TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

MAYO AT DISYEMBRE

ni Lamberto B. Cabual


Karugtong ng Kuwento – Pahina 5

    Ang hindi pagkakasupling ng mag-asawa’y naging sanhi ng unti-unting panlalamig ng kanilang buhay-may-asawa. Gustung-gusto ni Leo na magkaanak datapwa’t ang babae’y hindi mandin interesado sa gayon. Magandang babae si Helen, matangkad, at ang lalong makatatawag ng pansin ay ang magandang hubog ng katawan nito. Sa loob ng unang pitong taong pagsasama’y ayaw pang mag-anak, hindi niya nais na masira ang anyo ng balingkinitang katawan.  


    Sa pakiusap ni Leo ay pumayag na rin si Helen na mag-anak sa ikawalong taon ng kanilang pagiging mag-asawa. Subali’t ang kasunduang yao’y biniro ng tadhana. Sinabi ng doktor ng pamilya na si Helen ay hindi na maaaring magkaanak. May kapansanan siya sa matris at hindi maaaring magdalantao.


    Ang mga pangyayaring ito’y lubhang ikinalungkot ni Leo. Pumanaw ang pag-asa niyang magkaroon ng mga anak. Nalungkot din si Helen. Mula noo’y mag-usap-dili  ang mag-asawa, bagama’t hindi naman sila nag-aaway.  



“SIR, mahal mo rin ako, hindi ba?” nakatingin ni Bheng sa guro.


    Nakatungo si Leo, animo’y aliping natutop sa pang-uumit ng mahalagang bagay na pag-aari ng kanyang panginoon, animo’y bilanggong nadakip ng kanyang tanod sa tangkang pagtakas.


    “Huwag mong linlangin ang iyong sarili, Sir,” pagpapatuloy ng dalaga, “sabihin mo ang katotohanan.”


    “Magtigil ka,” pagmamatigas pa rin ni Leo. “Di mo ba alam na kung papatulan kita’y masisira ang buhay mo?”


    “Ano’ng halaga ng buhay kung wala ka?”


    “Dala ka lamang ng simbuyo ng damdamin, Bheng.”


    “Aminin mong mahal mo ako,” yumakap ang dalaga sa guro.


    Ang yakap na yao’y ginanti ni Leo ng kapuwa yakap, at sa kanyang mga mata’y gumilid ang luha. “Oo, mahal din kita,” tuluyan nang naglandas ang luha sa pisngi ng guro.


    Napaiyak din si Bheng, “Sir, mahal na mahal kita!”


    “Magtungo tayo sa upuan sa tabi ng punong-akasya,” kumalas sa pagkakayakap si Leo. “Kubli ang lugar na iyon, at walang makapapansin sa atin.”


    Kumalas din sa pagkakayakap ang dalagang mag-aaral, “Sige, tayo na.”

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link

MAY KARUGTONG >>>


Pahina  [1]  [2]  [3]  [4]  [5]  [6]

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link