ni Bert Cabual
Katapusan – Pahina 4
ngayo’y dahon ng taglagas ang katalik na maselang
at kayakap ang tagsibol sa marosas na lansangan;
kung sumapit ang taglamig at mapanot ang kahuyan,
bumabati ang tag-init sa santaong kasaysayan.
Bawa’t araw na lumipas ang tadhana ay may hamon
na ang bisig at isipa’y buong-sipag na ibangon;
kung mabuyo ang damdamin at madarang ang hinahon
ay may sumbat na darating sa pag-ibig na nalipol;
ang pagtahak sa kanlurang luha’t pagod ang binaon
ay perlas ding matutunaw kung sakmalin ng linggatong.
Maulap nga sa kanluran at ang araw ay malayo,
sa kay lamig na himlaya’y daming luhang tumutulo…
Nasaan ang aking inang karamay ko sa siphayo,
nasaan ang aking amang kung lumingap ay may biro?
ang kapatid, kaibigan, kamag-anak at kasuyo—
ang asawa, mga anak—parang bulang nangaglaho!
Mga buntunghininga ko’y naglalagos sa Silangan,
sabik ako sa pag-irog ng lupa kong sinilangan;
ang alabok sa nayon ko’y sabik ko nang matapakan,
mga bundok niya’t gubat—sa ang ibo’y may awitan;
nagigiliw na rin ako sa aliw-iw ng batisan,
sa kung ako’y tumutula—may himig din silang alay.
May London bang umiiyak sa pagluha ng paligid—
mayroon bang walang pusong lumilikha ng pag-ibig?
May lupa bang hindi kanya’y niyayakap sa pasakit,
at ang lupang kinagisna’y walang awang inuusig?
Kung dungo man ang panata ng may gapos nating isip,
pagbabalik sa bayan ko’y may pangakong bagong langit!
Tangi sa koleksiyon ng mga tulang nakapaloob sa aklat, ay naroon din ang Balagtasan na may paksang “Dapat ba o Hindi Dapat na Manatili sa London ang mga Filipino?” Mula nang ipanganak ang aklat na “Pangingibang-Lupa,” ang Balagtasang ito’y makailang beses na itinanghal sa mga pangmadlang palatuntunan sa pagtitipun-tipon ng mga Filipino sa London.
PAGLALAGOM
BAGAMA’T pagsulyap lamang ang ipinukol namin sa kahapon ng Balagtasan, di ito matatasahan ng mababang pagpapahalaga kung lilimiing ito’y pakundangan sa presensiya ng kasalukuyan. Kailangang sulyapin ang pinagdanan at tanawin ang haharapin upang makitang malinaw ang kinaroroonan ngayon ng pamanang Balagtasan ng Sisne ng Panginay, Bigaa, Bulacan.
Matino’t masugid na pagmamasid, pakikinig, pakikiramdam at pagbabasa ang bulaos at duluhan ng pagkamulat namin sa katotohanan ng paligsahan ng pagmamatuwid sa mga sukat na taludtod at mga dalisay na tugma.
Datapwa’t lalo pang makabuluhan ang pagsangkot. Sigla’t sigasig ito na kailangang may lakip na pag-uukol ng panahon, pagtitiis at pagpapakasakit. Alalaong baga’y pagsangkot na may galaw at walang humpay paggawa. Tulad sa pag-ibig at pananalig, ang pagsangkot na walang gawa’y patay na pagsangkot! Nakisangkot kami nang walang halong pagsisimpi at pagkukunwari sa paglilinang ng malalawak na bukirin at mahahabang tumana ng kahanga-hangang tanawin ng Balagtasan. Mula sa pagpapati-anod sa agos ng batisang nasa sinapupunan ng Inang Bayan hanggang sa pagsalunga sa alimpuyo sa ibayo ng aming pangingibang-lupa ay kasama at kasangkot kami sa paghawi ng ulap na dagim sa langit ng panulaang-Filipino.
PANANAW
DAHIL sa nalikha’t nahubog ang kamalayan namin sa pagtula sa pamamaraang hinabi ni Francisco Balagtas, hindi kami natangay ng pagbuhos ng baha ng Kanluraning malayang taludtod (free verse) sa dagat ng mala-banyagang panitik sa pagkatha. Nanatili kaming tapat na alagad ni Balagtas sa katutubong sukat at tugma ng tulang-Tagalog (Filipino).
Hindi nagmimintis ang matandang kawikaang “Nauulit ang kasaysayan!” Sa abang pananaw nami’y muli pang mamamayani ang tradisyonal na paraan ng pagtula, gayundin naman, minsan pang mapatitingkad at maibabalik ang dating kulay at dating luningning ng pagtatalo sa pamamagitan ng tula — ang Balagtasang panuob na kamanyang sa makatang hirang ng ating lahi...at pandaigdig na makata — si Gat Francisco Balagtas. —
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.