ni Bert Cabual
MAKASAYSAYAN ang may tamis at may pait na pag-iibigan nina Kiko (Francisco Balagtas) at Selya (Maria Asuncion Rivera). Hindi nga kaya sila nakaagap sa dalampasigan...at inabot ng tabsing ng dagat ang kanilang suyuan? Tingnan natin ang sabi ni Kiko sa bahagi ng aklat na “Florante at Laura” sa paghahandog niya kay Selya.
“Nagbabalik mandi’t parang hinahanap
dito ang panahong masayang lumipas;
na kung maliligo’y sa tubig aagap,
nang hindi abutin ng tabsing sa dagat.”
Si Selya, ayon sa mga mananalaysay, ang tinatayang pinag-ukulan ng wagas at dakilang pag-ibig ni Balagtas kahima’t may iba pang mga mutyang nagkaroon ng kaugnayan sa kanyang buhay. Unang kasintahan ng makata si Magdalena Ana Ramos. Nasundan ito ng dalawa pa — sina Lucena at Biyanang (hindi pa natutunton ang buo nilang mga pangalan). Sa dakong huli, matapos bathin ni Kiko ang mariing hambalos ng kabiguan sa buhay nang maagaw ni Nanong Kapule ang pinakasisintang si Selya, mabilanggo at makalaya, ay naging kabiyak niya si Juana Tiambeng ng Udyong, Bataan.
Tulad ng batid na natin, Maria Asuncion Rivera ang tunay na pangalan ni Selya. Nguni’t bakit tinawag na Selya ni Francisco Balagtas ang paralumang ito? Bakit hindi basta Maria na lamang, Maring, Angi, o kaya’y Iyang? Malayo ang palayaw na Selya sa ngalang Maria, hindi ba? Ipagkukunot-noo ito ng iba, sasabihing hindi kapani-paniwala...parang bugtong...parang tula na may nakapaloob na talinhaga.
Nguni’t may paliwanag na magkakalag sa gapos ng alinlangan. Ganito iyon: si Selya raw na may angking kagandahang kapilas ng langit, ayon sa makata, ay isang alagad ng musika — dalubhasa sa pagtugtog ng alpa. Hinango ni Kiko Balagtas ang taguring “Selya” sa sagradong pangalan ng pintakasi ng musikang si Santa Cecilia. Dagdag pa rito, nang panahong yaon ay may isang uri ng serbesang yari sa katas ng trigo na habang iniinom ay lalong hinahanap-hanap simsimin. Celia raw ang pangalan ng naturang inumin. Ito ang mga dahilan, humigit-kumulang, kung bakit si Maria Asuncion Rivera ay pinanganlang Selya ng Hari ng mga Makatang Filipino.
Nang tanghaling reyna si Selya sa isang maringal na piging at malaking pagtitipon ng pistang-bayan ay tinulaan siya ni Kiko.
“Siya si Selya kong sa aking lunggati,
binathalang himig ng aking kudyapi;
siya si Selya kong sa labi’y pandampi,
sa uhaw ko’y bulang pamawi ng sidhi!”
Nakilala ni Kiko si Selya nang tumira siya sa arabal ng Pandakan. Sa unang pagkamalas pa lamang ng makata sa dalaga’y nagpiglas nang lumaya ang puso sa kaway ng makapangyarihang pag-ibig. Tulad daw sa talang inaantok sa madaling-araw ang mga mata ni Selya — may matangos na ilong, may maitim at mahabang buhok, may balat na singkinis ng sutla at may taas na nakahihigit nang bahagya sa karaniwang dalagang Filipina. Nabihag ang batikang makata sa mga katangiang ito, lubha pa’t iisipin, na sa pakikipag-usap ay laging magiliw at may laang matamis na ngiti sa mga labi ng dalaga. Tangi sa rito’y tila gayumang bumighani ang malambing at magiliw na tinig ni Maria Asuncion Rivera kay Francisco Balagtas.
Nagbabalak pa lamang na manuyo si Kiko kay Selya ay binabalaan na siya ng mga kaibigan na huwag nang magpatuloy. May mahigpit daw na kaagaw ang binata sa puso ng binibini — ang kasikeng si Nanong Kapule na makapangyarihan, mapaghari-harian at mula sa nakaririwasang angkan. Hindi inalintana ni Kiko ang babala ng mga kaibigan. Pinanindigan niyang anuman ang kahinatnan ay haharapin, masunod lamang ang itinitibok ng puso sa tila birheng dilag ng Pandakan. Umakyat siya ng ligaw kay Selya at ipinaunawa sa pamamagitan ng matatamis na talinhaga ang damdaming hindi makayanang timpiin.
Nang mabalitaan ni Nanong Kapule na may kaagaw na siya sa dalaga ay pinag-ibayo na ang pamimintuho. Ginamit niya ang salapi sa panliligaw, samantalang kinasangkapan naman ni Balagtas ang pagkamakata sa mga pagsamo. Nagkaroon ng mahigpit na tunggalian ang dalawang magkaibang uri ng lakas: Salapi laban sa Tula — Kapangyarihan laban sa Pagkamakata!
May mga bulung-bulungan sa Pandakan na napipipilan na ang salapi at nagwawagi na ang tula. Bumagsak ang kapangyarihan at namayani ang pagkamakata. Pag-aari na raw ni Kiko ang puso ni Selya, pagka’t marami ang nakasasaksing magkasama ang dalawa sa mga pamamasyal sa pampangin ng Hilom at Beata, sa pamimitas ng bunga sa puno ng manggang malapit sa ilog.
Subali’t ito’y sa pasimula lamang.
Nang kumilos nang puspusan ang mayaman at palalong karibal ng makata ay nabago ang ihip ng hangin sa takbo ng mga pangyayari. Nakapanaig ang salapi sa tula, nangibabaw ang kapangyarihan sa pagkamakata. Napapanig ni Nanong Kapule sa kanya ang mga magulang ng binibini dahil sa umano’y nakasisirang-puri sa pamilya ng mga Rivera ang makata. Nakalikha ang sukab na binata ng iba pang gawa-gawang paratang kay Kiko. Isinakdal at naipabilanggo ang makata sa pamamagitan ng pagsuhol ni Kapule sa mga huwad na saksi at sa salaulang huwes na nagbaba ng hatol sa hukuman. Nakulong sa karsel ng Pandakan ang kawawang si Kiko.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.