MARIANG SINUKUAN
LUPAIN sa kapatagan: dati-rati’y masagana,
sa bulaos - pagmasan mo’t punong-puno ng biyaya;
kabukirang kinasihan ng panahong mapagpala,
sa dalatan - pagmalasin ang kaloob ng tadhana;
kaya pala’y may mabait at marilag na diwata,
si Mariang Sinukuang isinugo ng Bathala.
Sinasabing si Maria’y nagmula sa kabundukan,
isang mutyang pambihira ang taglay na kagandahan;
nang manaog sa malawak na libis ng kapatagan,
daming tao ang nagpuri at sa kanya’y namitagan;
mahabagin sa mahirap at diwatang dumaramay
sa balanang may pighating biktima ng kalungkutan.
Si Mariang Sinukua’y hingian ng mga payo,
kung may mga suliraning pasanin ng mga tao;
kabukira’y pinapasyal kahi’t saan pa mang dako,
upang bigyan ng pag-asa’t liwanag ang kahit sino;
itinangi siyang mutyang tulong ay di mamagkano
sa balanang humihingi ng pagdamay at saklolo.
Si Mariang Sinukuan ay diwata ng pag-ibig,
umaalo sa sinumang may bagabag at may hapis;
siya’y irog na sandigan ng timawang nilulupig,
kaya niyang panatagin ang puso ng nagagalit;
nangagbago ang maraming bagamundo at bulisik,
naniwala kay Mariang sa mundo man ay may langit.
Subali’t sa kabukirang nasasakop niyang lupa,
ay naghari ang inggitan at gahamang pandaraya;
naglitawan ang pangahas, mapang-api’t walang awa,
at ang sama ng lipunan ay hindi na masansala;
si Maria ay nagtampo at lumayong lumuluha,
di na siya nakita pa…at naglahong mahiwaga.
Mula noo’y nagkasalot ang lupaing iniwanan
ng mabait na diwatang si Mariang Sinukuan;
nanguluntoy at natuyo sa paligid ang halaman,
nalason ang mga mais at malawak na palayan;
ang daloy ng mga ilog ay lumabo at bumagal,
nagtagtuyot sa bukirin at naiga ang batisan.
Di na ngayon umaawit sa bukid ang mga maya,
Kapataga’y naging burol sa tumakas na ligaya;
umilap ang hayop-gubat: baboy-ramo’t saka tupa,
usa’t ibo’y nagsilayas sa siphayo’t pagdurusa;
si Mariang Sinukuan ay buhay na alaala
Ng lipunang nagsisisi sa nagmaliw na panata!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact