TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

MAYO AT DISYEMBRE

ni Lamberto B. Cabual


Katapusan ng Kuwento – Pahina 6

    At sa upuang yaon, sa may punong-akasya, sa pagkukubli ng araw sa kanluran, sa pagtugtog ng orasyon, ay ganap na sumanib ang Mayo sa Disyembre. Ang nagbabalang dagim ng ulan sa tigang na bukirin ng Mayo ay tuluyang ibinuhos ng balumbon ng mga ulap. Pinaram ng Mayo ang lamig at hinahong taglay ng Disyembre. At pinagsaluhan nila ang di karaniwang timyas ng bagong luwal na pagsuyo.   


    Bago sila maghiwalay ay muling naghinang ang kanilang mga labi. Nasa gayon silang akto nang biglang humantad ang asawa ni Leo, si Helen.


    “Aha, ang magaling kong asawa,” malakas ang tinig ng maybahay ni Leo, “at  kaya pala ginagabi sa pag-uwi ng bahay ay may batang-batang kerida!”


    “Helen!” mangha ni Leo.


    “Sayang, guro ka pa naman na dapat maging huwaran ng iyong mga mag-aaral,” galit na galit ang ginang. “At ikaw, batang babae, na eskuwela yata niya, di mo ba alam na mawawasak ang kinabukasan mo sa lalaking iyan!”


    Walang kibong napatungo si Bheng.


    Matalim na tingin ang itinudla ni Helen kay Leo, “Sa bahay, Leonardo, pagkikita natin … magtutuos tayo!”


     Magsasalita pa sana si Leo, nguni’t biglang tumalilis si Helen. Sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.


    Sa pangingipuspos, napaupong nanlulumo si Leo, samantalang si Bheng ay umiyak nang umiyak sa dibdib ng itinatanging guro. 


    Sa kanilang mga puso’y gustung-gustong papaghugpungin nina Leo at Bheng ang malaking puwang ng kanilang panahon. Bakit hindi sila naging magkapanahon?—bakit  kailangang si Bheng ay maging Mayo at si Leo ay maging Disyembre? Bakit?     


    Hindi batid ng Mayo at Disyembre kung sa takipsilim ng kanilang lunting suyuan ay may umaga pang naghihintay! — 


Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link