TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

SALI KA, KABAYAN




Mula sa panulat ni

JOSEPHINE CASTELLTORT-JAYLO

Philippines


TANGING DALAWANG PAGPIPILIAN

 

Dalawang bagay lang ang dapat na laging pagpipilian

sa mundo kapag nagkamalay ka sa sangkalikasan,

sapagka’t sadyang dalawang uri at klase nga lamang

ang mga nilikha ng Diyos na laging magkasalungatan.


Langit at lupa, tao at hayop na lalaki at babae,

mabangis at maamong hayop, taong mabait at salbahe;

pinamuhay sila ng Diyos sa layuning magpakarami,

upang malayang piliin balang ibig sa salungatang makabubuti.


Sa paggising mo pa lang sa umaga di ba’y umpisa na,

kung tanghali kang gigising o mas dapat na maaga?

Paplanuhin ang gagawin, tatamarin o sisipagin ka ba?

Magiging masaya ka ba o malungkot ang mood na hahawa sa iba?


At sa maghapong magdaraan palagi ngang nasa pagpili ka

kung mag-aaral, makikinig ba sa guro, o mag-iingay lang ba?

Mga gawaing pang-araw-araw paano ninyo ba binibigyang halaga,

kinababagutan ba o pinananabikang muling gawin sa tuwi-tuwina?


Maging ating pagkatao ay kabuuan ng salungatang katangian,

maganda o pangit lang sa itsurang kaanyuhan;

masama o mabuti naman sa ugaling pangkalooban,

sabi nga maganda pero pangit ugali, pangit pero maganda kalooban naman.


Sinadya nga ng Diyos na likhaing sa dalawang uri nga lamang,

na tayo’y mamimili, magdedesisyon, maninindigan;

upang sa gayon Kanyang malaman at totoong masubukan

kung kanino tayo panig, sa Diyos ng Katotohanan ba o ng kasinungalingan?


Kaya sana habang tayo ay may buhay pang taglay,

tanging sa Diyos lang tayo humingi ng awa at gabay;

sa labanang pagpili ng buti o sama sa buo nating buhay,

lunggatiin natin Langit na pangako Niya para tayo magtagumpay.



Mga katha ni Josephine Castelltort-Jaylo na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link