ni Bert Cabual
Katapusan – Pahina 2
Nasa loob na ng bilangguan ang makata nang umabot sa kanya ang masaklap na balitang ang mahal niya’y napakasal na kay Nanong Kapule, bagama’t may pasabi naman ang dalagang yaon ay pagsunod lamang sa kagustuhan ng mga magulang. Sa matinding pangingipuspos at kirot ng damdamin dahil sa pagmamaliw ng kasuyong si Selya, nag-ulayaw ang dilim at liwanag sa bilangguan ng Pandakan, at naisatitik ni Balagtas ang walang kamatayang “Florante at Laura” — tulang kasaysayan, na sa kabila ng lahat, ay inihandog pa rin niya sa namumukod-tanging mutya ng kanyang puso, si Selya.
Hanggang sa huling hibla ng hininga ni Kiko nang bawian siya ng buhay noong 1862 ay para pa ring inuusal ng makatang —
“Nasaan si Selyang ligaya ng dibdib,
ang suyuan nami’y bakit di lumawig;
nahan ang panahong isa niyang titig
ang siyang buhay ko, kaluluwa’t langit.”
“Bakit baga noong kami’y maghiwalay
ay di pa nakitil yaring abang buhay;
kung gunitain ka’y aking kamatayan,
sa puso ko Selya’y di ka mapaparam.”
Ganyang kahalaga si Selya sa puso Ni Balagtas — pusong nasaktan ma’y nag-ukol ng dalisay at tunay na pag-ibig. May mga mag-uusisang — ang pag-ibig kaya ni Selya kay Kiko ay sindakila rin ng pag-big nito sa kanya? Gaano kayang kahapdi sa kaibuturan ng dalaga nang ikasal siya kay Nanong Kapule? Ano kayang nasa isip at nasa damdamin ni Selya nang una niyang mabasa ang “Florante at Laura” na alay sa kanya ni Kiko? Kumusta na kaya si Balagtas sa puso ng mutyang naging sula sa kanyang pangmasid? Kung maisasatula at maibubukas ang tipan ng puso ni Selya ay may mababanaag na liwanag bilang tugon sa mga pag-uusisa. Nagparikit kami ng kamanyang at nangahas na tumugon.
SI BALAGTAS SA PUSO NI SELYA
“Kay Kiko –
Sa payapang Hilom at Beatang ilog,
doon mo hinabi ang ating pag-irog;
ang mga kataga ng iyong pagluhog,
sinasalamin ko sa kristal na agos.
Minsan sa labi ko’y iyong inilagda
ang tamis ng iyong sumisintang tula;
dito sa puso ko’y iyong isinangla
ang mga pangakong tinahi ng sumpa.
May puno ng mangga tayong kinanlungan
nang tayo’y abutin sa bukid ng ulan;
ang nagbiting bungang manggang maribalang
nitas mo’t sa aki’y iyong ibinigay.
Manggang hugis-puso’y nang aking kagatin,
di ka nakatiis at kumagat ka rin;
alaalang yao’y pawang nakatanim
sa birhen kong pusong ikaw ang sumaling.
Ang pinagdarayong pista sa Pandakan,
dahil sa tula mo’y nagiging makulay;
kung gabi ng putong, sa tula mong alay —
ako ang mutya mong pinapupurihan.
Pusikit na gabi’y napadadagitab
ng rima’t tilamsik ng iyong kalatas;
napabituin mo ang lambong ng ulap
sa mga tula mong aliw ko’t pangarap.
Nguni’t ang suyuan nati’y inaglahi
ng imbi’t palalong si Nanong Kapule;
mga magulang ko’y kanyang itinali
sa kaban ng rangya’t yamang bigay-bawi.
Ipinagkasundo ni Ama’t ni Inang
ako sa lalaking budhi’y salanggapang;
kay Nanong Kapule nang ako’y ikasal,
ang nasa puso ko’y ikaw, Kiko…ikaw!
Nang mabilanggo ka sa karsel ng lunos,
ga-hiblang pag-asa’y tuluyang natupok;
di ko makalinga ang pusong nadurog
sa dilim ng aking pag-aagaw-tulog.
Sa likhang-guro mong “Florante at Laura”
puso ko’y naantig nang aking mabasa;
sa makasaysayang reyno ng Albanya,
Florante si Kiko at Laura si Selya.
O! salamat, Kiko, sa iyong pag-ibig,
salamat sa iyong likhang tulang-awit;
aalagaan ko magpa-hanggang langit
ang inihandog mong hiyas ng panitik.
At may katarungan ang naabang tao
ng lupit at dusta, saan man magtungo;
ang Ay! Ay! ko’t puso’y taglay mo sa trono
nang ikaw’y maghari sa Reynong-Parnaso!
— Selya”
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.