TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

MINSAN PANG GINAHASA ANG KALAYAAN


Nagpaalam akong nangunguyakoy pa ang Itay sa hagdan,

Mistulang 'sang sanggol sa pagkakayupyop sa kawayang baytang;

Ang buntung-hininga'y agad na naparam nang mapagtanto n'yang,

Nababanaag na malaon nang mithing magkamal ng yaman.


Sa sama ng loob ang sinta kong Ina'y halos himatayin,

Pagka't di maatim mahal niyang bunso siya'y lilisanin;

Sa ibayong dagat maghahanap-buhay, magpapa-alipin,

Kapit sa patalim, may baka-sakaling lahat ay gagawin.


Sa'ming pagdarahop sakitin kong Ama'y nagmukhang gusgusin,

Katawa'y patpatin, kagyat na bibigay sa ugoy ng hangin;

Kakatwang siya'y bundat sa kadyot ng alak, salat sa pagkain,

Di natitigatig sa kahihinatnan ng bugtong n'yang supling.


At sa murang gulang ay pikit-mata kong tinanggap ang hamon,

Sa maghapong singkad, singhot, hikbi, hikab ang pantawid-gutom;

Sa buong magdamag 'pinanghihimagas ay bulyaw at sermon,

Hapdi ng bituka't kalam ng sikmura pa'no iaagdon?


Sa kasibulan ko ay pinagtangkaan taglay kong alindog,

At sa pagkabigla, nautas ko siyang sa laman ay hayok;

Sa'king panlulumo halos ay mabaliw sa pagkayukayok,

Sakbibi ng lungkot, walang kahulilip na panggigipuspos.


Nang mahimasmasan ay buong tapang kong hinarap ang pasya,

Taliwas sa alam ng nakararami, ako'y maligaya;

Nagagalak akong napaglabanan ko ang pighati't dusa,

Mamamatay akong may ngiti sa labi, may kislap sa mata.


Datapwa't himala ng langit at lupa, hatol nirepaso,

Tiyak na kamatayan natakasan manding taas pa ang noo;

Sa tulong ng Poon at ng busilak na pusong mga tao,

Dangal ibabangon, sukdulang marating ang dulo ng mundo.


Sa pagbabalik ko'y luha at ligaya ang aking nadama,

Sumalubong sa'ki'y sanlibo't sanlaksang tulad kong biktima;

Biktima ng hirap, ng lipunang hunghang, walang pang-unawa,

Kaylan matatapos, pagsasamantala't kawalang pag-asa?


Buhay ng buhay ko ay pinagpiyestahan ng buong lupain,

At pinag-agawan ng mga buwitre do'n sa puting-tabing;

Subali't, O Diyos, anong parusa ba itong daranasin,

Pati ba sa telon di makahulagpos sigaw ng damdamin?


Ugnayang-labas daw ng bayan kong mutya di dapat madusta,

Dapat daw ilihim sa kanugnog-pook ang panggagahasa;

Nguni't balintunang ayaw ipabatid sa bulag na madla,

Minsan pang hinalay iwing kalayaan sa sariling lupa!


 


Katha ni Eduardo M. Carpena na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link