ISANG DANGKAL NA GUNITA

​

Isang-yugtong dula mula sa panulat ni

Rafael A. Pulmano

​

​

Karugtong ng Dula – Pahina 2

​

NAKARAAN: Pumasok mula sa kanang pinto sina Ubaldo, Rudy at Ferdie.

​

​

UBALDO : (Aalisin ang suot na sumbrero. Magiliw ang ngiti.) Mare, magandang hapon sa inyo.

​

ARSENIA : Magandang hapon ho, Pare. Upo kayo at makapagkape muna. Asa’n na ba si Anong? Teka’t titingnan ko, baka sunog na ang pinapainit na tubig... (Akmang aalis patungo sa kaliwang pinto. Pipigilin s'ya ni Ricardo.)

​

RICARDO : Senyang, mas mabuti pa siguro’y lumabas ka muna at bumili ka kina Aling Epang ng tinapay para may mamiryenda sina Pare.

​

ARSENIA : Mabuti pa nga. O s’ya, iwan ko muna kayo r’yan. 

​

(Lalabas sa kanang pinto si Arsenia.)

​

UBALDO : O ano, Pareng Carding, paano ba? Nakapagdesisyon ka na ba?

​

RICARDO : Bigyan mo pa ‘ko ng kaunting panahon para mag-isip, Pareng Baldo.

​

UBALDO : Wala nang panahon para mag-isip nang matagal, Pare. Alalahanin mong tatlong araw na lang ay halalan na. Kelangang kumilos tayo hangga’t maaga.

​

RICARDO : Nahihirapan akong magdesisyon tungkol sa gusto mong mangyari. Wala ‘to sa usapan natin nu’ng una.

​

UBALDO : Pare, gamitin mo ang utak mo. Kahit kelan ay di pa nagkaroon ng malinis na halalan sa ating bansa. Nung sumali ka sa pulitika, hindi ka sumali para matalo. Kaya kelangang siguruhin mo ang iyong pagkapanalo, at humanda kang marumihan hindi lamang ang kamay mo, kundi pati ang buo mong pagkatao. Ganyan din ang iniisip at ginagawa ng kalaban mo. Kung babagal-bagal ka at magpapatumpik-tumpik sa iyong pasya, sinasayang mo lamang ang panahon nating dalawa... at ang pera ko!

​

RICARDO : Pero Pare... Ang inaalala ko’y...

​

UBALDO : Kung inaalala mo’y baka pumaltos ang aking plano, makinig kang mabuti, Pare. Matagal kong pinag-isipan hanggang sa kaliit-liitang detalye ang bagay na ito. Just let me take care of everything, P’re.

​

RICARDO : Hindi yon, e.

​

UBALDO : E, ano? Ayaw mong masabing mandaraya, ganon ba? (Tatapikin sa kaliwang balikat si Ricardo.) Pareng Carding, wala kang gaanong pagpipilian sa pulitika. Pag nanalo ka, pagbibintangan kang nandaya. Matalo ka naman, pagtatawanan ka at hahamakin lalo na ng mga kontra sa paglahok mo sa pulitika. Ano’ng gusto mo: Masabing nandaya ka, pero panalo naman? O talo ka na nga, pinagtatawanan pa?

​

FERDIE : Tama si Bos Baldo, Ric. Wag mo na lang pansinin ang sasabihin ng tao.

​

(Hindi kikibo si Ricardo. Nag-iisip na mabuti.)

​

UBALDO : Ipagpalagay nang manalo ka dahil sa pandaraya, at ito’y maging usap-usapan ng lahat. Ang importante roo’y nanalo ka at hindi ang usap-usapan ng mga tao. 

​

RICARDO : Para sa akin, importante rin ang kanilang sasabihin tungkol sa ’kin.

​

UBALDO : (Malumanay pero nakahihikayat ang pagsasalita.) Pare, ang utak ng tao’y mahirap ispilengin. Ang kanilang memorya’y napakaigsi. Pasasaan ba’t malilimutan din nila ang lahat? Sige nga, ikaw na ang magsabi. Gaano kalaki ang pagkasuklam ng mga taong-bayan sa mga miyembro ng pamilyang nagpasasa sa ilalim ng pamahalaang diktatura matapos na sila’y mapatalsik sa puwesto?

​

RICARDO : Marami ang nagsasabi na napakalaking krimen ang kanilang nagawa laban sa bayan kaya dapat lamang na sila ay papanagutin sa ilalim na batas.

​

UBALDO : Exactly. Pero ano ang nangyari? Nasaan ngayon ang dating Unang Ginang na sobra ang galit ng mga tao noon?

​

(Hindi makakatiis si Rudy, biglang sisingit sa usapan.)

