon
Mahirap man o mayaman pantay-pantay sa paghatol
At pagpili ng luluklok bilang Pangulo ng nasyon.
Sa alin mang kompetisyon, kabilang na ang halalan
Hindi lahat nagwawagi, palagi nang may talunan
Kung sakaling di pinalad, tanggapin ang kapalaran
Irespeto ang desisyon ng bumotong taumbayan.
Ang pagiging Presidente ni Arroyo‘y naaayon
Sa batas at sa proseso kaya legal ang pundasyon
Nararapat patapusin si Arroyo hanggang taong
Two Thousand Ten sa tungkuling sinumpaan niya noon.
aruykuykuy says:
HINDI DAPAT MAGPATULOY SA TUNGKULIN
Aruy! Aruy! Aruykuykuy! Kahit ibig maniwala,
Komento ni royalblogger, di matanggap ng sikmura,
Na pag-upo ni Arroyo bilang Pangulo ng bansa
Ay dinaan sa proseso! Legal daw! (Di ba nandaya?)
Di bale na kung nandaya, nandyan na sya - pagtiisan!
Ang masakit, pandaraya’y di na yata lulubayan
Hello Garci, ZTE Deal, hanggang sa Fertilizer Scam
Diumano ay sangkot pa ang asawang First Gentleman!
Kung ako ang tatanungin ay higit na pipiliin
Ngayon pa lang, mag-resign na si Arroyo sa tungkulin
Hirap na ang ating bayan, maraming di na nakain,
Wag na sanang pagnakawan hanggang taong Two Thousand Ten!
butsikik says:
KAPAG PUNO NA ANG SALOP...
Katangian ng lahing Pinoy ang lubos na matiisin,
Masikap, matiyaga, malugod, at masayahin.
Di kagyat umaangal, kulang ma’y pagkakasyahin,
Marangal, makabayan, sa batas ay masunurin.
Ngunit kapag pag-abuso ay sumusobra na,
Dapat lang na putulin, salop ay kalusin na,
Pag-upo sa tungkuling sa dayaan nag-umpisa
At patuloy sa panlalamang sa maralitang masa.
Anim na taon ay maigsi sa pangulong naglilingkod,
Ngunit impyernong walang hanggan sa mangungurakot;
Ano’ng saysay ng pangulong saan ma’y binabastos,
Dahil moral na karapata’y inuuod na ng lubos.
Nabinbing katarunga’y katarungang ipinagkait,
Amo ni royalblogger kapit-tuko, ano’ng lupit,
Paaabutin pa ba ng Two Thousand Ten ang hagupit?
Malinis na gobyerno, sa dakilang Pinoy ibalik!
diakobulag says:
DAPAT NANG MAPUTOL ANG KANYANG ARAW
Pitong taong singkad na lipos ng kasinungalingan
Idagdag mo pa ang walang habas na katiwalian
Sa kamay ng ekonomistang dulot ay kasawian
Nagbigay sa Pinas ng angaw-angaw na kahapisan.
Nais ba nating magpatuloy ang buhay ng halimaw?
Nais ba nating humaba pa ang kanyang mga araw?
Hahayaan na lang ba nating tayo’y kanyang ipangaw?
Sa kadiliman na malayo sa liwanag ng araw?
Ang Hello Garci, ZTE Deal, at Fertilizer Scam
Pawang dulo lang ng higanteng iceberg sa Malacañang
Pilit itinatago sa nakasisilaw na wolfram
Ng Konstitusyong ang mabuting layunin ay naparam.
royalblogger says:
KAPAG WALANG MAISAING
Ito’y tugon sa komento’t pagtatanong ni butsikik
Na ako raw ay may among kapit-tuko at kaylupit
Presidente’y di ko amo, alay ko ay pagmamatwid
Lalo na sa katulad nyang nalalabuan ng isip.
Pilipinong matiisin, malugod at masayahin
May panahon sa pagpuna kapag iba ang may uling
Kahit tamad at gastador, pag wala nang maisaing,
Sa halip na magsumikap, gobyerno ang sisisihin.
Pangulo ang laging mali, ang sarili laging tama
Kaya tuloy di matuloy, asenso ng ating bansa
Magtrabaho na lang tayo pagka’t walang mapapala
Kung oras ay uubusin sa reklamo’t pagtuligsa!
