SALTIK-PANITIK

ni Bert Cabual

Balagtasan

TUNAY na sa paglipas ng mga dantaon ay buhay at umaalingawngaw pa ang tinig ng Balagtasan sa Pilipinas at sa iba pang panig ng daigdig. Hindi man singningning ng mga nakaraan, ito’y nasasaksihan pa sa entablado ng mga liwasang-bayan at sa tanghalan ng mga paaralan sa ating bansa. Sa Ibayong-dagat nama’y di nagpapabaya ang mga Filipinong nangingibang-lupa na magtanghal ng Balagtasang kamanyang ng ating pagkalahi. May website pang OFW-Ang Bagong Bayani na nagtatangkakal ng sining ng debate sa tula at pinamamatnugutan ng kaibigan naming Rafael A. Pulmano, isang makatang may lantay (kumbaga sa ginto) na pagkahilig at malasakit sa pananalunton sa mga bakas ni Balagtas. 

​

​

PAGSULYAP

      

MARAMI nang nagsulat sa paksang ito na nagkakaisang ang bahaging ito ng ating panitikan ay parangal sa kadakilaan ng Ama ng Tulang Tagalog na si Francisco Balagtas, ang unang makatang pumaimbulog sa tugatog ng katanyagan at nakaakyat sa pinakamayog na taluktok ng bundok-Parnaso. Mahirap nang pantayan ang tinamong tagumpay ni Balagtas sa pananaludtod ng imortal niyang tulang kasaysayang “Florante at Laura.” Nagbabadya ang  tipan ng kasaysayan na ang orihinal na Tagalog ng likhanggurong ito ay may salin sa iba pang wikain ng Pilipinas — sa Ilokano, sa Ibanag, sa Panggasinan, sa Kapampangan at sa Sinugbuwanon.  May salin pa rin ang matayutay na obra maestra sa wika ng ibang bansa — sa Aleman, sa Pranses, sa Ingles, at sa Kastila. Katotohanan at di maipagkakailang kinikilala at hinahangaan ang matalisik na aklat hindi lamang sa Pilipinas, manapa’y sa iba pang panig ng mundo. Mahihinuhang di lamang makatang  pam-Pilipinas si Francisco Balagtas, bagkus ay isa rin siyang makatang pandaigdig.  Kaya nga ba’t tumpak lamang na ilangkap sa pangalan niya ang pagtatalo sa larangan ng pagtula — ang ipinagtataas-noo natin na may harayang...“Balagtasan.”

​

Mababakas na bago pa nagkaroon ng Balagtasan, ang pagsasagutan o pagpapasaringan noon sa tula ay tinatawag na “Duplo.” Umano’y ganito kung manaludtod sa duplo ang ating mga ninuno ng huklubang  panahon:

​

“Ikaw pala nama’y salawahang loob,

Nakapamamangka sa dalawang ilog;

Sarhan mo ang isa’t nang mapanibulos,

Sa isa na lamang mapisan ang agos.”

​

O kaya’y —

​

“Ako sinta’y ‘nalis haharap sa Diyos,

Ipagsusulit ko ang di mo pag-irog;

Kung ako’y tulutang sa lupa’y manaog,

Pagmumultuhan ka nang katakut-takot!”

​

At nauwi nga sa debate o pagmamatuwiran sa tula, na bininyagang “Balagtasan” (sunod sa pangalan ni Balagtas), ang dating matandang duplo upang parangalan at dakilain ang Hari ng mga Makatang Filipino. 

​

​

PAGKAMULAT

​

SINASABING iniluwal daw ang unang Balagtasan sa Instituto de Mujeres sa paksang “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan” na pinagtunggalian nina Jose Corazon de Jesus at Florentino Collantes. Kapuwa mahusay na makata at mambibigkas sina Huseng Batute (sagisag-pampanitikan ni De Jesus) at Kuntil-Butil (sagisag-pampanitikan ni Collantes). Sa unang tagisan ng talino sa Balagtasang yaon ay patas ang inihatol ng Lakandiwa. Nguni’t nang magbalagtasan sila sa Teatro Zorilla sa paksang “Ang Dalagang Pilipina: Noon at Ngayon” ay nagapi si Collantes at tinanghal na Hari ng Balagtasan si De Jesus. Sa isip-isip namin, sayang at wala pa kaming kamuwangan nang panahong yaon, nasaksihan sana namin ang pagsasagupa ng itinuturing na mga taga-ugit at taga-pamuno ng Balagtasan. 

​

Bata pa man kami’y may pagkahilig na sa pagtula. Hangang-hanga kami sa mga makata, lubha pa’t mahuhusay na mambibigkas. Doon sa amin sa Batangas ay nasaksihan at narinig ang pagtula ng hindi madaliring bilang ng mga manunula. Subali’t nakatawag ng musmos pa naming pansin ang pagtula ng mga makatang Nicomedes Atienza at Pablo Aguila. Minsa’y nagbalagtasan sila, hindi  na nga lamang namin matandaan ang paksa — dahil bukod sa pangangatuwiran sa tula — ay nasa kiya, bigkas at tinig nila ang aming konsentrasyon. Sa sarili naming pagtaya ay higit na magaling sa pagbigkas si Aguila, si Atienza nama’y higit na malamukot at makatuturan kung tumula. Parang nauulinigan pa namin ang bunghalit ni Aguila noon sa baritonong boses, “Huwag mong tularan iyang ibong-uwak, ngala’y sinasambit habang lumilipad!” Haplit naman ni Atienza sa matinis nguni’t malinaw na tinig, “Di ba ibong-pipit ang iyong kawangis, kahi’t sugatan na’y awit pa ng awit?”

​

Patunay sa masining at malalim na pagtula ni Atienza ang tula niyang “Dakilang Lumpo” (Parangal kay Apolinario Mabini) na inilathala noon ng isang bantog na magasing-Filipino. Namnamin ang kanyang pananaludtod sa unang dalawang saknong ng tula:

​

“Tinig sa karimlang nag-apoy sa dugo

ng lahing ginaga ng budhing baliko;

MAY KARUGTONG >>>

​

Pahina  [1]  [2]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link