​

RUDY : (May halong pang-uuyam ang tinig.) Nando’n sa Kongreso. Sa halip na managot sa ilalim ng batas, inihalal pa s’ya ng tao para gumawa ng batas.

​

UBALDO : Kita mong kalokohan yan, Pare? Hindi ko alam kung mapurol ang utak nating mga botanteng Pilipino... pero isang bagay ang sigurado ako. Napakaigsi ng memorya ng marami sa atin.

​

RUDY : Tama si Bos Baldo, Ric.

​

UBALDO : Basta gawin mo ang gusto mong gawin. Tutal, pag nakuha mo na ang gusto mo, kahit anong sakit ng mga salita pa ang bitiwan ng mga may galit sa iyo, maniwala ka sa akin, Pare...siguradong sa iyo pa rin sila lalapit at maninikluhod sa oras na sila’y magipit. Itanong mo pa kay Ferdie. D’yan na pumuti ang buhok n’yan sa pulitika.

​

FERDIE : Nakow, para ko nang nakini-kinita. (Bigay-todo ang arte sa pagsasadula ng iba’t ibang karakter na pinatatamaan.) ‘Kapitan Carding, hu-hu-hu! Ang anak ko po’y nasaksak. Kailangan ang dyip para madala sa ospital. (Sisinghot at hihikbi) Kapitan Carding, nasunugan po kami ng bahay. Kelangan po namin ng temporaring matitigilan. (Natataranta at hindi mankadatuto sa sasabihin.) Kapitan, tulungan n’yo po ang misis kong manganganak na; Kapitan, ang aming kalabaw po ay ninakaw; Kapitan, etsetera, etsetera.’

​

UBALDO : Tandaan mo ‘to, Pare: Sa pulitika, walang permanenteng kaybigan at wala ring permanenteng kaaway. Meron lamang permanenteng nangangailangan.

​

RICARDO : Pero Pareng Baldo, ang plano mo’y...

​

UBALDO : Simple at wala kang sabit. Ituloy mo lang ang pagngiti-ngiti, pakaway-kaway, pakikipagkamayan at pakikihalubilo sa mga tao. Magtatrabaho kami sa likod mo. Nakasobre na ang ibibigay natin sa mga gurong itatalaga ng Comelec sa mga presinto. Lahat ng watcher na itotoka ko sa presinto ay panay may baril. Nakatago sa katawan nila, syempre. Pero huwag kang mag-alala, kahit magkabukuhan ay suportado tayo ni Meyor sa parteng ito kaya walang kaso. Simula bukas hanggang sa araw ng eleksyon ay ipagagapang ko na ang mga botante ni Kapitan Martin na alam kong sa kaunting himas at tumpak na presyo ay maaari pa ring makumbinsing bumaligtad sa oras mismo ng pagboto. At magpapakalat ako ng mga armadong tauhan sa paligid ng mga presinto para kung sakaling magkagulo o magkanakawan ng kahon ng balota ay nakasisiguro tayong hindi ka madedehado.

​

FERDIE : Tingin ko’y tama talaga si Bos Baldo, Kapitan. Saglit lang kayong mababansagang Bad Boy of Ipil-ipil. Gagamit lang kayo ng mga dirty tricks para mapabagsak ang kalaban. Oras na makapuwesto na kayo at kayo na ang hari, aba, e pwede na uli ninyong isuot ang inyong good boy image sa barangay. Makikita ninyo, bayani ang inyong dating sa mamamayan pag nagkataon.

​

UBALDO : (Ikukumpas ang kanang kamay at tatango ng pagsang-ayon.) Nadale mo, Ferdie. Bull’s eye!

​

RICARDO : (May alinlangan pa rin.) Sigurado ba talagang mananalo ako sa plano mo?

​

UBALDO : Walang paltos. Yari na rin ang mga balotang may nakasulat na boto para sa iyo. Iyon e, kung mahalata nating medyo tagilid ang laban. Hindi naman katakataka kapag nagkakaroon ng brown out sa panahon ng eleksyon, di ba?

​

RICARDO : At kapag ako na ang Chairman ng Barangay?

​

UBALDO : Good question, Pare. As newly-elected Barangay Chairman, manungkulan ka nang buong husay sa abot ng iyong makakaya. Gamitin mo ang kapangyarihan ng iyong puwesto para matulungan ang ating mga kabarangay. (Magbabago ang tono ng salita, pahiwatig na napakaimportante ng susunod na sasabihin.) Pero Pareng Carding, alalahanin mong hindi ako pulitikong tao. Lalong hindi ako bayani o martir na handang magsakripisyo alang-alang sa bayan. Negosyante ako.

​

RICARDO : Diretsuhin mo na sa punto, Pare. Ano ba talaga ang gusto mong mangyari?