Bakit? Sinong presidenteng naupo sa Malakanyang,
At sino pa ang luluklok na di hangad magpayaman?
Milyun-milyon kung gumastos manalo lang sa halalan
Natural lang, magbabawi, negosyanteng namuhunan!
Kaya naku, lubayan na ang labis na paghinagpis!
Wala riyan ang solusyon kahit bansa ay may krisis
Walang bigas? Di magtanim! May korapsyon?
Di alisin! GLoria, resign? Maghintay ka... Malapit na 2010!
butsikik says:
GLORIA, RESIGN NOW!
Kapal naman ng mukha ni royalblogger na sumagot,
Gayung bistado ng lahat na isa siyang asungot;
Ipinagtatanggol mo ay maninipsip, manghuhuthot,
Sa halip na mamuno’y gumagawa pa ng gusot.
Ano pala ang gusto mo, kami’y manahimik na lang?
Habang dinadaya, niloloko, inaapi’t, nililinlang,
Talamak na pandarambong, pagnanakaw sa bayan,
Kakapal, dadami sa pagkunsinti nyo’ng mga hunghang.
Katwiran mo katoto ko’y isipin ng isang mangmang,
Inamin mong negosyo ang pwesto sa Malacanang.
Kaltas sa sweldo ko’y buwis namang kinakamkam,
Concerned lang ako, ‘di tulad mong walang pakialam.
Paano kami titigil sa sabi mong pag-aalsa,
Gayung dulot ni GMA ay hirap at pagdurusa?
Mananahimik kami kung sa pwesto’y aalis siya,
Oust Gloria, Gloria resign now! Nang bansa’y umusad na!
royalblogger says:
PATATAGIN ANG DEMOKRASYA
Di lang pala ang isipan ni butsikik ang malabo
Pati kanyang pang-intindi, may lamat at hindi buo
Wala akong sinasabing tao’y magsawalang-kibo
Kung nais nyang makisangkot, kami nama’y magkasundo.
Kung paano makialam, diyan kami nagkaiba
Si butsikik - negatibo, sobrang high blood, nag-aalma
Masyado ring apurado at die hard na anti-Gloria
Di gaya kong mahinahon, magalang at antay muna.
Dapat nga bang si Pangulong Arroyo ay pagbitiwin?
Sa terminong sinumpaan, di na dapat patapusin?
May gusto ba’y taumbayan? Baka naman humihiling
Ay kalabang politicians? Palit-icians kung tawagin!
Di kasi nga, karamihang oposisyong nag-iingay
Sa Kongreso, sa Senado, sa kalsada, sa ralihan,
Malakanyang din ang target, pag naupo’y sila naman
Kaltas-buwis ni butsikik, iba na ang mangangamkam!
Demokrasyang umiiral sa bansa ay matatag lang
Kung batas at konstitusyon, sinusunod, ginagalang
Ang pagpili ng Pangulo, kung dinaan sa halalan
Ang pagpili ng papalit, sa halalan din idaan!
butsikik says:
PALPAK SI GLORIA
Ani royalblogger pang-unawa ko daw ay mababaw,
Ngunit kung susuriin, isip niya ang utak tungaw;
Nais niya’y magkasundo, makiisa at dumamay,
Tutulong ba ako sa pandaraya at pagnanakaw?
Hindi po negatibo si butsikik kung mag-isip,
Naninindigan lang po pag inaapi’t ginigipit;
Makakahintay ba ang sikmurang humihibik?
Sa Two Thousand Ten, baka bansa’y lubog na sa putik!
Hoy royalblogger, mag-isip muna bago magsalita,
Pagpapaalis kay GMA ay di bunsod ng politika;
Dating myembro ng kanyang gabinete ang nag-aalsa,
Pagka’t sila ang nakakaalam na palpak si Gloria.
Yaong mga presidentiables kung inyong mapapansin,
Tulad ni royalblogger, gusto tayong paghintayin;
Ayaw nilang malamangan bago mag-Two Thousand Ten,
Kaya’t maliwanag Oust Gloria!, bayan ang humihiling.
Katotong royalblogger huwag mo sanang kalimutan,
Unang upo ni GMA sa Malacanang ay pwersahan;
Hindi kataka-takang hindi siya iginagalang,
Pangalawang upo niya’y kay Hello Garci-ng paraan.
