TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

SALI KA, KABAYAN




Mula sa panulat ni

JOSEPHINE CASTELLTORT-JAYLO

Philippines


PAG-IBIG AY ANO NGA BA?

 

Kung pag-ibig na damdamin din lang ang pag-uusapan,

Bawa’t tao may kuwentong naaayon sa karanasan;

Bigyan pagkakataon lang silang dinggin kasaysayan

Ng kung paano niligalig nitong damdaming makapangyarihan.


Iba’t iba ang kulay at mukha nitong pag-ibig

Ang masasalamin natin sa buhay ng tao sa daigdig;

May masaya, malungkot, may dakila at malupit,

May mapagpalaya, mapang-alipin, walang tiyaga at makulit.


Kung sa pagmamahal na alay may tugon, masaya,

Kung di ka mahal ng iyong sininta, malungkot, manlulumo ka;

Mapalad ang magmahal na walang alinlangang naipahayag niya,

May tugon o wala, malaya’t walang pagsisising babaunin siya.


Sa larangan nga ng pag-ibig ay totoong kakatwa

Ang mga nagmahal na duwag ipagtapat ang nasa;

Pagka’t ang pag-ibig kung totoong sa puso nagmula,

Aapaw, aagos, hahanapin ang landas niyang kusa.


Dahil diyan maraming awit, tula, kuwentong nalikha

Ang mga taong naalipin nitong damdaming pag-ibig na sadya;

Yumabong itong ating sining sa inspirasyon at hiwaga

Ng pinakadakilang ginawa ng Diyos dito sa balat ng lupa.


Pero nilikha ng Diyos at sa Kanya nga’y nagmula itong Pag-ibig

Upang maging dahilan at layunin sa buhay ng tao sa daigdig;

Pag tunay at dalisay, mapagpalaya at di ka maliligalig,

Sa pagmamahal dapat uminog ang buhay at sa mundo’y ididilig.


Kaya nga sa takipsilim ng ating buhay habang naglalakbay,

Pinakamahalagang alaalang iiwanan natin sa pagpanaw

Ay ang uri ng pagmamahal na ating isinabuhay…

Makasarili? mapag-imbot ba? O tunay na dalisay?



February 25, 2005



Mga katha ni Josephine Castelltort-Jaylo na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link