​

UBALDO : Simple lang, Pare. Kailangang magpasa ka at ang Sangguniang Barangay ng ilang mga batas na makabubuti sa mamamayan. Una, ang mga fish pen sa lawa ay kailangang ipagbawal dahil naaapektuhan nito ang kita ng mga maliliit na mangingisdang taga-baybay dagat na dito lamang umaasa ng ikabubuhay. Ipatupad ang batas na ito, ipademolis ang lahat ng ilegal na palaisdaan sa lawa na sakop ng ating hurisdiksyon. Karamihan sa mga iyan ay pag-aari ng mga maimpluwensyang tao na panay kadikit ni Kapitan Martin.

​

RICARDO : Basta makakatulong sa mga mahihirap, gagawin ko. Ano pa?

​

UBALDO : Pangalawa: Ipagbawal ang lahat ng uri ng sugalan, ipasara ang sabungan, dakpin at ipakulong ang operator ng huweteng at iba pang ayaw sumunod sa ipinag-uutos ng batas. Pangatlo, ipa-raid ang lahat ng bahay aliwan sa ating barangay at ipadakip ang mga dope pushers na bumibiktima sa ating mga kabataan. Ipakulong at parusahan ang mga mahuhuli na tatangging magbago at umiwas na sa mga ilegal na gawaing ito. Malakas ako sa hepe ng pulisiya sa bayan, kaya wala kang poproblemahin sa pagpapatupad nito.

​

RICARDO : Lahat ng yan ay maganda at dapat lang. Kahit di mo hilingin ay handa kong gawin ang aking makakaya para matupad ito. Pero liwanagin mo nga ang sinasabi mong negosyo. Ano’ng kinalaman nito sa pagiging Kapitan ko ng barangay, kung saka-sakali?

​

UBALDO : Oras na gawin mo ang mga nabanggit ko ay marami ang matutuwa sa iyo at tatanghalin kang isang tunay na lider, isang tapat na lingkod at magiting na bayani. T’yak na marami rin ang magagalit sa iyo. Ito yung mga masasagasaan ng iyong mga kautusan at matatapakan ang paa bunga ng mga pagbabagong isasakatuparan mo para sa ikagagaling ng Barangay Ipil-ipil.

​

RICARDO : Ganyan talaga ang aking inaasahan.

​

UBALDO : At oras na mangyari ang gaya ng iyong inaasahan, Pare, kelangang magpakatatag ka. Huwag kang palalasing sa mga palakpak at papuring dulot ng pansamantalang tagumpay, at lalong huwag kang padadaig sa mga patutsada at banta ng iyong mga magiging kaaway. Kasasabi ko lang, at sasabihin kong muli: maigsi ang gunita ng karaniwang tao, halos isang dangkal ang igsi sa hinabahaba ng lubid ng mga magaganda at pangit na alaalang nagsasalimbayan sa loob ng kanyang isipan, kaya madali siyang makalimot.

​

RICARDO : (Maiinip sa haba ng paliwanag ng kausap.) Ang dami mong sinasabi, Pare, pero hindi mo rin sinasagot ang tanong ko. Ano ba talaga ang gusto mo?

​

UBALDO : Relaks ka lang, Pare. Wag kang masyadong high blood at darating din tayo sa parteng yan. Magpapalipas tayo ng kaunting panahon. Pag tapos na ang pista gaya ng pagsasaya ng marami sa mga unang yugto ng Edsa, at pag humupa na ang unos gaya ng malaking pagkagimbal at kaakibat na pagpupuyos ng damdamin nang barilin si Ninoy sa tarmac ng paliparan – dalawang mahalagang pangyayaring gumising sa kamalayan ng maraming Pilipinong matagal nanahimik at nahimlay sa ilalim ng Batas Militar – saka natin ilulunsad ang ikalawang yugto ng aking istratehiya.

​

RICARDO : Anong istratehiya?

​

(Papasok si Anong, dala ang apat na tasa ng mainit na kape.)

​

ANONG : Kape, kape kayo riyan. Kulung-kulo sa init, malinamnam na parang hulog ng langit.

​

(Walang papansin sa dalang kape ni Anong.)

​

UBALDO : Babalik tayo sa dati, Pare. Business as usual, wika nga. Unti-unti nating luluwagan kung di man gagawing ligal uli ang operasyon ng mga fish pen, pasugalan, paglalako ng droga, maging ang prostitusyon. Natural, ako na ang eksklusibong magmamay-ari ng prangkisa at mamamanihala sa mga nabanggit na negosyo. 

​

RICARDO : (Hindi handa si Ricardo sa narinig. Hindi makapaniwala.) Ano?