Demokrasya’y iiral kung may dignidad ang pinuno,
Matapat, kagalang-galang at may taglay na respeto;
Hindi po persona ni Gloria ang pinatatalsik ko,
Kundi ang kabulastugang dulot ng kaniyang pamumuno.
royalblogger says:
ANG LUMALAKAD NANG MATULIN...
Nakapuntos nang malaki ang katoto kong butsikik
Sa katwirang inihayag na matindi ang hagupit
Marahil ay inspirado sa mga fans nyang puro chicks
Kaya kusang bumabalong ang katas ng pag-iisip.
Ngunit hindi kahulugan nito’y basta susurender
Ang lagi nyang inaasar na kalabang royalblogger
Sabihin nang taumbayan ang may gusto at may hiling
Na si Gloria‘y patalsikin, bakit di mag-People Power?
Pano’ng magpi-People Power? Madlang people na’y nagsawa!
Dahil tuwing may tiwaling Presidenteng nasisipa
Panibagong naluluklok, magaling lang sa simula
Pag sa pwesto’y inugatan, mas matakaw, mas masiba!
Kundi naman mas masiba’y paano kung walang alam?
Masagana lang sa porma’t panlabas na kaanyuan?
Kasikatan sa broadcasting ang puhunang katanyagan?
Naku lalo nang kawawa ang kawawang taumbayan!
Baka sa kaaapura ni butsikik na takasan
Ang mainit na mantika ng sitwasyong kinalagyan
Sa lagablab ng panggatong ang malas na malundagan
Ganyan din ang ating bansang di tukoy ang hahantungan!
Mabuti pa samakatwid na maghinay-hinay tayo
Suriin nang masinsinan ang tatakbong kandidato
Kilalanin ang karakter, kapamilya, kaalyado
Pagsapit ng Two Thousand Ten piliin ang iboboto!
butsikik says:
PILIPINAS KONG MAHAL
Pahayag ni royalblogger, usal ng ’sang maginoo,
Ngunit di lamang po sa isip nanggaling ang puntos ko,
Yao’y mga saloobing nagmula sa aking puso,
Patunay ng pagmamahal sa pagka-Pilipino.
Imahe ng People Power ay winasak na ni Gloria,
Sa tunay na layunin ay gumuho ang pag-asa;
Ngunit Pinoy hindi takot na muling makibaka,
Di tulad ni royalblogger na nabahag ang buntot na.
Problema dangan kasi’y may daya, peke ang halalan,
Kaya’t mga nakapwesto’y di halal ng taumbayan;
Ngayon nama’y sasabihing nakalinya’y walang alam,
Magnanakaw at ignorante, aba’y parehong palitan.
Si butsikik di tumatakas di rin nag-aapura,
Nguni’t mula sa kumukulong mantika, tatalon sya,
Papunta man sa apoy at nakapapasong baga,
Ang solusyon ay supilin, ugat ng mga problema.
Kalunos-lunos ang maghintay lamang ng kamatayan,
Parang isang sundalong namatay ng ‘di lumalaban;
Kung si Gloria pa nakapwesto pagsapit ng halalan,
Paano makatitiyak, di mauulit ang dayaan?
Kung sa ospital ba pasyente’y emergency dumating,
Nag-aagaw buhay, sa kamatayan ay nakabitin,
Mamimili ka pa ba ng doktor na magpapagaling?
Ngayon nag-aagaw buhay, iligtas ang bansa natin!
tagapamagitan says:
PATALASTAS
Ako muna ay sisingit at saglit na papagitna,
Magbibigay ng tuntunin, maghahayag ng babala
Isang linggong taning na lang ang panahong itatakda
Para kayo’y makapag-post ng katwiran nyong patula.
Sa makatang hanggang dulo’y handang maki-BlogTalasan
Kung meron pang ibubuga, ang akin lang kahilingan
Gawin sanang mas maikli ang katwirang bibitiwan
Upang mga mambabasa’y lalo itong kagiliwan.
royalblogger says:
IGALANG ANG KONSTITUSYON
Ang hirap sa mapupusok na gaya mo, butsikekok
Kapirasong isyu lamang, tingin mo na’y gaga-bundok;
Problema sa Presidenteng usok lang na kakarampot
Pinalaki mong wari ba’y buong bansa natutupok!
