TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

MAYO AT DISYEMBRE

ni Lamberto B. Cabual


Karugtong ng Kuwento – Pahina 4

    “A, basta’t mahal kita,” biglang niyapos ni Bheng si Leo at sa pagkakaupo ng guro’y inihinang ng dalaga ang kanyang mga labi sa mga labi nito.


    May daluyong na nag-alimpuyo sa dibdib ng guro na hindi napigilan. Sinalubong niya ng nag-aapoy ring halik ang mga labi ng magandang mag-aaral.  


    Pagkatapos ng simbuyong yaon ay pinagala ng guro ang paningin sa paligid. Salamat at walang ibang tao, nasabi niya sa sarili.



ANG  totoo, sa kabila ng mga pagbabawal ng guro sa iginigiit ni Bheng, ang pagtutol na iyon ay may bahid ng pagsisimpi. May hiwagang namumugad sa kanyang dibdib. May bugtong sa puso niyang di maihanap ng sagot.


    Dapat niyang aminin sa sariling mahal din niya ang maganda at masigla niyang eskuwela. Noon pa mang una niya itong makita at makilala ay ibig na niya itong suubin ng papuri, ibig niyang bumigkas ng isang malamyos na tula para sa binibini, palibhasa’y isa siyang makata at guro ng panitikang Ingles at Filipino.


        Ibig kong ibukas yaring abang puso

        Na bihag ng isang lihim na pagsuyo;

        Mag-aaral ka ma’t ako’y iyong guro,

        Nawa’y marinig mo ang piping pagsamo!


    Hindi niya magawa ang pagtulang iyon, baka pagtawanan siya, dahil sa agwat ng kanilang edad. Si Bheng ay Mayo, siya ay Disyembre. Nag-aalang-alang siya sa batambatang mag-aaral na itinitibok ng puso. Ang mga taludtod at rimang iyon ay nanatili na lamang na naglalatak sa kanyang kaibuturan.


    Ang lalo pang malaking dahilan kaya ayaw niyang patulan ang dalaga ay may pananagutan na siya sa buhay, bagama’t hindi sila nagkakaanak ng kabiyak sa loob ng dalawampung taong pagsasama. 



NANG binata pa si Leo ay ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang na ipakasal sa babaeng anak ng kumpare ng kanyang ama, si Helen. Halos magsing-edad sila nito. Hindi na siya tumutol sa mga magulang dahil nang makita niya ang babaeng gusto ng mga magulang ay hinangaan na rin niya ito. Ang isa pa’y ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang mga magulang. Laki siya sa tradisyon ng pamilya na ang anak ay walang tanung-tanong na sumusunod sa ginugusto ng ama’t ina.


    Gusto rin ni Helen si Leo, kaya naganap ang kasalan. Magkaiba sila ng propesyon ni Helen. Ang babae’y tagapagbalita sa radyo sa lokal na himpilan sa Lungsod ng Batangas, samantalang si Leo ay isang guro sa mataas na paaralan. Gayunma’y magkasundo sila sa mga unang taon ng kanilang pagsasama. 

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

MAY KARUGTONG >>>


Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link