​

UBALDO : Malaking pera ito, Pare. At huwag kang mag-alala, malaki ang “cut” mo at ng mga kasamahan mong kagawad ng barangay sa kikitain ng negosyo. Basta siguraduhin mo lang na protektado ang mga interes ko at titiyakin ko naman sa iyo na walang gutom ang pamilya mo sa mahabang panahon. Mabibili mo pa ang mga karangyaang nais mo para sa iyo at sa iyong pamilya.

​

RICARDO : Pero ano na lang ang sasabihin ng mga mamamayan? Ng mga taong naghalal at nagtitiwala sa akin?

​

UBALDO : Ayan ka na naman. Sinabi ko na sa iyong malilimutan din nila ang lahat. Halos araw-araw ay may sumusulpot na mga bagong isyu na maaaring makaagaw ng kanilang atensiyon. Balita tungkol sa isang kongresistang nang-rape ng onse anyos na babae. Mga unggoy na dinapuan ng sakit na nakamamatay na may peligrong makahawa sa tao. Seksing istarlet na nabuntis ng kapwa artista. Pelikulang sa umpisa’y ilang ulit na ipagbabawal ng mga taga-Censor na maipalabas sa sinehan pero sa bandang huli, kapag sabik na sabik na ang mga tao – salamat sa libreng publisidad na nalikha ng kontrobersya na lalo namang pinalaki ng mga taga-media – ibibigay din ng Malakanyang ang basbas nito, kaya magmumukha talagang inutil ang mga miyembro ng nasabing lupon. Maniwala ka sa akin, Pareng Carding, hindi mauubusan ng intrigang pag-uusapan ang mga tao. Sakit na ito ng mga Pilipino. Kaya kung nagkataong ikaw ang paksa ng kanilang usapan ngayon at inaaakala mong makasisira ito sa iyong reputasyon, isipin mong pansamantala lamang ang lahat at iyon ay lilipas din. Pabayaan mo sila, Pare. Pagbigyan sila sa kanilang hilig hanggang sa magsawa o mabaling ang pansin sa ibang intriga. Ang importante, Pare, ay kumita tayo ng malaking halaga bago dumating ang susunod na eleksyon.

​

RUDY : (Sisilip sa bintana at makikitang pabalik na si Arsenia. Halos pabulong.) Bosing, dumarating na si Misis.

​

UBALDO : (Parang walang narinig.) Pero kailangan ko ang iyong buong suporta at kooperasyon, Pare. Malaki na ang nagagastos ko sa pangangampanya mo. Kani-kanina lamang ay tatlong libo ang nadale ng mag-asawang Curing at Tomas. Handa akong gumastos hanggang sa huling oras. Kahit magkano. Pero kailangang tulungan mo akong makabawi sa mga gastos ko pag nasa puwesto ka na. At ngayon ko kelangan ang iyong pasya.

​

RICARDO : Pero Pare, para yatang...

​

(Magpapanting ang tainga at magtataas na ng boses si Ubaldo.)

​

UBALDO : Hindi ako papayag na mauwi sa wala ang mga pera at panahong pinuhunan ko sa kandidatura mo, Pare. Ang negosyo ay negosyo, at kahit ano pa ang mangyari...

​

RUDY : (Alumpihit at hindi malaman ang gagawing pag-awat kay Ubaldo.) Bosing, ayan na...

​

(Papasok mula sa kanang pinto si Arsenia, may dalang supot ng tinapay.)

​

ARSENIA : Naku, pasensya na kayo, medyo natagalan ako. Ang daming namimili sa tindahan.

​

ANONG : Ang mahalaga’y narito na ang tinapay at pwede nang pakanin ang mga bulateng alaga natin.

​

ARSENIA : Ito talagang si Ka Anong, hindi na naging seryoso kahit kaylan. O sige na, Pare. Magmiryenda na muna kayo. (Iaabot ang tinapay.)

​

UBALDO : (Tatanggihan ang alok ni Arsenia.) Salamat na lang, Mare. Ang totoo’y hindi na ako magtatagal dahil may aasikasuhin pa ako. May mga taong naghihintay sa akin sa opisina. Pare, maaga uli tayo bukas. Naabisuhan ko na ang mga taga-Purok Singko. Inaasahan nila ang ating pagdalo.

​

RICARDO : O sige, Pareng Baldo. Bukas nang umaga.

​

UBALDO : Rudy, Ferdie?

​

RUDY : Yes Bos. Senyang, Kapitan, tuloy na kami.

​

(Kakaway na lamang ng pamamaalam si Ferdie, tango at kaway ang magiging tugon ng mag-asawa. Lalabas sa kanang pinto sina UBALDO, Rudy at Ferdie.)

​

TATAPUSIN >>>

​

Pahina  [1] [2]  [3]

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link