ni Bert Cabual
Karugtong – Pahina 3
At sa mga kapistahan ay inatasan na rin ang makata ng “Ningning ng Balagtasan” na magputong at magpapuri sa reyna at musa ng mga pagdiriwang. Pawang may taglay na mabibihirang ganda’t panghalina ang mga mutyang sinuob namin ng maindayog na tulain ng paghanga at parangal. Anupa’t ang kaway ng alaala ay lalaging magkikintal ng ngiti sa aming mga labi. Hinabi naming mga saknong ang gunita ng karanasang yaon (bahagi ng akdang “Ang Huli Kong Tula”):
Nagbabalik sa gunita ang masayang mga araw,
mga dahon ng pagsuyo sa aklat ng aking buhay;
kapag ako’y tumutula sa ibabaw ng tanghalan,
pagbigkas ko’y nalulunod sa tunog ng palakpakan;
bumabati ang maraming may hatid na pakundangan,
katanyagang inakyat ko: O, kay hirap malimutan.
Minsan, ako’y nakumbidang sa pistahan ay bumigkas,
upang ako ang magputong sa hinirang nilang dilag;
sa tula ko’y nahalina yaong reynang nagagalak,
kung ako raw’y pakakasal ay papayag siyang ganap;
napangiti ako noon: di ko ibig na magpanggap,
nagbibiro lamang ako’y naniwala na kaagad!
Marami rin ang diwatang pinuri ko’t tinulaan,
mga mutya na hindi ko malilimot kailanpaman;
kung may gandang magdaraya na di dapat na handugan,
palad yaon ng makatang may tungkuling ginampanan…
sa tula ko inaaliw—kaibiga’t kasambahay,
at sa tula’y nilulutas— suliraning tinataglay.
Kapag ako’y tumutula: nilulubid ang buhangin
at kapagka bumibigkas: tinataghoy ang tulain;
kung nais kong magpatawa’y sa tula ko daraanin,
kung may bungkos na pighati’y sa tula ko lulunurin;
mayroon daw kasabihang ang mabuhay sa tulain,
umiiyak kung may tuwa’t may halakhak sa hilahil!
ALIMPUYO SA IBAYO
KABILANG kami sa bunton ng manggagawang Filipinong nangibang-lupa sa Inglatera—isinadlak ng karukhaan sa pandayuhan, gayunpama’y taglay sa puso ang marubdob na pag-ibig sa lupang tinubuan at pagdamay sa kababayang nagdaranas ng masidhing pamimighati at pangungulila sa naiwang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.
Lumikha kami ng katipunan ng mga tula na inaasahang makaaaliw at bahagya ma’y makapagpapagaan sa simbigat ng mundong nakaatang sa balikat ng mga kababayang nasa ibayong-dagat. Ipinaaklat ito ng CFMW (Commission for Filipino Migrant Workers). Sa huling bahagi ng Foreword (Paunang Salita) ng aklat ay nagpahayag ang Komisyon ng ganito:
“Here in this presentation is the emergence of the first collection of any Filipino Poet in Britain.
L. B. Cabual brings to his art a passionate and sympathetic experience of the condition of Filipino migrant workers. He compels us to be drawn into the emotions of loneliness, separation from family, pressure to work, foreignness of the environment, humour, and other most human aspects of the lives of migrant workers in Britain, through his poems.
The CFMW considers the publication of these poems as a very significant cultural expression of the Filipino Community here in Britain.”
Nasaling ng titulong-tula (Title Poem) ng aklat na “Pangingibang-Lupa” ang damdamin ng mga Filipino na itinadhanang mangibayong-dagat. Ganito ang daloy ng mga taludturang umantig sa puso ng mga biktima ng pagkadukha na nagtaboy na lisanin nila ang bansang sinilangan:
PANGINGIBANG-LUPA
Ni L. B. Cabual
Ang marubdob na hangari’y isang lundo ng pangarap,
kumakaway na pag-asang iniluwal sa liwanag;
nasa dakong malayo raw ang adhikang hinahanap,
sukdang puso’y mangulila at dalawin ng bagabag;
tayo’y parang bagong taong ang dalangi’t pagsisikap
ay kasuyo ng liwayway sa makulay na watawat.
Dati’y abot-tanaw noon ang naglunting kapatagan,
isang hiyas na lunggati ang lagwertang umiilaw;
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.