BUGSO NG GUNITA

ni Bert Cabual



PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA



PASINTABI

















Hinihiling ko pong ako ay tulutang

magsaysay ng aking mga pinagdanan;

sa dukha kong nayon mula nang lumisan,

hanggang sa pagsipot ng kasalukuyan.


Di man makalugod ay baka sakaling

may pagkaing-isip na maitatangi;

na sa ibang lupa’y sa pamamalagi,

may mangisa-ngisang aral na mapili.

 

Nagtungo sa London: ako nga ba’y sino,

mapangarapin man ay dukhang katoto;

mapagkikilalang ako’y Pilipino

sa pananalita’t tatag ng prinsipyo.


Tangi sa hangaring aliwin ang diwa

ng kababayan kong nangingibang-lupa;

mithi ring ang tatak ng sariling wika

nating Pilipino’y maipabandila.


May ilang pangalan ng lugar at dako

na sa pagsasaysay ay kusang binago;

at gayon din naman may ngalan ng tao,

dito’y pinalitan sa likod ng kwento.


Ang dahila’y upang mapangalagaan

ang puri ng mga walang kinalaman;

layon naming walang pusong masugatan

ng mga tulaing sa babasa’y alay.


Hindi ko gagawing totoong mahaba

ang pasakalye kong magpugay ang nasa;

itong kasaysaya’y sisimulang kusa—

pamamaalam kong natigmak ng luha!


 

KASUNOD > PAALAM, MAHAL KO!


PASINTABI | PAALAM, MAHAL KO! | NASA ISIP KITA, NAYON KO | ITO BA ANG LONDON? | LONDON AT MAYNILA | SIPAG-PILIPINO | HAWIG NG PALAD | PAGHANGA | KAMAYANG KAY PINA

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link