Kung tunay mong minamahal ang pagiging Pilipino
Igalang ang konstitusyon at sundin mo ang proseso
Panunungkulan ng isang Pangulo ay may termino
Ang nagtakda’y may puso ring Pilipino na paris mo!
butsikik says:
WALANG PAKIRAMDAM
Katotong royalblogger, mukhang lahi mo nga ay royal,
Hindi mo nararamdaman paghihirap na pinansyal,
Mayorya ng mamamayan sikmura ay napapasal,
Kakarampot na usok lang ang tingin ng mga hangal?
Katwiran mong barado o kay hirap pagpaliwanagan,
Panunungkulan ng Pangulo mo’y likha ng dayaan,
Konstitusyon ay sagrado at hindi dapat sandalan,
Ng mga manloloko, mandarambong at kawatan!
royalblogger says:
PATATAGIN ANG PAMAHALAAN
Kung Saligang Batas nati’y ginagamit na sandalan
Ng wika mo’y manloloko, mandarambong at kawatan,
Sa halip na patalsikin ang Pangulo ba’t di na lang
Patatagin ang gobyerno, Konstitusyon ang palitan?
butsikik says:
WALANG TIWALA SA GOBYERNO
Sa kasalukuyang gobyerno walang tiwala ang nasyon,
Malamang mangibabaw na nama’y personal na layon,
Pagpapalit ng sistema ay ‘di pa napapanahon,
Patalsikin ang ugat ng gulo, yan ang unang solusyon!
royalblogger says:
UGAT NG PROBLEMA
Ang solusyon mo ngang iyan ang ugat ng gulong ito!
Si Erap din, pinatalsik! Ang napala natin, si Glo!
butsikik says:
NANG-AGAW NG PWESTO
Si Erap ay ‘di pinatalsik, inagawan lang ng pwesto,
Ngayo’y dapat patalsikin ang pangulong pang-gulo!
royalblogger says:
WEATHER-WEATHER LANG
Weather-weather lamang iyan; nanggugulo nama’y kayo!
butsikik says:
IBALIK ANG RESPETO
Ibalik ang respeto, alisin mandarayang pangulo!
royalblogger says:
INGGIT KAYO
Inggit kayo dahil talo!
butsikik says:
PANALO?
Mandaraya!!! Panalo???
tagapamagitan says:
PAGWAWAKAS
Kay butsikik, royalblogger, at iba pang nangatwiran:
Pinuputol ko na ngayon ang sagutang maaanghang
Taus-pusong pasalamat ang handog ng sambayanan
Sa hatid nyong kasiyahan at aral na natutuhan.
Sa iba pang nagnanais makapag-post ng komento
Bukas pa rin ang pahina ngunit di na obligado
Na isulat nang patula, pwede kahit papaano
Mahalaga’y ibahagi ang sariling kurukuro.
Muli, aking inuulit ang malaking pasalamat
Sa makatang nagsilahok at nagpuyat sa pagsulat
Gayon din sa inyong dito’y bumisita at nagbuklat
At matyagang sumubaybay sa tagisang walang puknat.
Hindi ko na huhusgahan ang nangagsipagtunggali
Lahat kayo, may katwiran, may hataw na matitindi
Paalala sa balana, iwaksi ang bawa’t mali
Piliin lamang ang tama. Paalam... Hanggang sa muli!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Ang mga komentong nakalathala sa blog na ito ay personal na opinyon...
Tungkol sa pagpapatuloy sa pagka-Pangulo ni Gloria Arroyo hanggang sa 2010
Executive privilege vs people's right to know
Tungkol sa kontrobersyang ZTE National Broadband Network Deal
Tungkol sa tampuhan at muling pagkikibuan ng dalawang nagmamahalan
Paalam, Cory...Paalam, 'Democracy'
Tungkol sa demokrasya sa Pilipinas at pagpanaw ni Pangulong Corazon Aquino
Tungkol sa planong pagtakbo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang presidente sa halalan sa 2010
Tungkol sa kung sino sa mamamayan o pamahalaan ang may higit na kapabayaan sa panahon ng kalamidad
Epekto ng print at broadcast media sa Pilipinas
Tungkol sa positibo at negatibong bunga ng media sa bansa
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact